Tutol ang Ama ng Binata sa Babaeng Pinili Niyang Mahalin; Isang Desisyon ang Kaniyang Pagdurusahan
“Mina, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag ka nang iinom ng kape?!” saad ni Rudy sa kaniyang kinakasama.
“At bakit? Sino ka ba sa tingin mo para pagbawalan ako?” pabirong sambit naman ng nobya.
“Tigilan mo na nga iyan! Ako lang naman ang magiging mister mo at ikaw naman ang magiging misis ko. Hindi ba’t sabi sa bibliya na kailangan daw sumunod ng mga misis sa kanilang mister? Kaya iyon ang gawin mo,” natatawa ring sagot naman ni Rudy.
“Huwag ka nang uminom ng kape at baka sikmurain ka na naman. Sinabi na nga ng doktor sa iyo na mula ngayon ay bawal na ‘yan sa’yo, ‘di ba? Inumin mo na lang itong gamot mo para gumaling ka na agad,” dagdag pa ng binata.
“Talagang mahal na mahal mo ako, ano? Alam mo, mahal na mahal na mahal na mahal din kita! Sana hanggang pagtanda natin ay ganito pa rin tayo. Sandali nga pala, alam na ba ng mga magulang mong nagsasama na tayo? Payag na ba silang ako ang pakasalan mo?” tanong pa ni Mina.
“Hindi naman tutol sa pagsasama natin si mama. Siya pa nga ang nagsabi na kung talagang gusto nating magsama ay magpakasal na tayo. Si papa naman ay hindi ko pa rin nakakausap pero ako na ang bahala sa kaniya,” tugon pa ni Rudy.
“Masama pa rin ba ang loob niya dahil ako ang pinili mo? Hindi ko intensyon na ganito ang mangyari sa relasyon n’yong mag-ama,” malungkot na wika ng nobya.
“Huwag mong sisihin ang sarili mo. Mahal kita kaya ikaw ang pinili ko. Nasa tamang edad naman na ako para piliin kung sino ang makakasama ko sa buhay na ito. Ako nang bahalang kumausap sa kaniya, Mina. Huwag ka nang mangamba. Pasasaan din at matatanggap ni papa ang pagmamahalan natin,” dagdag pa ng nobyo.
Matagal nang magkasintahan sina Rudy at Mina. Nagkakilala sila sa unibersidad kung saan sila nag-aaral. Iskolar itong si Mina samantalang si Rudy naman ay anak ng isang mayamang negosyante.
Noong una ay hinayaan lang ng mga magulang ng binata ang kanilang relasyon sa pag-aakala na hindi naman ito magtatagal. Ngunit hindi nila akalain na seryoso ang anak sa dalaga. Pilit silang pinaghihiwalay ng mga ito. Kaya naman nakapagdesisyon si Rudy na tuluyan nang makipagtanan kay Mina.
Labis naman ang sama ng loob ng ama ni Rudy sa kaniyang ginawa. Mula noon ay hindi na siya kinausap pa nito. Subalit ayaw magpakasal ni Mina sa kaniya kung hindi rin lang sila makakapag-ayos ng kaniyang ama. Kaya naman ginagawa ni Rudy ang lahat para makapag-ayos sa kaniyang ama.
Ilang araw ang nakalipas at nakapagpasya na si Rudy na tuluyan nang kausapin ang ama tungkol sa balak niyang pagpapakasal kay Mina. Subalit hindi maganda ang pagtanggap sa kaniya nito.
“Kung susuwayin mo lang ako ay sana’y hindi ka na nagpakita pa sa akin! Pahihiyain mo ba talaga ako sa mga kumpare ko? Sinabi ko na sa’yong hiwalayan mo ang babaeng iyan at doon ka magpakasal kay Cathy. Kailangan natin ang pamilya nila para mas lalong lumago ang negosyo natin. Kinabukasan mo lang naman ang iniisip ko, anak, bakit ba ang tigas ng ulo mo?” wika ng amang si Henry.
“Bakit kailangang kayo ang magdesisyon sa kung sino ang dapat kong pakasalan? Hindi ba’t dapat magpakasal ako sa taong mahal ko? Ni hindi ko kilala ‘yang Cathy na ‘yan tapos ay gusto n’yo pang pakasalan ko siya?” sagot naman ni Rudy.
“Wala ka talagang kwentang, anak! Sarili mo lang ang iniisip mo! Umalis ka na sa harapan ko! Suwail ka!” gigil na gigil na sambit muli ng ama.
Sa sobrang galit ay nanikip ang dibdib ng ginoo at bigla na lang inatake sa puso.
Agad-agad na dinala si Henry sa ospital. Ang sabi ng mga doktor ay kailangan siyang maoperahan sa lalong madaling panahon. Ngunit papayag lang daw ang ginoo sa isang kondisyon.
“Pumayag ka nang magpakasal ay Cathy, anak. Ito lang ang tanging paraan para mailigtas ang buhay ng papa mo. Sa pagkakataong ito ay ako na ang nakikiusap sa iyo!” umiiyak na wika ng ina ni Rudy.
Batid ni Rudy na nakasalalay sa kaniya ang kaligtasan ng ama. Nang gabing iyon ay umuwi siya sa tinutuluyan nilang magkasintahan. Naroon si Mina sa sala at matiyagang naghihintay sa kaniya.
“Kumusta na? Nakausap mo na ba ang papa mo? Pumayag na ba siya na magpakasal tayo?” sunud-sunod na tanong ni Mina.
Isang matamis na ngiti lang ang isinagot ni Rudy sabay yakap sa dalaga.
“Kahit anong mangyari, tandaan mong ikaw pa rin ang laman nitong puso ko. Kahit kailan ay hindi na ‘yan magbabago. Sa’yong sayo lang ‘to,” wika naman ng binata.
Lumipas ang sampung taon.
Masayang nagdiwang ng reunion ang batch na kinabibilangan nina Rudy at Mina.
Nakita ni Rudy itong si Mina na umiinom ng kape.
“Hindi ba’t sinabi na ng doktor na hindi ka na p’wedeng uminom ng kape? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag ka nang iinom ng kape at sasakit na naman ang sikmura mo!” wika ni Rudy kay Mina.
“At bakit? Sino ka ba sa tingin mo para pagbawalan ako?” tanong naman ng dalaga.
Sa pagkakataong ito ay hindi na nakasagot pa si Rudy. Wala nga naman siya sa posisyon para pagsabihan ang dalaga. Hindi niya rin kayang sagutin ang tanong nito dahil katabi niya ang asawang si Cathy.
Nagpanggap na lang si Mina sa harap ni Cathy.
“Rudy, ikaw ba yan? Ikaw ‘yung kaklase ko dati na dinala ako sa klinik dahil sumakit ang sikmura ko nang dahil sa kape. Hindi pa pala ako nakapagpasalamat sa iyo noon! Maraming salamat pero ayos na ako. P’wede na sa akin ang kape. Kumusta pala ang papa mo? Maayos na ba siya?” wika ni Mina.
“A-ayos naman siya. Malakas pa rin tulad ng dati,” hindi alam ni Rudy ang isasagot.
“Mabuti naman! Masaya ako at nasa maayos na siyang kalagayan. Sige at maiwan ko na kayong mag-asawa. Masaya ako at nakita kitang muli,” pilit ang mga ngiti ng dalaga.
Sa pagtalikod ni Mina ay hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Naaalala niya na parang kahapon lang ang paghihiwalay nila ni Rudy upang iligtas ang buhay ng ama nito.
Samantalang si Rudy naman ay labis ang pagnanais na muli sana niyang mahagkan ang dating kasintahan dahil sampung taon man ang nakalipas ay ito pa rin ang laman ng kaniyang puso. Mula noon hanggang ngayon ay si Mina pa rin ang kaniyang mahal.
Ngunit ngayon ay kailangan nang harapin ng dalawa ang katotohanang hindi sila para sa isa’t isa. Tanging panahon lang ang makakapagsabi kung isang araw ay muling pagtatagpuin ang kanilang mga landas at maipagpatuloy nila ang pagmamahalang kanilang tinalikuran.