Basta na Lang Iniwan ng Binata ang Ina sa Home for the Aged; Isang Nakapanlulumong Dahilan Pala ang Nasa Likod Nito
Kitang-kita ng ginang na si Thelma ang pagod sa mukha ng binatang anak na si Renan habang inaasikaso siya nito. Matagal na kasi siyang may malubhang sakit at tanging operasyon na lang ang kailangan niya.
“Anak, pasensya ka na sa akin. Ako dapat ang nag-aalaga sa iyo pero ikaw itong nahihirapan na sa pag-aasikaso sa akin,” wika ng ina.
“Wala naman po akong magagawa. Ako na lang talaga ang maaasahan n’yo, ‘di ba?” sagot naman ng anak.
Batid ni Thelma na nagsasawa na rin ang anak sa itinatakbo ng kanilang buhay. Bukod kasi sa pag-aalaga sa kaniyang ina ay nagtatrabaho rin itong si Renan. Laging nahuhuli sa trabaho, nagmamadali laging umuwi, para lamang asikasuhin ang ina. Pakiramdam ng ina ay malaking pabigat na siya sa kaniyang anak.
Hanggang isang araw ay nagwika na lang itong si Renan sa kaniyang ina.
“May nakita akong trabaho sa ibang bansa. Malaki ang sahod, ‘ma, kaya buo na ang pasya ko na kunin ito. Hindi araw-araw ay may ganitong pagkakataon,” saad ng binata.
“P-pero kung aalis ka, sino ang makakasama ko? Wala na ang iyong ama. Ikaw na lang ang meron ako. Ayokong mag-isa, anak,” saad pa ni Thelma.
“Hindi naman kayo mag-iisa, ‘ma. Dadalhin ko kayo sa home for the aged. Maraming katulad ninyo ang naroon kaya hindi kayo mag-iisa. Kailangan kong gawin ito para naman sa kinabukasan ko,” wika pa ni Renan habang nakatalikod sa ina at inaasikaso ang mga gamot nito.
“K-kung nakapagdesisyon ka na ay wala na akong magagawa, anak. Palagi ka na lang mag-iingat doon, a. Tandaan mo na naghihintay lang ako sa iyo dito. Tatawagan at susulatan mo naman ako palagi, ‘di ba?” tanong pa ni Thelma sa anak.
“Titingnan ko po kung ano ang magagawa ko,” matipid na sagot ng binata.
Pinipigilan ni Thelma ang kaniyang mga luha sa pag-agos. Pilit niyang inuunawa si Renan. Sino ba namang ina ang ayaw ng magandang buhay para sa kanilang anak? Masakit man ang katotohanan ay pabigat na kasi siya sa binata.
Isang linggo ang nakalipas at inihahanda na ni Renan ang gamit ng kaniyang ina sa paglipat sa home for the aged.
“Anak, paano ba ako makakapunta doon sa lugar na sinasabi mo? Susunduin ba nila ako rito?” tanong ni Thelma.
“Ako na po mismo ang maghahatid sa inyo doon, ‘ma, kaya maghanda na po kayo,” sagot naman ni Renan.
“Hindi man lang ba kita maihahatid sa paliparan, anak? Baka naman p’wedeng ihatid muna kita saka na lang ako sunduin ng mga tauhan sa home for the aged,” wika muli ng ginang.
“Huwag nang matigas po ang ulo ninyo, ‘ma. Huwag mo nang sirain ang plano. Ako na ang maghahatid sa inyo. Para masiguro ko rin ang kaligtasan n’yo roon,” giit pa ng anak.
Ilang sandali pa ay may tumawag kay Renan. Sandali itong lumabas upang kausapin ang nasa telepono. Dito na niyakap ng lungkot si Thelma. Ngayong alam na niyang matagal na sila muling magkikita ng kaniyang anak. Subalit hangad pa rin niyang magtagumpay ito sa ibang bansa.
Maya-maya ay nariyan na rin si Renan. Bago sila umalis ay may pinainom munang gamot ang binata sa kaniyang ina.
“Inumin n’yo po ito upang hindi kayo mahilo sa byahe. Medyo may kalayuan po ang pupuntahan natin,” saad pa ng binata.
Ininom naman ni Thelma ang gamot. Ilang sandali pa ay nawalan na ng malay ang ginang.
Paggising niya ay naroon na siya sa isang silid sa home for the aged.
“Nasaan ako? Nasaan ang anak ko?” tanong ni Thelma na pilit na ibinabangon ang sarili.
“Huwag po kayong gumalaw, ma’am. Hindi pa po ninyo kaya,” saad ng isang nars.
“Nasaan na lang ang anak ko? Ang sabi niya ay ihahatid niya ako rito!” giit pa niya.
“Ma’am, dalawang araw na po kayong walang malay. Hindi po namin alam kung sino ang tinutukoy n’yong anak. Isang doktor po ang nagdala sa inyo rito. Ang bilin n’ya po sa amin ay ibigay ang sulat na ito sa inyo,” wika muli ng nars.
Ibinigay ng nars ang sulat kay Thelma. Nagmamadali siyang buksan ito upang kaniyang mabasa. Liham ito mula sa kaniyang anak.
‘Ma,
Sa panahon na mabasa n’yo ang sulat na ito’y malamang ko’y nasa ibang bansa na ako. Hindi ko na po sasabihin kung saang bansa ako pupunta. Huwag n’yo na rin po akong hanapin pa. Huwag n’yo na rin akong subukang tawagan. Pabayaan n’yo na po. Nagsasawa na rin naman akong alagaan kayo.
Ang iyong anak,
Renan
“Batid kong nahihirapan na sa akin si Renan pero hindi ganito ang anak ko. Hindi n’ya ako basta na lang pababayaan!” wika ni Thelma
Habang lumuluha nang matindi ay bigla siyang napaisip. Hindi si Renan ang nagdala sa kaniya sa home for the aged kung hindi isang doktor. Kinapa niya ang kaniyang balakang at doon ay mayroon siyang sugat.
“Ano ba talaga ang nangyari sa akin, ‘miss? Sinong doktor ‘yun? Nasaan ang anak ko?!” pagtangis pa ng ginang.
Ilang araw ding nagpagaling si Thelma sa home for the aged. Hanggang sa naisip niya ang kaibigang doktor ng kaniyang anak.
Nakiusap siya sa pamunuan ng home for the aged na hayaan siyang makausap ang doktor na ito. Nakailang pakiusap rin ang ginang hanggang sa pumayag na ang doktor na makipagkita muli sa kaniya.
“Alam kong alam mo kung nasaan ang anak ko. Sabihin mo sa akin kung nasaan ang anak ko! Parang awa mo na!” umiiyak na sambit ng ginang.
“Nangako ako sa anak ninyo na hindi ko sasabihin ang katotohanan pero sa tingin ko ay karapatan ninyong malaman. Hindi totoong nasa ibang bansa si Renan, pero totoong umalis na siya. Sa pagkakataong ito ay hindi na siya babalik pa,” sagot naman ng doktor.
“Paanong hindi na babalik pa? Nasaan ang anak ko?” pagtangis muli ni Thelma.
“Hindi na kayang dalhin ni Renan sa kaniyang puso ang lumalala niyong kalagayan. Iisa na lang ang bato n’yo dahil ibinigay niyo ito sa kaniya noong siya naman ang nasa bingit ng pagkawala. Kaya naman nagpasya siyang ibalik na ito sa inyo. Nais niyang magpasalamat dahil kahit paano ay nadugtungan ng mahigit isang dekada ang kaniyang buhay,” saad pa ng doktor.
Humagulgol na lamang si Thelma dahil sa ginawa ng kaniyang anak. Noon kasi ay hindi nagdalawang isip na ibigay ang isang bato niya sa anak nang magkasakit rin ito at kinailangan ng operasyon.
“Dapat ay pinigilan mo siya! Dapat ay hinayaan na lang niya akong mawala! Ano ang gagawin ko ngayong wala na ang anak ko?! Mawawalang saysay na rin ang buhay ko dahil wala na siya!” patuloy sa pag-iyak ang ginang.
“Huwag n’yo pong sayangin ang buhay ninyo, Aling Thelma. Kung nasaan man si Renan ngayon ay alam kong masaya siya dahil nadugtungan niya ang buhay ninyo. Mahal na mahal kayo ng anak niyo. At handa siyang gawin ang lahat para lang mabuhay pa kayo nang mas matagal,” saad pa ng doktor.
Tanging pagluha na lang ang naisagot ni Thelma. Hindi niya akalain na kayang gawin ni Renan na isakripisyo ang sariling buhay para lang sa kaniya. Balot man ng pighati dahil batid niyang hindi na niya makikita pa kahit kailan ang anak ay kailangan niyang magpatuloy sa buhay. Tama ang doktor, ayaw niyang masayang ang pagsasakripisyo ni Renan para lang siya ay mabuhay.
Nagdesisyon si Thelma na lumabas na lang ng home for the aged upang ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Kahit na may edad na rin kasi ay malakas pa rin naman siya. Lalo na ngayon na gumaling na siya sa kaniyang sakit.
Bawat araw ay walang sinayang si Thelma. Lalo niyang iningatan ang kaniyang sarili upang maging malusog siya. Nawala man ang kaniyang anak ay mananatili ito sa kaniyang puso at isip hanggang sa muli silang magkita sa kabilang buhay.