Inday TrendingInday Trending
Ginawang ‘Negosyo’ ng Nanay na Ito ang Nalalapit na Kapaskuhan; Aguinaldong para sa Anak ang Kaniya ’Di Umanong Puhunan

Ginawang ‘Negosyo’ ng Nanay na Ito ang Nalalapit na Kapaskuhan; Aguinaldong para sa Anak ang Kaniya ’Di Umanong Puhunan

Nagniningning ang mga mata ni Janella habang pinagmamasdan ang screen ng kaniyang cellphone. Paano kasi ay manghang-mangha siya sa pinakabagong modelo ng isang mamahaling cellphone ngayon na i-p-in-ost ng kaniyang kaibigan sa Facebook.

Ngunit ang pagkamanghang iyon ay agad na napalitan ng inggit, maya-maya lamang. Nahiling pa nga ni Janella na sana ay ipinanganak na lamang din siyang mayaman upang madali lamang sa kaniya ang bumili ng ganitong mga gadget. O ’di kaya naman, sana ay nakapangasawa na lamang siya ng mayaman at hindi iyong nagpabuntis siya nang maaga sa kaniyang nobyong wala namang maayos at permanenteng trabaho, sa edad lamang na labing pitong taong gulang.

Nasa ganoong klase ng pag-iisip si Janella nang bigla niyang marinig ang malakas na palahaw ng kaniyang dalawang taong gulang na anak na kanina ay iniwan lamang niya sa kuna nito upang siya ay makapagpahinga. Dahil doon ay walang habas siyang napakamot sa kaniyang ulo na halos mapasabunot na nga sa sariling buhok dahil lamang sa pagkainis.

“Nakakaasar ka talagang bata ka! Hindi na ako makapagpahinga sa ’yo!” sigaw niya sa anak. “Kung pupuwede ka lang ibenta, ginawa ko na, e!” dagdag pa niya bago kinarga ang bata upang ito ay pasusuhin.

Ngunit matapos niyang sabihin iyon ay tila isang ideya ang bigla na lang niyang naisip… noon niya kasi napagtantong oo nga pala’t malapit na ang kapaskuhan. Siguradong tiba-tiba na namans siya sa matatanggap na aguinaldo ng bata!

Ngunit hindi na siya makapaghintay pa ng Pasko para lang dito, kaya naman habang karga ang kaniyang anak ay kinuha niyang muli ang kaniyang cellphone at sinimulang hanapin sa Facebook isa-isa ang kaniyang mga kumare’t kumpare.

Nagsimula siyang mag-type, at nang siya ay makuntento na ay isa-isa niya iyong i-s-in-end sa kanila…

“Mare/Pare, baka naman p’wedeng i-advance n’yo na ang ibibigay ninyong aguinaldo kay baby. Kailangan kasi namin ngayon ng panggatas niya, e,” aniya sa kanila.

Mabilis namang nag-reply ang iba sa mga ito at sinabing padadalhan siya agad, ngayon din. Tuwang-tuwa naman si Janella. Ngunit ganoon na lang ang inis niya nang hindi ganoon ang maging reply ng isa pa sa kaniyang mga kumare.

“Bakit, mare? Wala ba kayong trabaho ni pare?” tanong ng isa sa mga dati niyang kabarkadang si Jody na ang alam niya ay nasa abroad pa man din.

“Naku, mare, mahina ang kita ngayon dahil sa pand*mya. Sige na, tulungan mo na kami, tutal ay mayaman ka na,” sagot naman ni Janella.

“Pasensiya ka na, mare. Wala pa kasi akong sahod, e. Sa katunayan nga’y hindi pa rin ako nakapagpapadala sa mga anak ko, e, magpapasko na,” muli ay sabi pa nito.

“Sus! Napakakuripot mo naman, mare. Nakita ko ngang nagpo-post ka ng mga bago mong gamit katulad ng mamahaling bag at ilang mamahaling gadget, pagkatapos ay sasabihin mong wala kang pera!” naiinis na ani Janella sa kaibigan. “Sige na, padalhan mo na ang inaanak mo, mare. Kahit dalawang libo lang,” dugtong pa niya.

“Dalawang libo ‘lang’?!” hindi makapaniwalang bulalas ng kumare ni Janella sa sinabi niya. “Aba, mare, hindi naman pinupulot lang basta ang pera dito sa abroad! Pinaghihirapan ko ang bawat sentimo ko rito, pagkatapos ay lalang-langin mo?”

“Alam mo, mare, kung ayaw mong magbigay, huwag mo! Simula ngayon ay hindi ka na ninang ng anak ko, dahil kuripot ka! Sana ay maltratuhin ka ng amo mo riyan sa Saudi para naman makarma ka sa ginawa mo sa amin!” huling sabi pa ni Janella bago niya pindutin ang block button sa messenger.

Ngunit hindi inaasahan ni Janella ang sumunod na ginawa ng kumare niya, dahil nakita na lamang niyang naka-post ang pangalan at pagmumukha niya sa timeline nito, maging ang kanilang naging pag-uusap! Umaani na ngayon ng napakaraming reaksyon mula sa iba’t ibang mga tao ang naturang post at hindi iyon pabor sa kaniya! Marami sa comment section nito ang nagagalit sa ginawa niya.

Maging ang mga kaibigan niyang nagpasabing magpapadala sa kaniya kanina ay biglang binawi ang kanilang mga sinabi. Anang mga ito ay hihintayin na lamang nila ang Pasko para ibigay sa anak niya ang kanilang aguinaldo. Ang iba ay pinangaralan pa siya na hindi raw dapat ginagawang negosyo ang kapasukuhan at hindi ginagawang puhunan ang aguinaldong hindi naman para sa kaniya kundi para sa kaniyang anak. Ngayon ay wala nang mukhang maihaharap si Janella.

Advertisement