Dati ay Hinahamak Lamang ng Kaniyang mga Kaeskuwela ang Babaeng Ito Dahil sa Kaniyang Pagiging Kasambahay; Ngayon ay Taas-noo Niya Itong Ipagmamalaki
Isang linggo pa lang ang nakakalipas buhat nang makapagtapos ng highschool ang dalagang si Katalina, ngunit heto na siya ngayon at nakikipagsapalaran sa Maynila upang humanap ng pagkakakitaan. Hindi niya alam kung bakit tila ba mailap sa kaniya ang suwerte, dahil nang tangkain niyang mag-apply ng scholarship sa kanilang lugar ay saka naman nagkasakit ang kaniyang ama, at dahil doon ay kinailangan niyang piliin na lamang na magtrabaho.
Hindi nagtagal ay natanggap si Katalina sa isang mayamang pamilya upang magtrabaho sa mga ito bilang kasambahay. Medyo mahirap ang mga nakaatang na gawain ngunit ayos na ’yon para sa dalaga dahil iyon ang bubuhay sa kaniyang pamilya.
Unang linggp pa lamang ni Katalina ay talagang nagpakitang gilas na siya sa kaniyang mga amo. Nagsipag siya kahit pa hindi nakatingin ang mga ito at dahil doon ay agad nila siyang nagustuhan.
“Ilang taon ka na, hija?” minsan ay tanong sa kaniya ng kaniyang among babae matapos niya itong ipagtimpla ng kape.
“Disinueve ho,” sagot naman niya.
Napatango-tango naman ito. “E, bakit hindi mo sinubukang magkolehiyo?” muli ay sumunod nitong tanong. Dahil doon ay napakamot naman si Katalina sa kaniyang ulo.
“Sa totoo lang po ay sinubukan ko na ’yan, iyon nga lang ay mas kailangan po ako ng pamilya ko sa ngayon,” bakas ang lungkot sa tinig na sagot pa ni Katalina sa amo.
“Gusto mo bang bumalik sa pag-aaral? Anong kurso ang gusto mong kunin kung sakali?”
Napakunot na ang noo ni Katalina dahil sa sumunod pang mga tanong ng kaniyang madam. “Bakit po n’yo naitanong, ma’am?” Hindi niya napigilan ang kaniyang kyuryosidad.
“Sa tingin ko kasi ay kaya kitang pag-aralin, hija. Nakikita ko sa ’yo ang sarili ko noong kabataan ko pa kaya naman gusto kitang tulungan…” Tumayo mula sa kinauupuan nito ang kaniyang amo at may kinuhang sobre mula sa mesa nito. “Heto ang application form mula sa unibersidad na pinapasukan ng aking anak. Kung gusto mo pang mag-aral ay fill-up-an mo lamang ’yan at muli mong ibalik sa akin,” nakangiti pang sabi nito na halos magpanganga naman kay Katalina!
Labis ang pasasalamat niya sa kaniyang amo kaya naman dali-dali niyang sinunod ang sinabi nito. Sa isang iglap ay namalayan na lamang ni Katalina na siya ay pumapasok na bilang isang kolehiyala, habang siya ay nagtatrabaho para sa kaniyang pamilya.
Nagsimula na ngang maabot ni Katalina ang unang hakbang para sa pagkamit niya ng kaniyang tagumpay, ngunit alam niyang hindi lamang iyon ang kaniyang pagdaraanan. Lalo na nang magsimula siyang makaranas ng pangungutya at pangmamaliit mula sa kaniyang mga kaeskuwela sa tuwing malalaman ng mga ito na isa siyang kasambahay, lalong-lalo na mula sa isang partikular na kaeskuwelang nagngangalang Salve.
“Kahit anong gawin mo, mananatili kang katulong habang buhay, Katalina. Tandaan mo ’yan,” isang beses ay sabi nito sa kaniya na animo alam na nito ang mangyayari sa kinabukasan, hindi pa man iyon nasisimulan.
Ngunit imbes na makipagtalo ay mas pinili na lamang ni Katalina ang manahimik at ituon ang lahat ng kaniyang atensyon sa pag-aaral. Pinagbuti niya ito upang patunayan sa kanila na kahit isa lamang siyang katulong ay kaya niyang maging matagumpay sa hinaharap. Naniniwala siyang kaya niya at sinisigurado niya sa kaniyang sarili na walang anuman ang makahahadlang sa kaniya!
Mahirap pagsabayin ang trabaho at pag-aaral ngunit ginawa ni Katalina ang lahat upang magawa nang maayos ang mga ito. Habang ang ibang kaeskuwela niya ay panay ang pagpapakasaya, si Katalina naman ay halos isubsob na ang sarili sa mga gawain, mapaunlad lamang ang kaniyang sarili.
Hindi nagtagal, dumating ang kanilang nalalapit na graduation, at ganoon na lamang ang kaniyang tuwa nang malaman niyang kabilang siya sa mga magsisipagtapos na mayroong kakamiting parangal!
“Sabi ko na nga ba at hindi ako nagkamaling tulungan ka, Katalina!” tuwang-tuwang anang kaniyang amo nang malaman ang balitang iyon.
Labis naman ang pagpapasalamat ni Katalina rito at walang pagsidlan ang kaniyang tuwa. Hindi nagtagal ay nagkaroon siya ng magandang trabaho na siya niyang ginamit upang maipagamot niya sa magandang ospital ang kaniyang mahal na ina na kalaunan ay agad din namang gumaling. Nagbunga ang lahat ng pagtitiis na ginawa niya at ngayon ay maaari na niyang itaas ang kaniyang noo at sabihing ang lahat ng ito ay bunga ng kaniyang pagsisikap bilang isang butihing kasambahay.