Inday TrendingInday Trending
Napaluhod ang Matandang Ito sa Iyak dahil sa Ginawa sa Kaniya ng Isang Lalaki; Babaha ng Luha sa Pagkukuwento Niya Tungkol Dito

Napaluhod ang Matandang Ito sa Iyak dahil sa Ginawa sa Kaniya ng Isang Lalaki; Babaha ng Luha sa Pagkukuwento Niya Tungkol Dito

Katatapos lamang magsimba ng tatlong magbabarkadang ito. Doon nila naisipang dumaan sa likod ng simbahan dahil mas malapit iyon sa terminal ng jeep na sasakyan nilang lahat pauwi. Ngunit hindi inaasahang madaraanan nila roon ang isang umiiyak na matanda, habang halos napapaluhod na ito habang kaharap ang isang lalaking may malaking katawan at maraming tattoo sa braso.

Nagkatinginan sina Jullian, Ralph, at Eric dahil doon. Agad nilang naisip na baka mayroong ginawang masama ang lalaking ’yon, lalo na at nakatatakot ang hitsura nito kung tutuusin. Animo kasi ito kontrabida sa mga pelikula, kaya naman dahil doon ay nagpasiya ang tatlo na lapitan ang dalawa.

Pasimple silang naglakad sa likuran ng mga ito upang pakinggan ang kanilang pinag-uusapan, at ganoon na lang ang gulat nila nang marinig ang galit na anas ng lalaki, “Napakawalang modo!” anito. “Hindi ako papayag sa ganoon, Tatang! Hindi ko mapapalampas ito!” dugtong pa ng naturang lalaki na nagpaalerto naman sa tatlo.

“Mukhang may ginagawang masama itong si Kuya kay lolo,” naiiling na sabi ni Jullian sa mga kasama.

“Kaya nga! Ang lakas pa ng boses, hindi na nahiya!” komento naman ni Eric habang si Ralph ay masama lamang ang tinging ipinupukol sa lalaking malaki ang katawan.

Akmang lalapit na sana ang tatlo sa puwesto nang dalawa nang marinig nilang magsalita muli ang lalaki… “Alam n’yo ba kung saan nagpunta ang isnatser na ’yon, tatang? Hahabulin ko ho, para sa inyo. Hindi maganda ang ginawa niya! Hindi na siya naawa sa inyo!”

Nagulat ang tatlong magbabarkada at napaatras dahil sa kanilang narinig. Nalito sila, dahil mukhang hindi pala ang matanda ang sinisigawan ng nasabing lalaki.

“Mawalang galang na po, kuya. Pero bakit po umiiyak si lolo?” lakas-loob na tanong ni Ralph sa nasabing lalaki nang hindi na nila matiis ang kyuryosidad.

“Naku, hijo, mayroon kasing masamang loob na nang-isnats ng aking bag ngayon lang, pagkalabas ko ng simbahan. Naroon pa man din ang lahat ng pera ko na gagamitin ko sana bilang pamasahe pauwi sa probinsya. Matagal kong pinag-ipunan iyon para makauwi ako ngayong Pasko dahil miss na miss ko na ang pamilya ko… pero lahat ng iyon ay nawala na lang basta sa isang iglap!” umiiyak pa ring kuwento ng naturang matanda na talaga namang kumurot sa puso ng magbabarkada. “Mabuti na lang at sinaklolohan ako ng mabait na mamang ito. Pinalitan niya ang perang nawala sa akin at binigyan pa ako ng pabaon, at ngayon ay balak niyang habulin ang isnatser upang ito ay maparusahan! Hindi ko akalain na makatatagpo ako ng hulog ng langit ngayong araw!” dagdag pa nito na lalo pang nakapagpaantig sa puso ng tatlong magbabarkada!

Bigla silang nahiya sa kanilang sarili dahil mabilis nilang hinusgahan ang naturang lalaki base lamang sa hitsura nito. Hindi nila akalaing mayroon pala itong ginintuang kalooban na handang tumulong sa nangangailangan!

“Tatang, Diyos po ang nagbigay sa inyo ng biyayang ’yan. Huwag na huwag po kayong mawawalan ng pag-asa. Isa lamang po akong instrumentong ginamit niya upang handugan kayo ng maagang pamasko. Merry christmas po,” muli ay dugtong ng lalaki.

Pakiramdam nina Jullian, Ralph at Eric ay may nakabikig na kung ano sa kanilang lalamunan dahil naiiyak sila sa kanilang nasaksihan. Wala ring ibang lumabas sa kanilang bibig kundi ang salitang, “idol!” na ang tinutukoy ay ang lalaking maraming tattoo sa braso.

Dahil talagang hinangaan nila ito ay walang pagdadalawang isip na dumukot din sila ng kani-kaniya nilang ambag mula sa sarili nilang mga bulsa at ibinigay iyon sa matandang nangangailangan. Ang totoo ay inilalaan sana nila ’yon para sa kanilang gimik mamaya, ngunit ngayon ay nakakita na sila ng mas magandang dahilan upang paglaanan n’on.

Laking pasasalamat ng matanda sa kanilang lahat, dahil sa nangyari. Sina Juliian, Ralph at Eric naman ay hindi pinalampas ang pagkakataong makilala ang mabuting lalaki at kumuha rin sila ng litrato kasama ito. Siguradong hinding-hindi malilimutan ng tatlong kabataang ito ang nangyaring iyon at dadalhin nila ’yon hanggang sa kanilang pagtanda, kasama ang mga leksyong natutunan nila sa maiksing pangyayaring ’yon sa kanilang buhay.

Samantala, nakauwi naman nang ligtas ang matanda at ganoon na lang ang tuwa ng pamilya nito lalo na at may uwi rin itong panghanda nila sa darating na noche buena at media noche. Salamat sa mga kalalakihang nagparanas sa kaniya ng totoong diwa ng kapaskuhan.

Advertisement