Inday TrendingInday Trending
Tinakbuhan ng Lalaking Ito ang Kasalanang Nagawa Niya; Hindi Siya Patatahimikin ng Kaniyang Konsensiya

Tinakbuhan ng Lalaking Ito ang Kasalanang Nagawa Niya; Hindi Siya Patatahimikin ng Kaniyang Konsensiya

“Pare, lasing ka na, huwag ka nang umuwi!” pigil sa kaniya ng kaibigang si Milo nang makita nitong akma na siyang aalis ng bahay matapos niyang tumayo sa kanilang inuman.

Ngunit imbes na pakinggan ito ay nginisian niya lang ang kaibigan. “Hindi ako lasing,” mayabang pang sagot ni Jetro. “Uuwi na ako dahil baka giyerahin ako ni nanay,” tatawa-tawang dagdag niya pa.

“Baka maaksidente ka, pare, o hindi naman kaya’y ikaw ang makaaksidente. Alam mo namang masama ang magmaneho kahit nga nakainom ka lang,” pilit pa ring pigil sa kaniya ni Milo ngunit muli ay tinanggihan ito ni Jetro.

Sumakay siya sa kaniyang motorsiklo matapos niyang isuot ang kaniyang helmet. “Huwag ka nang mag-alala, pare. Kaya ko. Intindihin mo na lang ’yang inaanak ko’t dadalaw na lang ulit ako rito,” sabi pa niya. Ngayon kasi ang araw ng binyag ng anak nito kaya naman napainom siya, lalo’t isa siya sa kinuha nilang mga ninong.

Hindi pa rin sang-ayon si Milo sa pagmamaneho ni Jetro nang lasing ngunit wala na itong nagawa kundi mapailing nang paharurutin na ni Jetro ang kaniyang sasakyan.

Malakas talaga ang tama ni Jetro. Napakabilis ng kaniyang pagpapatakbo, gayong dumaraan siya ngayon sa isang pedestrian lane. Nakapula pa man din ang stop light, ngunit dahil wala siya sa huwisyo ay patuloy lamang siya sa pagpapatakbo ng motorsiklo, at dahil doon ay hindi niya napansing tumatawid pala ang isang babae…

Mabilis ang naging mga pangyayari. Sa isang iglap ay hindi namalayan ni Jetro na pareho na pala silang nakahandusay ng naturang babae! Wala naman siyang natamong galos, dahil nakasuot siya ng kumpletong kasuotan sa pagmamaneho, ngunit halos hindi siya makagalaw nang makita niyang duguan ang hitsura ng babaeng nabundol niya!

Natakot si Jetro, at dala ng takot na iyon ay muli niyang itinayo ang nakataob niyang motorsiklo at walang pagdadalawang isip na sinakyan iyon upang takasan ang kaniyang nabundol! Bago siya tuluyang makaandar muli ay narinig niya pa ang hiyaw ng babaeng nakahandusay sa kalsada…

“T-tulungan mo ako! Dalhin mo ako sa ospital, pakiusap!” sabi nito na hindi na niya pinansin pa at muling pinaharurot paalis ang sasakyan niya.

Sigurado naman kasi si Jetro na walang nakakita sa kaniya. Nang mga sandaling iyon kasi ay walang traffic enforcer na nasa kalsada at sa tagal na ng panahong dumaraan siya doon ay alam niyang sira ang mga CCTV na nakapaligid sa naturang kalsada. Sigurado siyang hindi siya mahuhuli kaya naman pilit niyang kinakalma ang sarili niya.

Ngunit buhat nang araw na ’yon ay hindi na kailan man nalimutan pa ni Jetro ang naturang pangyayari. Madalas ay laman ng kaniyang mga panaginip ang mga eksena nang gabing ’yon, lalo na nang mabalitaan niya mula sa telebisyon na nawalan daw ng buhay ang babaeng nabundol niya, dahil hindi ito agad nadala sa ospital.

Nalaman ni Jetro na mayroon pala itong tatlong anak na naiwan, na nang interview-hin ng isang reporter ay nagbanta pang ipakukulam daw ang taong gumawa nito sa kaniyang ina! Doon ay labis na natakot si Jetro at tila lalong natuliro. Halos hindi na siya makakain o makapasok man lang sa trabaho!

Isang gabi, nang makatulog si Jetro dahil sa pag-inom ng ilang bote ng alak, ay hindi inaasahang nagising siya nang eksaktong alas dose ng hatinggabi dahil sa matinding pagsakit ng kaniyang ulo. Tumayo siya mula sa kaniyang kama at dumiretso sa banyo upang maghilamos, ngunit ganoon na lang ang kilabot na kaniyang naramdaman nang makita niya mismo sa repleksyon ng kaniyang salamin na nasa likod niya ang babaeng kaniyang nabundol!

“Panagutan mo ang ginawa mong kasalanan sa akin! Panagutan mo!” paulit-ulit na hiyaw nito habang unti-unting iniaangat ang kamay nito upang abutin ang kaniyang leeg!

Takot na takot si Jetro kaya naman sinubukan niyang tumakbong muli, ngunit halos maihi siya nang sa pagbukas niya ng pintuan ng banyo ay naroong muli sa harap niya ang babae!

“Tatakas ka na lang ba lagi? Panagutan mo ang ginawa mong kasalanan sa akin!” muli ay sabi nito na nagpasigaw naman kay Jetro!

Napabalikwas siya ng bangon. Doon niya nalamang isa lamang pala iyong masamang panaginip, ngunit halos maiyak si Jetro dahil alam niya sa sarili niya na hindi na niya kayang pigilan pa ang kaniyang konsensiya.

Dahil doon, kinabukasan ay nagpunta siya sa pulisya upang aminin ang kaniyang kasalanan at pagbayaran ang ginawa niyang kapabayaan. Isinuplong na niya ang kaniyang sarili dala ng matinding pangongonsensiya.

Advertisement