Isang Dating Labandera, Ngayon ay Milyonaryo na; Isang Himala nga ba ang Nangyari sa Kaniya?
Usap-usapan ngayon sa barangay kung saan dating nakatira ang labanderang si Aling Mayta, ang tungkol sa bali-balitang ngayon ay mayaman na siya. Nagsimula iyon nang dumalaw siya noong nagdaang araw sa naturang barangay, sakay ng isang magarang kotse, upang mamigay ng mga relief goods sa mga taong nasalanta ng nagdaang bagyo.
“Grabe, hindi ko alam kung ano’ng swerte ang dumapo kay Mayta at gumanda nang ganoon ang buhay niya! Nakakainggit!” ani Aling Tisay—isa sa mga dati niyang kapitbahay—habang kausap nito ang kumareng si Aling Osang na may-ari naman ng sari-sari store na dating inuutangan ni Aling Mayta noong wala pa siyang pera.
“Sinabi mo pa! Naku, talagang nakakainggit siya,” segunda naman ni Aling Osang. “Pero alam mo ba, ang maganda roon ay iyong hindi niya tayo nakalimutan kahit pa yumaman na siya. Hindi ako nagkamaling tulungan siya noong siya pa ang nangangailangan,” dugtong pa nito habang inaalala ang nakalipas na panahon, noong doon pa nakatira si Aling Mayta sa kanilang barangay.
Kilalang masipag at mabuting ina si Aling Mayta, bagama’t hikahos ito sa buhay. Sa kabila ng pagiging tamad at lasinggero ng dati nitong asawa ay nagagawa nitong buhayin, kahit papaano, ang kaniyang limang anak sa pamamagitan lang ng paglalabada.
Araw o gabi, kailan man ay hindi siya nakita ng mga tao na walang ginagawa, maliban na lang kung siya’y tulog, kumakain o nagpapahinga. Talagang hinahangaan ng lahat ang kasipagan niya, kaya naman maging ang kaniyang mga kapitbahay ay hindi nangingiming tulungan siya sa tuwing siya ay mangangailangan. Sa katunayan ay ang mga ito rin ang gumawa ng paraan upang mahuli ng mga pulis ang kaniyang dating kinakasama nang tangkain siya nitong saktan, pati na rin ang kanilang mga anak, dahil lango ito sa ipinagbabawal na gamot.
Matapos iyon ay nagpasiya na lamang si Aling Mayta na umalis sa lugar na ’yon at magpakalayo-layo upang muli silang makapag-umpisa ng kaniyang mga anak. Nagpunta sila sa Maynila at doon ay nakipagsapalaran.
Maraming trabahong pinasukan si Aling Mayta. Dahil doon ay nagkaroon siya ng pagkakataong makabili ng isang washing machine na siyang ginamit niya upang tumanggap ulit ng maraming labada. Dala ng kasipagan, hindi nagtagal ay muling nakabili ng isa pang washing machine si Aling Mayta at dahil doon ay lalong dumami ang mga taong nagpapalaba sa kaniya. Muli siyang nagdagdag ng kasangkapan, at sa tulong ng kaniyang mga anak ay unti-unti silang umasenso, hanggang sa ang simpleng paglalabada noon ni Aling Mayta ay nagbunga ng isang maliit na laundry shop na agad pang pumatok sa naturang lugar na kanilang natirahan lalo pa at malapit iyon sa mga pabrika at eskuwelahan.
Doon na nag-umpisang maging maganda ang buhay ni Aling Mayta at ng kaniyang mga anak. Isa-isa niyang napagtapos ng pag-aaral ang mga ito hanggang sa magkaroon na rin ng iba’t ibang branch ang kanilang negosyong kalaunan ay lumaki na at nakilala dahil sa maganda nilang serbisyo.
Nang magkaroon ng kani-kaniyang magagandang trabaho ang kaniyang mga anak ay siniguro muna nila na tutulungan siya ng mga ito at bibigyan nila siya ng isang komportable at masaganang buhay bago sila bumuo ng sarili nilang pamilya… at heto na nga ngayon si Aling Mayta, isa na ngang milyonarya!
Mayroon na siyang isang malaking bahay na tinitirahan kasama ang kaniyang mga anak na wala pang sariling pamilya. Magagara na ang kaniyang mga sasakyan at may masasarap nang pagkain sa kanilang mga hapagkainan, ngunit ang dahilan kung bakit tila lalong pinagpapala ang dating labandera ay dahil kailan man, hindi siya nakalimot na lumingon sa kaniyang pinanggalingan.
Tumutulong siya sa mga nangangailangan sa abot ng kaniyang makakaya. Bumabalik siya sa mga taong noon ay tumulong sa kaniya upang ngayon ay siya naman ang magbigay sa kanila ng pag-asa. Sa katunayan ay bukod sa mga relief goods na ipinamigay niya sa barangay na dati nilang tinirhan ng mga anak niya ay namigay din siya ng tulong-pinansiyal sa mga taong tumulong sa kaniya noon, katulad nina Aling Tisay.
Ipinabatid din niya sa mga ito na hindi naman himala ang naging dahilan ng kaniyang pag-asenso kundi ang pag-asang ibinahagi ng mga ito sa kaniya noon na ngayon ay ibabalik naman niya sa kanila sa pamamagitan ng pagtulong. Patunay na napakasarap talaga ng ating buhay kapag may pagkakaisa at pagtutulungan.