Masama ang Loob Niya sa Amo na Tila Pusong Bato; Ikinagulat Niya ang Tunay na Laman ng Puso Nito
“Nerissa! Pumasok ka na nga rito!”
Napasimangot si Nerissa nang marinig ang boses ng amo niya na si Aida. Ayaw na ayaw talaga nito na nakikipag-usap siya sa drayber ng kapitbahay nila na si Gelo.
Nang makapasok siya ay inabot na naman siya ng sermon.
“Ikaw talaga, napakatigas ng ulo mo! Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na ‘wag mong kausapin ‘yung drayber sa kabila?” nanlalaki ang matang sikmat nito nang makapasok siya sa bahay.
“Sorry po, Ate Aida. Mabait naman kasi si Gelo…” katwiran niya.
Mas lalo lamang tumalim ang mata nito.
“Sige, ‘wag kang makinig sa akin, at talagang pauuwiin kita sa probinsya. Gusto mo ba ‘yun?” pananakot pa nito.
Agad na nanlaki ang mata niya sa takot. Hindi siya pwedeng mawalan ng trabaho! May mga kapatid siya na umaasa sa kaniya.
“Ayaw po, Ate. Magtitino na po ako,” maamo niyang pangako, kahit pa naghihimagsik ang kaniyang kalooban.
“Mabuti,” supladang sabi nito bago siya iniwan sa sala.
Nawala lang ang simangot niya nang tumunog ang cellphone sa bulsa niya. Galing kay Gelo ang mensahe.
“Date naman tayo sa day off mo. Para naman makausap kita nang matagal-tagal,” anang mensahe nito.
Napangiti siya nang malawak nang magtipa ng mensahe rito.
“Sige, magpapaalam ako kay Ate Aida.”
Nang linggong iyon ay talaga namang nagtino siya. Gusto niya kasi na gumanda ang mood ng amo niya, para payagan siya nito sa paglabas.
“Ate, pwede ba ako lumabas sa Linggo, sa day off ko?” tanong niya.
Isang mapanuring tingin ang ipinukol nito sa kaniya bago ito tumango.
“Oo naman, uuwi ka ba sa probinsya? May problema ba?” usisa nito.
Umiling siya.
“Wala naman, Ate. Kaso nagyayaya kasi si Gelo na lumabas,” pag-amin niya.
Agad na nagbago ang timplada nito.
“Makikipag-date ka? Hindi. Dito ka na lang sa bahay. O kaya ay mamasyal kayo ni Charmaine,” tukoy nito sa anak na halos kaedaran lang niya.
Masama man ang loob ay pilit siyang ngumiti.
“Sige po, Ate Aida. Dito na lang ako sa bahay,” aniya bago nagmamadali itong tinalikuran bago pa siya tuluyang maiyak.
Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang paghihigpit nito sa kaniya. Para namang gagawa siya ng kalokohan.
Lumipas ang mga buwan. Wala siyang nagawa kundi ang dumistansya kay Gelo. Sa huli ay naghanap ito ng ibang liligawan at pinagpalit siya.
Mas lalo lang noon pinagningas ang kinikimkim niyang sama ng loob sa kaniyang amo.
“Malapit na naman ang Pasko. Kapag umuwi ka sa inyo, ‘wag ka nang bumalik,” payo ni Elma, isa sa mga kasamahan niyang kasambahay.
“Oo nga, ganoon na lang ang gawin mo. Para may bonus ka pa rin,” humahagikhik na segunda naman ni Lily, ang kasambahay ng kapitbahay na naging malapit na rin sa kaniya.
Napairap si Nerissa sa narinig. Alam niya na hindi niya magagawa iyon dahil alam niya kung gaano kahirap maghanap ng trabaho.
“Naku, hindi nga ako mapayagang lumabas man lang. Malabo na magbigay ‘yun ng bonus, dahil wala naman ‘yung pakialam sa amin,” masama ang loob ng bulalas niya.
“Uy, ‘wag ka namang ganyan. Seryoso lang madalas si Ate Aida, pero maayos naman kung tratuhin niya tayo!” agad na pagtatanggol dito ni Elma.
Napairap na lang siya.
Sampung araw bago ang araw ng Pasko ay nagpaalam na siya na uuwi ng probinsya. Nais niya kasi na makumpleto ang simbang gabi sa simbahan sa lugar nila.
Sa kabutihang palad ay pumayag naman ang amo niya. Matapos siyang mag-empake ay bumaba siya sa sala. Doon ay naghihintay ang isang malaking bag na naglalaman ng kung ano-ano pang imported na produkto gaya ng sabon, lotion, de lata, ang kung ano-ano pa.
May mga bag, sapatos, tsokolate, kendi, at marami pang iba.
“Dalhin mo ‘yan pauwi, Nerissa. Regalo ko sa pamilya mo,” wika ni Aida, na ikinagulat niya. Hindi niya inakala na maalala nitong padalhan ng regalo ang pamilya niya.
Mas lalo pa siyang nagulat nang iabot nito sa kaniya ang isang makapal na sobre. Nang silipin niya ang laman noon ay halos lumuwa ang mata niya nang makita na makapal na tig-iisang libo ang laman nito!
“A-ang dami naman po n-nito, Ate Aida!” gulat na wika niya.
Ngumiti ito.
“Gusto ko na gaya namin, masagana rin ang Pasko n’yo,” paliwanag nito.
Halos hindi magkandaugaga si Nerissa sa pasasalamat. Sa isip niya ay alam niyang nagkamali siya sa panghuhusga dito.
Paalis na siya nang tawagin siya ni Aida.
“Po?”
“Alam ko na galit ka sa paghihigpit ko sa’yo. Pero gusto kong malaman mo na para sa’yo rin ‘yun. Kilala ko ang Gelo na ‘yun, dahil nabuntis niya ‘yung kasambahay ko dati, pero hindi niya naman pinanagutan. Ayoko na mangyari sa’yo ‘yun, dahil bata ka pa, at alam ko na maraming umaasa sa’yo…” seryosong paliwanag nito.
Tuluyan nang napaiyak si Nerissa. Maling-mali nga ang pagkakakilala niya rito! Napakabait pala talaga ni Ate Aida! Hindi man ito masalita, idinadaan nito sa gawa ang pagpapakita ng kabutihan.
“Maraming salamat po, Ate Aida. Salamat sa malasakit mo sa akin at sa pamilya ko…” lumuluhang sambit niya.
Ngumiti ito.
“Sa’yo rin. Salamat sa pagsisilbi mo sa pamilya ko.”