Nainis ang Binatilyo sa Kaniyang Ina na Pinipilit Siyang Mag-aral; Natameme Siya nang Siya Mismo ang Makasaksi ng Dahilan Nito
Naabutan ni Dave na nakaupo ang kaniyang ina sa maliit nilang sofa sa sala. Kitang-kita niya sa mukha nito na nagpipigil ito ng galit.
Kagagaling lang kasi nito sa eskwelahan dahil pinatawag ito ng guro niya. Nabalitaan ng nanay niya ang pagbubulakbol niya. Nitong mga nakaraang araw kasi ay bahagya siyang nalulong sa isang bagong computer game, dahilan upang tumambay siya sa computer shop imbes na pumasok sa eskwelahan.
“Umupo ka at mag-uusap tayo,” walang kangiti-ngiti na sabi nito.
Tahimik niyang inokupa ang upuan sa harap nito.
“Anong ginagawa mo sa buhay mo? Bakit hindi ka pumapasok sa eskwelahan?” galit na bulalas nito.
Nagkibit balikat siya. Hindi makaapuhap ng sasabihin. Ang totoo kasi ay wala talaga siyang hilig sa pag-aaral. Simula noon hanggang ngayon ay puro pasang-awa lang ang grado niya sa eskwelahan.
Kung hindi nga lang siya madalas paalalahanan ng nanay niya, o ‘di kaya ay makiusap ito sa mga guro, baka matagal na siyang bumagsak at napaalis sa eskwelahan.
“‘Nay. Wala po talaga akong hilig sa pag-aaral, eh. Baka naman pwedeng huminto na ako sa pag-aaral at maghanap na lang ng trabaho?” tanong niya. Nasa huling taon siya sa hayskul.
Pagalit itong tumayo.
“Hindi! Hindi pwede ‘yang gusto mo! Hindi naman tayo mayaman, paano na lang kapag wala na kami ng Tatay mo? Paano ka na?”
Pinigil ni Dave ang mainis sa ina. Sa t’wing nagsesermon kasi ito ay parati nitong nababanggit ang bagay na iyon. Kung paanong kailangan niyang makatapos ng pag-aaral.
Pero ang laging tanong sa isip niya ay bakit? Bakit, kung marami namang oportunidad kahit para sa mga hindi nakapag-aral?
Upang hindi na humaba pa ang diskusyon ay humingi na lang siya ng dispensa sa ina.
“Sige po. Mag-aayos na po ako sa susunod para makakuha ng maayos-ayos na grado,” pangako niya.
Tila noon lamang ito nakuntento. May sumilay na maliit na ngiti sa labi nito.
“Salamat, anak. Alam mo naman kung gaano ito kahalaga sa akin,” anito.
Tipid na nginitian niya ang ina bago siya pumasok sa kaniyang silid upang magbihis.
Kinabukasan ay pilit na pinaglabanan ni Dave ang kagustuhan na pumasok sa nadaanan niyang computer shop. Pumasok siya sa paaralan.
Nanatili rin siyang bingi sa pag-aaya ng kaniyang mga kaibigan. Nais niya kasi na tuparin ang pangako niya sa kaniyang ina.
“Dave, tara na, laro na tayo. Kailangan ka namin sa grupo para naman manalo kami. Lagi kaming talo kapag wala ka, eh,” kinabukasan ay pakiusap sa kaniya ng kaibigan.
“Hindi nga pwede, ‘tol. Nangako ako kay Nanay,” mariin na pagtanggi niya.
“‘Tol, may premyo kasi. Sayang din,” patuloy na pangungumbinsi nito.
Tuluyan na nitong napukaw ang atensyon niya, lalo na nang sabihin nito na papalo sa dalawang libo ang maiuuwi niyang premyo kung mananalo sila.
Kaya naman kinabukasan ay hindi niya naiwasang baliin ang pangako sa ina. Maghapunan ay nagbabad sila sa computer shop at naglaro.
Tuluyan nang nahatak muli sa paglalaro si Dave lalo pa’t kumikita siya ng pera. Namalayan niya na lang na dalawang buwan na ang matuling lumipas.
“Dave, hindi na tama ang nangyayari sa grado mo. Kung hindi mo aayusin ang pag-aaral mo, kakailanganin mo na humanap ng ibang paaralan,” isang araw ay matigas na pahayag ng kaniyang tagapayo na si Ginang Martines.
Marahan siyang tumango. Nag-iisip na kung paano niya lulusutan ang problema nang hindi iyon nalalaman ng kaniyang ina.
Nang hapong iyon, imbes na maglaro sa computer shop ay nag-isip-isip si Dave. Sa kaniyang balintataw ay nakita niya ang dismayadong mukha ng kaniyang ina.
Ngunit naroon din ang matindi niyang kagustuhan na huminto na lamang sa pag-aaral, lalo pa’t hindi niya naman hilig iyon.
Sa kaniyang paglalakad ay nahagip ng tingin niya ang kaniyang ina na mukhang namimili sa talipapa. Marami itong bitbit, kaya agad niya itong nilapitan.
Malayo pa siya ay nauulinigan niya na ang boses nito at ng lalaking nagtitinda ng isda at karne.
“Nanay, bumili ho kayo ng isda na halagang isandaan, saka karne na halagang dalawang daan. Ang sukli niyo na lang ho sa isang libo ay dalawang daan,” paliwanag ng lalaki sa kaniyang ina.
Ang kaniyang ina naman ay walang imik, kahit na tila naguguluhan din ito sa kwenta ng lalaki.
“Ganoon ba? Naku, ang mahal pala ng bilihin. Sige, bigay mo na ang sukli ko,” anito sa tindero.
Tumaas ang kilay ni Dave sa nasaksihan. Hindi niya tuloy maiwasan na sumabat lalo pa’t malinaw na mali ang kwenta ng lalaki.
“Manong, ano hong dalawang daan ang sukli? Kung isang libo ang pera at tatlong daan lang ang nabili, hindi ba’t pitong daan dapat ang sukli?” sita niya sa tindero.
Ito naman ang hindi nakaimik, dahil huling-huli sa akto ang panggugulang nito sa kaniyang ina. Sa huli ay walang salita nitong iniabot sa kanila ang tamang bilang ng sukli sa isang libo—pitong daang piso.
Pinukol niya pa ng inis na tingin ang napahiyang tindero bago siya sumunod sa ina na nagpatiuna na sa paglalakad.
“‘Nay, ‘wag na kayong bibili sa mama na iyon, napakagulang!” inis na komento niya bago sinabayan ito sa paglalakad.
Hindi ito umimik. Sa totoo lang ang nangangati ang dila niya na magtanong. Bakit hindi nito namalayan na ginugulangan na pala ito ng tindero?
“Kaya nga gusto ko na maging edukado ka, anak. Kasi kapag edukado ka, hindi ka magugulangan. Nakita mo ‘yung ginawa mo? Naipagtanggol mo sa ako sa tindero. Ako, hindi ko mapagtanggol ang sarili ko kasi wala akong alam,” nakangiting wika ng kaniyang ina, kahit pa may lungkot sa mga mata nito.
Napamaang si Dave sa sinabi ng ina. Nakumpirma niya ang hinala nang muli itong magsalita.
“Hindi ako nakapag-aral anak. Hindi nga ako marunong magbilang. Kaya takot na takot akong mamili kasi baka gulangan ako. Pero mas takot ako dahil ayokong malaman nila na hindi ako nakakapagbilang,” kwento nito.
Noon nasagot ang mga katanungan niya. Kaya naman pala ganoon katindi ang kagustuhan ng kaniyang nanay na makatapos siya ng pag-aaral!
Nakaramdam tuloy siya ng usig ng konsensya, lalo pa’t nasa balag siya ng alanganin sa eskwelahan. Kaunti na lang at tuluyan na siyang mapapatalsik sa paaralan.
Sigurado siya na madudurog ang puso ng kaniyang ina.
Inakbayan niya ang ina bago marahang pinisil ang balikat nito.
“”Wag po kayong mag-aalala, Nanay. Hindi ko po kayo bibiguin. Makakatapos po ako ng pag-aaral at magkakaroon po tayo ng mas maayos na buhay,” determinadong pangako niya.
Sa pagkakataong iyon, mula sa puso na ang mga salita na binitiwan niya sa ina.
Simula noon ay nagsikap si Dave. Tuluyan niya nang nilimot ang computer games at tumutok siya sa pag-aaral. Sa dulo ng taon ay tuwang-tuwa ang kaniyang guro, dahil ang laki raw ng pinagbago niya.
Nang tumuntong siya sa kolehiyo ay mas lalo siyang naging masigasig. Hindi siya tumigil hangga’t hindi niya nakukuha ang pangarap ng kaniyang ina—ang magkaroon siya ng diploma.
Walang pagsidlan ang saya ng kaniyang ina sa narating niya. Sa wakas ay nagkaroon na ng katuparan ang pangarap nito.
Ngunit higit na masaya si Dave. Dahil alam niya na hindi na siya malayo sa sarili niyang pangarap—ang maibalik ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang ina at maibigay rito ang buhay na pinapangarap nila.