Kasalukuyang nagkukwentuhan ang magpinsang Ronnie at Alvin habang nakatambay sa isang tagong bahagi ng kakahuyan.
Naudlot lang ang masaya nilang tawanan nang makarinig sila ng maingay na kalampag. Mula sa ‘di kalayuan ay nakita nila ang isang batang dinadampot ang malalaking bote ng inumin na nahulog sa lupa.
Ilang sandali pa ay tahimik nang sumasalok ng tubig ang bata sa balon.
Palingon-lingon ang bata, tila may kinakatakutan na kung ano.
Nang makita ang inakto ng bata ay nagkatinginan ang magpinsan. Sa tagal na nilang magkaibigan ay alam na nila ang trip ng isa’t isa. Tingin pa lang ay alam na nila ang iniisip ng isa’t isa.
“Ano, pag-tripan natin?” nakangising usisa ni Alvin sa kaniya.
Nakangisi ring tumango si Alvin. Alam kasi nilang magpinsan kung bakit tila takot na takot ang batang nag-iigib.
Kinatatakutan kasi ang balon na iyon. Malakas ang bulung-bulungan na may mga nilalang daw na nagpapakita roon.
Mayroon daw kasing babae na nahulog at nam*t*y sa balon. Kahit anong gawin ng mga tagaroon ay hindi na nila nakuha pa ang bangk*y ng babae.
May mga nagsasabi na kwentong katatakutan lang iyon, ngunit marami rin ang nagsasabi na maaaring totoo ang kwento, kaya naman kung minsan ay may nagpaparamdam sa balon.
Alam na alam nilang magpinsan na hindi totoo iyon. Halos araw-araw kasi silang nakatambay sa kakahuyan na malapit sa balon. Kung minsan nga ay inaabot pa sila ng madaling araw sa pagtambay doon. Pero ni minsan ay walang silang naranasang kakaiba.
“Psst! Psst!”
Sa liwanag ng buwan ay kitang-kita nila ang panlalaki ng mata ng batang nag-iigib. Sandali itong lumingon sa paligid bago binilisan ang pagsasalok ng tubig.
Nang makita ng magpinsan ang reaksyon ng bata ay pigil nilang mapahalakhak.
Mas lalong nilakasan ni Ronnie ang pagsitsit.
“Psst! Psst!”
Tila hindi na kinaya ng bata ang takot at agad itong kumaripas ng takbo. Sa lupa ay makikita ang isang piraso ng tsinelas na naiwan pa nito, kasama ang mga bote ng tubig na nagkandatapon na ang laman.
Nang makalayo na ang bata ay saka nila pinakawalan ang pinapigilang halakhak.
“Takot na takot siya, eh!” tawang-tawang wika ni Alvin.
Dahil sa nangyari ay isang ideya ang pumasok sa isip ng magpinsan.
“Ano kaya kung manakot tayo gabi-gabi?” suhestiyon ng pinsan niya.
Agad siyang napatango.
“Sige, sige. Bukas, kita ulit tayo rito, ha!”
Nang mga sumunod na araw ay araw-araw nananakot ang magpinsan. Wala silang pinalalampas—matanda man o bata, lahat ay kumakaripas ng takbo kapag naririnig ang mga kakatwang ingay na ginagawa nila bilang parte ng pananakot.
Hindi nagtagal ay kumalat sa buong lugar nila ang kababahalaghang bumabalot sa balon. Nagsimulang magronda ang mga tanod, na hindi rin naman napigil ang kapilyuhan ng magpinsan dahil kadalasan naman ay nakakatulog din ang mga ito, o ‘di kaya ay nag-iinuman.
Dahil sa patuloy na pananakot ng magpinsan ay halos wala nang nagtatangka na mag-igib sa balon kapag sumapit na ang alas sais ng gabi.
Isang gabi ay nautusan si Ronnie na mag-igib sa balon. Agad-agad naman siyang tumnalima sa utos ng kaniyang ina.
“Hindi ka ba natatakot?” kunot-noong usisa nito nang mapansin na wala siyang reklamo.
Natatawang umiling na lang siya.
“‘Wag nga po kayong naniniwala sa mga sabi-sabi, Nanay. Hindi po totoo ang mga kwento,” aniya sa ina.Tumango na lang ito bago siya binilinan na mag-ingat.
Naglalakad na siya paalis nang bumukas ang pinto nina Alvin. Gaya niya ay lumabas din ito na may dalang bote ng inumin.
“Aba, pambihira! Mag-iigib ka rin? Sabay na tayo!” masiglang sabi nito bago sumabay sa paglalakad niya.
Walang kakaba-kaba ay masaya silang nagkwentuhan habang patungo sa balon. Subalit nang makarating sila roon ay tila itinulos ang magpinsan sa nakita.
Sa bunganga kasi ng balon ay may nakakapit na babaeng nakaputi. Mahaba ang buhok nito. Umiiyak din ang babae habang nakahawak ito sa balon. Dahil sa mahabang buhok ay hindi nila kita ang mukha nito.
Basang-basa ito, tila kaaahon lang sa malalim na balon.
Nanlalaki ang matang nagkatinginan ang magpinsan. Iisa lang ang nasa isip nila—ang babaeng nahulog sa balon!
Nang maramdaman ng babae ang presensya nila ay tumigil ito sa pag-iyak bago sila nilingon. Hindi pa rin nila kita ang mukha nito na natatakpan ng mahaba nitong buhok.
Halos mapatalon ang dalawa sa gulat nang pagapang na lumapit sa kanila ang babae.
Walang pagdadalawang isip na kakaripas sana sila ng takbo—ngunit pagpihit nila ay naroon ang nakakatakot na babae!
Kapit kamay na napaluha ang magpinsan, pawang nakapikit ang kanilang mga mata sa sobrang pagkasindak.
Hinintay nila ang gagawin ng babae. Ilang minuto silang naghintay, magkahawak ang mga nanginginig nilang kamay.
Subalit wala namang ginawa ang babae. Takot na idinilat nila ang kanilang mga mata.
Ngunit imbes na ang nakakatakot na babae ay iba ang namulatan nila—mga tao. Mga tao na pawang nakamasid sa kanila.
Naroon ang kapitan ng bayan nila. Maging ang kanilang mga magulang ay naroon!
Takang nagkatinginan ang magpinsan na pareho pang may luha sa kani-kanilang mga mata. Nang magsalita ang kapitan ay saka lamang nila naunawaan ang pangyayari.
“Natuklasan namin na dahil sa kalokohan niyong magpinsan ay namayani ang takot sa lugar natin. Bilang parusa ay ginawa lang namin ang madalas niyong gawin—ang manakot. Hindi naman namin alam na matatakot kayo nang sobra,” naiiling na paliwanag ng kapitan.
Lumapit sa kanila ang dalawang nakakatakot na babae. Noon ay malinaw na nilang nakita ang mukha ng mga ito.
“Ate Danica? Ate Daniela?” sabay pa nilang bulalas. Kapitbahay nila ang magkakambal.
Natatawang tumango ang dalawa. Bakas sa mga mukha nito ang pagkaaliw sa nangyari.
Narinig nila ang paghingi ng paumanhin ng kani-kanilang mga magulang.
“Pasensya na ho, Kap, hindi ko rin naman alam na may ganito na palang kalokohan ang anak ko,” nahihiyang wika ng ina ni Ronnie bago inis na sinulyapan ang anak.
“Mabuti na ho ‘yang naparusahan sila para madala. Kuuu, napakapipilyo!” anang nanay naman ni Alvin.
Nahihiyang humingi ng dispensa ang magpinsan sa mga tao, lalong-lalo na sa mga natakot nila. Laking pasasalamat na lang nila na hindi totoo ang lahat, dahil halos naihi na sila sa takot kanina, bagay na sa huli ay tinawanan na lang nila.
Simula noon ay nagtino na ang pilyong magpinsan, kaya naman bumalik na ang katahimikan sa lugar nila.
Nangako silang hinding-hindi na sila muli pang gagawa ng kalokohan. Aba, takot lang nila sa kanilang mga ka-barangay!