Humiling sa Ninong at Ninang ng Anak ang Ginang na Ito para sa Nalalapit na Pasko; Tama nga bang Gawin Niya Ito?
Kahit mag-iisang buwan pa lang ang bagong silang na anak ni Karmi, agad niya na rin itong pinabinyagan ngayong Nobyembre upang pagdating ng Pasko, makalikom na kaagad ito ng mga regalo mula sa mga ninong at ninang na kinuha nilang mag-asawa.
Kahit na simple lang ang nangyaring binyagan ng kaniyang anak na ginanap lang sa kanilang maliit na bahay at mayroon lang tig-iisang kilong spaghetti, manok, lumpia, at isang maliit na bilaong puto, sampung ninong at labing limang ninang ang kaniyang kinuha. Lahat ay pawang mga kaklase niya noong hayskul, kaibigan nilang mag-asawa, may-ari ng pinagtatrababuhan niyang kainan, at ang iba ay mga dati niyang katrabaho na ngayo’y mayayaman na.
“Pasensya na kayo, ha, ito lang ang nakayanan namimg handa ng asawa ko,” pagpapaawa niya sa mga ninong at ninang ng kaniyang anak habang pinapakita niya ang kakarampot nitong handa matapos nilang manggaling sa simbahan.
Tila nagtagumpay naman siya sa plano niyang iyon dahil iilan lang ang kumain sa kanilang bahay, halos lahat ay nag-iwan lang ng regalo o perang pakimkim saka na agad umalis na labis niyang ikinatuwa.
“Mahal, mas malaki pa ang nalikom nating pera kaysa sa nailabas natin para sa binyag ni baby! Tapos ang dami niya pang mga regalo! Iba na talaga kapag maraming ninong at ninang, ano?” tuwang-tuwa niyang sabi habang paulit-ulit na binibilang ang perang kanilang nalikom.
“Natutuwa ka pa na parang kinakaawaan nila tayo? Nakakahiya kaya ang ginawa natin. Ang dami-dami nilang ninong at ninang tapos wala man lang tayong mapakain sa kanilang lahat,” nakasimangot na sabi ng kaniyang asawa habang pinapalitan ng diaper ang kanilang anak.
“Anong nakakahiya roon? Mabuti nga ‘yon at alam nila ang totoong sitwasyon natin sa buhay! Tiyak sa Pasko, marami ulit malilikom na pera at regalo si baby dahil nakita nilang walang-wala tayo!” sabi niya pa rito dahilan para mapailing na lang ito at mapatahimik.
Ilang araw pa ang lumipas, dumating na nga ang buwan ng Disyembre at kahit ilang linggo pa bago ang Pasko, agad na siyang nagparamdam sa mga ninong at ninang ng kaniyang anak. Kung hindi siya nagpapapansin sa pamamagitan ng pagkokomento sa post ng mga ito sa social media, pinapadalhan niya pa ang mga ito ng personal na mensahe.
“Ninang, malapit na ang Pasko! Saan ka namin matatagpuan ng inaanak mo? Pwede bang pera na lang ang iregalo mo sa kaniya?”
“Magandang araw, ninong! Diaper at gatas na lang ang regalo mo sa inaanak mo, ha! Asahan kita!”
Ilan lang ang mga mensaheng ito sa kaniyang pinapadala sa mga ninong at ninang ng kaniyang anak at kahit siya’y pigilan ng kaniyang asawa dahil sa hiyang nararamdaman nito, patuloy pa rin niya pa rin itong ginagawa.
Huli niyang pinadalhan ng mensahe ang may-ari ng pinapasukan niyang kainan bago siya manganak. Pakiramdam niya’y kaya nitong magbigay nang malaking halaga kaya pinuntahan niya ito sa restawran nito upang magpaawa.
“Hello, madam! Kumusta na po kayo? Disyembre na po, malapit na ulit tayong magkita! Nakaisip na po ba kayo ng ipangreregalo sa anak ko? Kung wala pa, madam, pwedeng pera na lang ang ibigay niyo! Kaya bang limang libong piso ang ibigay niyo, madam? Bibili ko sana siya ng mga damit, diaper…” magiliw niyang sabi na pinutol nito.
“Pasensya ka na, Karmi, wala akong maibibigay sa anak mo ngayong Pasko. Nagkaroon ako nang malaking problema sa…” sambit nito na kaniya ring pinutol dahil sa inis na naramdaman.
“Diyos ko, ‘yon lang ang hinihiling ko, madam. Hindi mo pa maibibigay? Ang yaman-yaman mo naman, eh! Para naman ‘yon sa inaanak mo!” sigaw niya rito.
“Ninang ba talaga ako ng anak mo o ako ang ina niyan? Bakit parang obligasyon kong magbigay ng regalo sa kaniya at sobrang laki pa? Hindi ba dapat ikaw ang magbigay ng mga pangangailangan niya? Ipapaalala ko lang sa’yo, ha, kinuha mo akong ninang para maging pangalawang ina ng anak mo, hindi para gatasan mo sa mga luho mo! Magtrabaho ka! Huwag kang umasa sa aming mga kinuha mong ninong at ninang!” tuloy-tuloy na bulyaw nito sa kaniya dahilan para maagaw nito ang atensyon ng mga kumakaing kustomer doon na hindi kalaunan, siya’y agad na pinagbulungan.
Napansin niya pang may kumukuha ng bidyo sa kanilang usapan kaya siya’y nagdali-daling umalis doon at agad na umuwi ng kanilang bahay.
Pagkauwi niya, agad siyang nagbukas ng social media at katulad ng ikinakakaba niya, may nagpost na ng bidyong iyon at sandamakmak ang nanghusga sa kaniya.
“Anong klaseng ina ‘yan? Inaasa ang lahat sa ninang?”
“Kaya pala nagpabinyag agad ng anak ‘yang si Karmi! Para makahuthot kaagad sa mga ninong at ninang!”
Dahil sa mga komentong ito, napag-isip-isip niyang mali nga talaga ang ginagawa niyang pag-asa sa mga kinuha niyang ninong at ninang ng kaniyang anak dahilan para siya’y mapaiyak dahil sa pagkahiyang nararamdaman.
“Tahan na, mahal. Ngayong alam mo nang mali iyon, huwag ka nang aasa sa ibibigay nila para sa anak natin. Tayo ang dapat magsumikap para sa kaniya, dahil tayo ang mga magulang niya,” payo ng kaniyang asawa dahilan para siya’y agad na magdesisyong mahanap ng trabahong pupwede niyang gawin habang siya’y nasa bahay lamang.
Sa kabutihang palad naman, siya’y agad na nakahanap ng trabahong pupwede niyang ipagsabay sa pag-aalaga ng kaniyang anak at simula noon, kahit dumating man ang Pasko, hindi na siya nagpaawa sa mga ninong at ninang ng anak at siya na ang bumili ng mga pangangailangan nito.
“Mas masaya palang tayo mismo ang nakapagbibigay ng mga pangangailangan niya, ano?” wika niya sa asawa matapos nilang mabilhan ng damit, gatas, diaper at ilan pang mga gamit ang kanilang anak.