Hindi Naging Maganda ang Kinalabasan ng Pagpaparetoke ng Dalagang Ito; Katapusan na nga ba ng Buhay Pag-ibig Niya?
Habang lumalaki ang dalagang si Maxine, pangungutya ng mga taong nasa paligid niya ang humubog sa buhay niya. Pinagtatawanan ng mga ito, kabilang na ang kaniyang mga mahal sa buhay at ibang kalaro, ang pagkakaroon niya nang hindi pantay na mukha at sobrang lapad na mga labi.
Ito ang dahilan para ipangako niya sa kaniyang sarili na kapag siya’y nagkaroon na nang sapat na pera, ipapaopera niya ang kaniyang mukha para matigil na ang insekuridad na nararamdaman niya.
Ginawa niyang inspirasyon ang mga pangungutiyang ito upang makapagtapos siya ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho. Lahat ng sahod niya, simula pa lang noong unang tanggap niya ng pera mula sa kumpanyang pinagtatrababuhan niya ay kaniyang inipon lahat at agad na nagpaopera nang makalikom siya ng sapat na pera.
Malaki-laki man ang gastos niya at ramdam na ramdam man niya ang sakit ng bawat tusok ng kung anu-anong pangmedikal na instrumento sa pag-oopera, lahat ito ay kaniyang tiniis alang-alang sa tahimik na buhay na inaasam niya noon pa man.
Kaya lang, kahit sa kilalang doktor na siya nagpaayos ng kaniyang mukha, lalong lumala ang kaniyang itsura. Kung dati’y hindi lang pantay ang kaniyang mukha at makapal lang ang kaniyang labi, ngayo’y naging mahina pa ang kaniyang pandinig at nagkaroon pa ng peklat ang kaniyang mga pisngi na naging rason para lalo siyang makaramdam ng insekuridad.
“Bakit ba kasi hindi ka makuntento sa mukha mo, ha? Ayan tuloy, pangit ka na nga, pinapangit mo pa ang itsura mo! Paano ka makakapag-asawa niyan ngayon? Trenta anyos ka na, wala ka pa ring nagiging nobyo dahil pinapapangit mo lalo ang sarili mo!” sermon ng kaniyang ina nang makita ang kaniyang mukha.
“Hayaan mo na siya maging matandang dalaga, mama! Nakakaawa naman kung magkakaroon siya ng anak na kamukha niya!” sabat ng kapatid niyang labis na niyang ikinagalit.
“Akala niyo ba gusto ko ‘tong nangyayari sa buhay ko? Ayoko na nga lumabas ng bahay o kahit magpakita sa inyo dahil sa mga masasakit na kutyang sinasabi niyo!” sigaw niya sa mga ito saka siya nagkulong sa kaniyang sariling kwarto.
Simula noon, ni minsan, hindi na siya lumabas doon. Hindi na rin siya pumasok sa kaniyang trabaho at naghanap ng panibagong trabaho na pupwede niyang gawin sa loob ng kaniyang kwarto. Sa kabutihang palad naman, dahil sa angkin niyang galing sa pagsasalita ng Ingles, siya’y agad na natanggap sa isang kilalang kumpanya at siya’y naging isa sa mga team leader doon kahit siya’y nasa bahay lamang.
Tuwing wala siyang ginagawa sa trabaho, binababad niya ang sarili sa social media upang makapaglibang. Dito na niya nakilala ang isang binatang nagpawala ng lahat ng galit niya sa mundo sa isang iglap lamang. Gabi-gabi silang nag-uusap, nagpapalitan ng kani-kanilang problema at nagdadamayan dahilan para ganoon na lang mahulog ang loob niya rito.
“Kailan ba kita makikita, Maxine? Ni isang litrato mo, wala akong makita sa social media account mo. Puro alagang hayop mo lang ang nakikita ko,” sabi nito sa kaniya.
“Pangit kasi ako, Junnie. Ayokong madismaya ka kapag nakita mo ako,” sagot niya rito.
“Ano naman? Panigurado akong maganda ka dahil mabait ka!” tugon nito dahilan para siya’y mapatingin sa salamin at maiyak dahil pangit na pangit siya sa kaniyang sarili.
Kahit anong tanggi niya na makipagkita rito, pilit pa rin siya nitong pinipilit. Hanggang sa isang araw, nagulat na lang siya nang padalhan siya nito ng mensahe at litrato ng kanilang gate.
“Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ka lumalabas,” sabi pa nito na agad niyang ikinataranta.
Sinilip niya pa ito sa bintana ng kwarto niya at doon niya napatunayan naroon nga ang binata. Hahayaan niya na lang sana itong maghintay doon dahil pakiwari niya’y hindi naman ito magtatagal ngunit nang lumalim na ang gabi at bumuhos pa ang ulan, nagulantang siyang naroon pa rin ito sa tapat ng kanilang gate habang basang-basa sa ulan.
“Diyos ko! Magkakasakit siya nito!” wika niya saka na siya nagdesisyong magpakita rito.
Dali-dali niya itong pinasilong sa kaniyang payong at niyaya papasok ng kanilang bahay. Hindi nito maialis ang tingin sa mukha niya na labis niyang ikinahiya.
“Sabi sa’yo pangit ako, eh,” wika niya nang hindi nito matigil ang pagtitig sa kaniya.
“Sino bang nagsabi sa’yong maganda ka?” sabat ng kaniyang kapatid na nanunuod ng telebisyon sa kanilang sala.
“Ako po, maganda naman siya, ha? Hindi naman porque iba ang itsura niya kumpara sa ibang tao, hindi na siya agad maganda. Sa katunayan, para sa akin, siya ang pinakamaganda sa buong mundo dahil sa angking niyang bait at talino,” masigla nitong sabi saka hinawakan ang mukha niya.
“Nababaliw ka na ba, hijo?” tanong ng kaniyang ina na nanunuod din kanina ng telebisyon.
“Siguro nga po, nababaliw na po ako sa anak niyo. Pupwede ko po ba siyang ligawan? Pangako, hindi ko po siya sasaktan at araw-araw akong magsisilbi rito sa bahay niyo,” sabi nito na ikinagulantang nilang mag-iina.
Doon na nagsimulang bumalik ang tiwala niya sa kaniyang sarili. Sa araw-araw na pagsasabi ng binata na siya’y maganda, roon niya unti-unting natanggap kung ano talaga ang itsura niya. Kung dati’y ayaw niyang tumingin sa salamin, ngayo’y nagagawa na niya ito at nakapaglalagay pa siya ng make-up sa tulong ng kapatid niyang nakita na rin ang kagandahan niya.
Pagkalipas ng ilang buwan, tuluyan na rin niyang sinagot ang binatang halos araw-araw pinapasaya ang kanilang pamilya at simula noon, ni minsan, hindi na niya naramdamang kakaiba siya at pangit ang itsura niya.