Ayaw Niyang Pakaibiganin ang Anak sa Mahirap na Kaklase Nito; Ito pala ang Tutulong sa Kanila Pagdating ng Panahon
Araw na naman ng Lunes, katulad ng nakasanayan ng ginang na si Mayeth, maaga niya muling ginising ang kaniyang anak na papasok sa eskwela. Habang naliligo ito, siya naman ay agad nang nagluto ng kakainin nitong almusal at naghanda na rin ng pagkaing ibabaon nito sa eskwela.
Halos triple ang dami ng kaniyang niluto ngayong araw dahil nabalitaan niya sa kanilang kapitbahay kung gaano kayaman ang isang kaklase ng kaniyang anak. Dito na siya nakaisip na dapat itong kaibiganin ng kaniyang anak imbes na ang mahirap na kaklase nito ang palagi nitong samahan.
“Mama, bakit naman po sobrang dami ng niluto niyo? Ibabaon ko ba po ‘yang lahat?” pagtataka ng kaniyang anak habang pinagmamasdan ang inaayos niyang pagkain.
“Oo, itong isang tupperware ng spaghetti, ibigay mo roon sa mayaman mong kaklase tapos itong isa naman, kainin mo sa breaktime niyo,” paliwanag niya rito saka niya pa nilagay ang tupperware sa isang magandang paper bag.
“Ang dami-dami no’ng palaging baon, mama. Kay Dencio ko na lang po ‘yan ibibigay, iyon ang laging walang baon, eh,” wika nito na agad na ikinapintig ng tainga niya.
“Hindi ka ba talaga nag-iisip? Wala kang mapapala sa pagtulong doon sa hampaslupang iyon! Kaibiganin mo ang mga mayayaman mong kaklase para kapag nakapagtapos na kayo ng pag-aaral, hindi ka nila malilimutan at makakasama ka nila sa pag-asenso sa buhay!” sigaw niya rito na ikinanguso nito.
“Mama naman, kawawa naman…” sabi nito na agad niyang pinutol.
“Isang beses ko pang marinig ‘yang pangalan ng kaibigan mong ‘yan, ililipat kita ng eskwelahan!” bulyaw niya pa dahilan para ito’y agad na umalis patungong eskwelahan bitbit-bitbit ang mga pagkaing hinanda niya.
Ang pagkakaibigan ng kaniyang anak sa mayamang batang iyon ang nakikita niyang paraan para pati sila’y maging mayaman. Sabi niya pa, “Kapag naging kaibigan ‘yon ng anak ko tapos malalaman ng pamilya niya na mahirap lang kami, tiyak, tutulungan nila ang anak ko! Hindi na ako makapahintay na makatapak sa magandang bahay o kaya nama’y makasakay sa magarang sasakyan!” dahilan para kahit lingid sa kagustuhan ng kaniyang anak, ito’y kaniyang paulit-ulit na piliting makipagkaibigan doon.
Sa katunayan, inimbitahan niya pa ang binatang iyon na magpunta sa kanilang bahay upang ipakita niya rito kung gaano sila kahirap.
“Siguradong maaawa ‘yon sa amin kapag nakita niyang hindi maganda ang bahay namin!” sabi niya habang sadyang ginugulo ang kanilang bahay.
Ngunit pagdating ng kaniyang anak mula sa eskwela, ang mahirap na kaklase nitong si Dencio ang kasama nito.
“Ilang beses ko bang itatatak sa kokote mo na tigilan mo na ang pakikipagkaibigan sa hampaslupang iyan? Walang maidudulot na mabuti sa’yo ‘yan! Nasaan na ‘yong pinapapunta kong kaklase mong mayaman?” inis niyang sabi rito.
“Ayaw niya pong sumama sa akin, mama. May lakad daw po sila ng mommy niya,” paliwanag nito na lalo niyang ikinainis kaya dali-dali niyang tinaboy palayo ang binatang kasama nito.
Matapos ang pangyayaring iyon, ni minsan, hindi na niya muling narinig sa anak ang binatang iyon. Hindi na rin ito muling dumalaw sa kanila na labis niya namang ikinatuwa dahil ang mayamang kaklase naman ng kaniyang anak ang pumalit dito na halos araw-araw ay nakikitambay sa kanila.
Ngunit hanggang sa tuluyan nang makapagtapos ang kaniyang anak sa kolehiyo, ni piso, wala itong binigay sa kanilang mag-ina. Nabalitaan niya na lang na nangibang-bansa na ito nang walang binibigay na tulong sa kanila.
“Mayaman nga, kuripot naman pala!” iiling-iling niyang sabi, isang araw nang malaman niya ang pag-alis nito.
Maya maya, narinig niyang may tumigil na sasakyan sa harap ng kanilang bahay dahilan para agad na magliwanag ang inis niyang mukha.
“Sabi na, eh, tutulungan niya talaga ang anak ko!” nasasabik niyang sabi saka agad na lumabas ng kanilang bahay.
Pagkalabas niya, anak niyang mangiyakngiyak sa tuwa ang sumalubong sa kaniya.
“Mama! Niregaluhan ako ni Dencio ng sasakyan!” balita nito na agad na ikinalaki ng mga mata niya.
“Dencio? Iyong mahirap mong kaklase? Paano ka niya nabigyan ng mamahaling sasakyan?” pagtataka niya.
“Pagkatapos niyang mag-aral ng hayskul, nagtrabaho na siya, mama, at doon niya nakilala ang isang ginoong nagbigay daan para makapag-abroad siya. Doon siya nagsumikap at nagpayaman nang husto! Nakakatuwa lang, mama, hindi niya nakalimutan kung paano ko siya tulungan dati noong mga araw na wala siyang makain!” kwento nito saka agad na pinunasan ang sasakyan na agad niyang ikinakonsensya.
Kaya naman, bilang pasasalamat at sa kagustuhan niya ring humingi ng tawad dito, muli siyang nagluto ng spaghetti saka niya ito inimbitahan sa kanilang bahay.
Mabuti na lang, sobrang bait ng naturang binata at siya’y agad na pinatawad. Sabi pa nito, “Naiintindihan ko naman po iyon. Sa katunayan, ‘yong mga masasakit na salitang narinig ko po mula sa inyo ay isa sa mga inspirasyon ko para magsumikap sa buhay.”
Simula noon, pinakitunguhan na niya nang maayos ang binata. Hindi dahil sa yaman na ito bagkus dahil gusto niyang bumawi rito sa lahat ng maling pakikitungong ginawa niya rito.
Naging katuwang pa nito ang kaniyang anak sa negosyo na nagresulta ng pag-alwan ng kanilang buhay.