Sinakdal Niya ang Dalaga Kahit Hindi Siya Sigurado Para Makapagpabida sa Amo; Ikinadurog ng Puso Niya nang Malaman ang Naging Dulot No’n sa Dalaga
Habang naglalakad papunta sa pinagtatrababuhan niyang kumpanya ang binatang si Rafael bandang alas singko ng umaga, napansin niyang may isang dalagang lumabas sa restawrang paborito nilang kainan ng kaniyang mga katrabaho habang black out ang kuryente sa lugar na iyon.
Nakasuot ito ng itim na sumbrero at may bitbit-bitbit na isang malaking bag na itim din ang kulay. Nakasuot ito ng uniporme ng isang delivery company at agad na umalis gamit ang isang motorsiklo nang makita siya.
Nagtataka man siya dahil sa kilos nito, hindi na niya ito pinagtuunan ng pansin dahil ilang minuto na lang, mahuhuli na siya sa trabaho.
Bandang alas diyes ng umaga, nagulantang ang kanilang buong kumpanya nang pumutok ang balitang may natagpuang walang buhay sa paborito nilang restawran at may mga pulis sa opisina ng kanilang boss na nagbabakasaling baka may napansing kakaiba ang isa sa kanila.
At dahil nga gusto niya ring makapagpabida sa kanilang boss, kahit hindi siya sigurado sa nakita, agad siyang nagtungo roon upang ibigay ang kaniyang pahayag sa mga pulis.
May ilang litratong pinakita ang mga pulis sa kaniya. Sa sampung litratong iyon, siyam doon ang namumukhaan niya at sigurado siyang nagtatrabaho roon. Ngunit ang isang larawan ng isang dalaga, ni minsan ay hindi niya napansin doon dahilan para ito na lang ang ituro niya.
“Sigurado po ako, siya po ‘yong nakita ko kaninang madaling araw na lumabas doon sa restawran,” matapang niyang sabi sa mga pulis na labis na ikinatuwa ng kaniyang boss kaya buong araw siya nitong pinagmalaki sa kanilang kumpanya.
“Gayahin niyo si Rafael! Kahit hindi niya trabaho, tumutulong pa rin siya! Tiyak, iingay sa media ang pangalan ng kumpanya natin dahil sa ginawa niyang pagtulong sa mga pulis!” sabi nito sa harap ng kaniyang mga katrabaho na labis niyang ikinatuwa.
Katulad ng sabi ng kaniyang boss, ilang oras lang ang lumipas, umingay nga ang kumpanya nila sa telebisyon at kasabay noon ay ang pagkahuli ng dalagang kaniyang tinuro.
Nakaramdam man siya ng malaking pag-aalinlangan dahil tila iba ang mukha ng dalagang sinakdal niya, hindi na niya binawi ang kaniyang pahayag sa mga pulis.
Hanggang sa siya’y imbitahan sa pagdinig ng kaso nito, pinanindigan niya ang lahat ng kaniyang nasaksihan. Kaya lang, nang siya’y kwestiyunin na ng abogado ng dalaga, uutal-utal at nanginginig pa ang kamay niya habang sumasagot dito. Paiba-iba rin ang kaniyang mga sinasabi dahil dinagdagan niya ang tagpong nasaksihan niya.
Dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya at maaasahang saksi, matapos ang halos isang buwang pagkakakulong ng dalaga at pag-ere sa telebisyon ng mukha nito, ito’y napalaya.
Matapos ang pagdinig na iyon, hindi na siya nagbigay ng kahit anong payahag sa mga pulis. Pilit din siyang umiwas sa dalagang naging biktima ng mali niyang husga. Sabi niya pa, “Malaya na naman siya, eh, siguradong maayos na ulit ang buhay niya. Wala naman sigurong naidulot na masama ang nagawa ko sa kaniya.”
Kaya lang, isang araw, habang siya’y kumakain sa isang karinderya, naagaw ng isang dalagang umiiyak habang kumakain ang atensyon niya at nang kilalanin niya ang mukha nito, siya’y biglang napabalikwas nang makilalang ito ang dalagang sinakdal niya nang walang matibay na ebidensya.
Aalis na sana siya upang hindi na siya makausap nito, ngunit siya’y bigla nitong hinarap.
“Masaya ka na bang naghihirap ako ngayon kahit wala naman akong kasalanan?” hikbi nito sa harap niya.
“Pasensya ka na. Akala ko talaga ikaw ‘yon, eh. Ayos naman na ang buhay mo, ha? Malaya ka na ulit gawin ang lahat ng gusto mo,” kamot-ulo niyang sabi.
“Malaya? Hindi pa ako malaya! Kahit gustong-gusto ko magtrabaho, walang gustong kumuha sa isang suspek na katulad ko! Sandamakmak man ang talento ko, lahat iyon tinatapon nila dahil lang sa bintang ng isang katulad mo! Ni wala na akong pambili sa gamot ng nanay ko, wala na akong pambayad sa kuryente’t tubig namin!” hagulgol nito dahilan para siya’y labis na makaramdam nang matinding pangongonsenya, “Linisin mo ang pangalan ko!” pagmamakaawa pa nito na ikinadurog ng puso niya.
Dahil sa pangyayaring iyon, muli siyang nakipag-ugnayan sa mga pulis at sa pagkakataong ito, tapat niyang nilahad ang lahat ng kaniyang nakita. Bigla niya ring naalala ang plate number ng motorsiklong gamit ng salarin na nagbigay daan upang mahuli ito.
At upang tuluyang malinis ang pangalan ng dalaga, hiniling niya rin sa mga pulis na ilabas sa media ang katotohanan. Doon na unti-unting nanumbalik ang tahimik na buhay ng dalagang kaniyang napagbintangan.
Siya man ay muling naparangalan ng kaniyang boss dahil sa matagumpay na paghuli sa salarin, lahat ng regalong natanggap niya mula rito, mapapera man o gamit sa bahay, binigay niya lahat sa dalagang iyon na labis nitong ipinagpasalamat sa kaniya.
“Hindi pala biro ang pupwedeng mangyari sa buhay ng isang tao kapag nadungisan ang pangalan niya. Kaya simula ngayon, magsasalita lang ako kapag sigurado at may pruweba ako,” sabi niya nang makita niya kung gaano kasaya ang dalaga sa binigay niyang mga regalo.