Inday TrendingInday Trending
Napansin Niyang Palaging Nakasunod sa Kanila ang Dating Nobya ng Kaniyang Nobyo; Tugma kaya ang Hinala Niya sa Katotohanan?

Napansin Niyang Palaging Nakasunod sa Kanila ang Dating Nobya ng Kaniyang Nobyo; Tugma kaya ang Hinala Niya sa Katotohanan?

Ang dalagang si Marlene man ang pangkasalukuyang nobya ng pinakamamahal niyang lalaki, hindi niya pa rin maiwasang hindi mainis sa dati nitong nobya. Lalo na kapag napapansin niyang madalas sila nitong sundan kahit saan man sila magpunta.

Kapag napapadalaw siya sa bahay ng kaniyang nobyo, hindi maaaring hindi niya ito makita sa daan, sa mga karatig kainan, o kahit sa salon sa lugar na iyon. May pagkakataon pang nakasabay niya ito sa bus nang papunta siya sa opisina ng kaniyang minamahal dahilan para siya’y makapag-isip na baka mayroon pang namamagitan dito pati sa kaniyang nobyo na palagi namang nagbibigay ng dahilang hindi niya pinaniniwalaan.

“Ano na namang irarason mo sa akin ngayon, Benji? Nakasabay ko sa bus ang dati mong nobya at kitang-kita ko na sa gusaling ito rin siya pumasok! Ano ang idadahilan mo ngayon? Dito rin siya nagtatrabaho?” galit niyang bungad sa nobyo nang magkita sila sa kapehan ng naturang gusali.

“Mahal, maniwala ka man o hindi, rito talaga siya nagtatrabaho. Sa katunayan…” agad niyang pinutol ang sasabihin nito at muli itong sinigawan.

“Maghanap ka na ng ibang trabaho, Benji! Humanap ka na rin ng ibang apartment na matitirhan dahil gigil na gigil na ako sa babaeng ‘yon! Walang araw na hindi ko siya nakikita sa tuwing magkikita tayong dalawa!” sabi niya pa rito dahilan para mapakamot ito ng ulo.

“Hindi naman pwede ‘yang gusto mo, mahal. Alam mo namang ito lang ang kumpanyang tumanggap sa isang katulad ko na hindi nakapagtapos ng pag-aaral,” malumanay nitong sagot habang hinihimas-himas ang kaniyang kamay.

“Iyan nga ba ang dahilan mo o ayaw mo lang mawalay sa babaeng ‘yon?” sigaw niya pa rito, nagtinginan na sa kanila ang ibang empleyado roon kaya sumang-ayon na ito sa gusto niya at agad naghanap ng ibang mapagtatrabahuhan gamit ang internet.

Paglipas ng halos dalawang buwang paghahanap ng trabaho ng kaniyang nobyo, sa kabutihang palad ay nakatagpo rin ito ng panibagong trabaho. Bilang selebrasyon sa panibagong tagumpay nito, naisipan niyang magpunta sa isang resort at doon magpalipas ng isang gabi upang doon magdiwang.

“Sigurado ka ba, mahal? Wala na akong pera pang-ambag sa magagastos natin,” pag-aalala nito.

“Ako nang bahala, mahal! Nakapag-book na nga ako, eh, tayo na lang ang hinihintay doon!” masaya niyang sabi saka agad na sumakay sa nakita nilang taxi.

Ngunit bago pa man sila makapasok sa loob ng resort na iyon, napansin niyang balisa ang kaniyang nobyo at tila kinakabahan dahilan para kaniya itong usisain.

“Ah, eh, parang ayoko kasing magpunta sa resort na ‘to. Pupwede mo pa bang ikansela ang na-book mong kwarto?” wika nito habang sila’y papasok sa resort na iyon na ikinapagtaka niya.

“Anong ibig mong sabihin? Bakit…” hindi na nita natapos ang mga katanungan sa binata dahil agad niyang nakita ang dati nitong nobya na magiliw na nakikipag-usap sa kahera roon, “Ah, ngayon alam ko na. Siguro, magkikita rin kayo rito ng babaeng ‘to, ano?” mataray niyang sabi saka agad na hinila ang buhok ng dalaga.

“Aray ko! Ano bang problema mo?” inis na sabi nito matapos matanggal ang kamay niya mula sa pananabunot. “Ikaw ang problema ko! Hanggang kailan mo ba kami susundan ni Benji, ha? Desperadang-desperada ka na ba? Hindi mo pa rin matanggap na ako na ang nobya niya? O baka, may namamagitan pa inyo hanggang ngayon?” bulyaw niya rito na ikinatawa nito.

“Guard! Pakilabas ka ang eskandalosang ‘to! Makakasira ‘to sa imahe ng resort ko, eh!” utos nito sa mga guard doon kaya siya’y pinalibutan ng mga ito.

“Resort mo?” paninigurado niya.

“Oo, ako ang may-ari nito pati ang inuupahang apartment ng nobyo mo. Habang tatay ko naman ang may-ari ng kumpanyang pinagtatrababuhan niya dati. Maliwanag na ba sa’yo ang lahat kung bakit madalas tayong magkita?” paliwanag nito na labis niyang ikinahiya, “Hindi mo naman ako sinabihan, Benji, na isang babaeng baliw at mababaw ang pinalit mo sa akin,” sabi pa nito sa nobyo niyang walang mukhang maiharap dahil sa labis na kahihiyan.

Binalik din nito ang perang binayad niya sa na-book niyang silid saka sila tuluyang pinaalis. Sa dami ng taong nakasaksi sa eskandalong ginawa niya roon, sa unang pagkakataon, nagalit ang nobyo niya sa kaniya at ilang linggong hindi nagparamdam sa kaniya.

“Hindi ko naman alam na ganoon pala kayaman ang dati mong nobya,” hikbi niya rito nang muli itong makipagkita sa kaniya.

“Hindi mo talaga malalaman kung puro ka dakdak. Pinapaliwanagan kita pero lagi mo akong pinuputol. Huwag ka naman sanang gan’yan. Sa isang relasyon, hindi dapat ikaw lang ang pupwedeng maghayag ng nararamdaman o magpaliwanag. Bukod pa roon, kung patuloy kang magbibigay ng atensyon sa nakaraan ko, mababaliw ka talaga. Dapat ang hinaharap na ang iniisip natin ngayon, eh,” sermon nito na buong puso niyang tinanggap.

Simula noon, hindi na niya binalikan ang kahit anong parte ng nakaraan ng kaniyang minamahal. Bagkus, kagaya ng sinabi nito, sinamahan niya itong magplano at magsumikap para sa hinaharap nilang dalawa.

Hindi man naging madali sa kaniya ang pasiyang ito dahil sa pagkahiyang naranasan niya, nilunok niya na lang ang kaniyang dignidad para sa nobyo niyang walang ibang hinangad kung hindi mapasaya siya.

Advertisement