Inday TrendingInday Trending
Masyadong Tinipid ng Kontraktor na Ito ang mga Materyales sa Konstrukyon ng Bahay ng Kaniyang Kliyente; Magbabayad Siya nang Mahal

Masyadong Tinipid ng Kontraktor na Ito ang mga Materyales sa Konstrukyon ng Bahay ng Kaniyang Kliyente; Magbabayad Siya nang Mahal

Pinalaki at lumaki si Mang Edgar sa paalala ng kaniyang ama, na sa buhay, huwag magpapaloko, bagkus ay unahan ang mga ito.

“Anak, tatandaan mo, mas mabuti nang ikaw ang manlalamang kaysa ikaw ang papalamang. Dalawa lang ang tao sa mundong ito. Ikaw ang manloloko o ikaw ang magpapaloko. Ikaw ang mawawalan o ikaw ang magkakaroon. Anong pipiliin mo?” naaalala ni Mang Edgar na tuwina’t tanong sa kaniya ng ama—noong nabubuhay pa ito.

“S’yempre po sabi ng titser, dapat daw po maging mabuting tao, kaya ‘yong maloloko na lang po,” lagi naman niyang sagot.

“Mali. Dapat ikaw ang mang-iisa. Huwag kang papayag na lolokohin ka lang ng mga tao sa paligid mo. Dapat, lagi kang lamang sa kanila.”

Kaya naman, saksi si Mang Edgar noon sa ginagawang paglalagay ng karayom na may lason sa tari ng panabong na manok ng kaniyang ama. Laging tinola ang ulam nila dahil nauuwi nila ang natalong tandang.

Nakita ni Mang Edgar noon kung paano kinukupitan ng kaniyang ama ang alkansyang pinag-iipunan ng kaniyang lola. Akala tuloy ng matanda, nakalilimot na siya.

Namalas ni Mang Edgar ang mga palihim na pakikipagtagpo ng kaniyang ama sa mga babaeng kaharutan nito, na kung hindi kumare ng kaniyang ina, ay kapitbahay lamang nila.

Para sa lumalaki at nagbibinatang si Edgar, normal lamang ang panggugulang sa kapwa. Nadala niya hanggang sa siya ay nag-aaral at nagkatrabaho na. Alam na alam niya kung paano mangodigo, kaya nga ilang beses na siyang napatalsik sa paaralan. Nawalan siya ng interes sa pag-aaral.

Kahit sa uri ng trabaho, nasundan ni Mang Edgar ang yapak ng kaniyang ama. Naging anluwage o karpintero siya. Hanggang sa maging kontraktor o maestro karpintero para sa pagpapagawa ng pakyawan sa mga kostumer.

“Oh ikaw na’ang bahala sa materyales at pasahod sa tao ah. Tama na siguro iyang 200,000 piso para matapos mo ang bahay namin,” saad ng lalaking kliyente ni Mang Edgar na nagpapagawa ng bahay sa kanila. Dalawang palapag daw.

“Oo naman bossing, hinding-hindi ka magsisisi. Matatapos kaagad ang bahay mo at malilipatan na kaagad. Masisiyahan ka pagkatapos,” pangako ni Mang Edgar.

Tiwalang-tiwala sa kaniya ang kliyente. Palibhasa, inirekomenda ito ng kaniyang kapitbahay. Tiwala siyang matatapos kaagad ang kaniyang ipinapagawang bahay.

Subalit nananalaytay kay Mang Edgar ang kinalakhang gawi.

Labis na tinipid ni Mang Edgar ang mga materyales na gagamitin sa naturang bahay, upang maibulsa niya ang kalahati nito. Tiniyak niyang tama ang pagpapasuweldo niya sa mga kasamahan niyang karpintero upang hindi siya mahalata.

Hindi alam ng kaniyang kliyente na gawa-gawa lamang niya ang mga resibong ipinakikita niya, na sinasadya niyang mumurahin lamang at sub-standard ang mga materyales na binibili niya, upang makatipid siya at magamit niya sa ‘happy-happy’ ang perang maibubulsa.

“Hoy pare, ingat-ingat ka rin at baka makarma ka,” pabirong paalala sa kaniya ng kaibigang si Mang Paeng na siyang nakakaalam ng kaniyang mga pinaggagagawa. Nasa beerhouse sila at inilibre niya ito.

“Hindi ako naniniwala sa karma, pare. Saka magaling yata akong magtago. Namana ko sa tatay ko iyan!”

Subalit tila nagkatotoo ang sinabi ni Mang Paeng.

Isang araw, habang sila ay abalang-abala sa kanilang ginagawa, bigla na lamang gumuho ang bahagi ng bahay kung saan naroon si Mang Edgar. Naglalagay sila ng bubong ng biglang masira ang inaapakan niyang pundasyon dahil hindi kinaya ang kanilang bigat. Nalaglag si Mang Edgar at nalaglagan pa ng hollow blocks ang kaniyang kanang paa.

Mabuti na lamang at naisugod sa pinakamalapit na ospital si Mang Edgar. Namimilipit siya sa sakit. Sakit na ngayon lamang niya naramdaman sa buong buhay niya.

Sa kasamaang-palad, nadurog ang mga buto sa kanang binti ni Mang Edgar dahil sa pagbagsak at pagkakadagan ng mga hollow blocks. Hindi na makakalakad ang kaniyang kanang binti.

Bukod pa rito, batay sa imbestigasyon ay lumabas na sub-standard nga ang mga ginamit na materyales sa bahay na kanilang ginagawa. Lumabas ang pinakatatagong baho ni Mang Edgar. Napag-alaman ang kaniyang ginagawang panloloko.

Dahil sa awa sa nangyari sa kaniya, hindi na itinuloy pa ng kliyente ang pagsasampa ng kaso sa kaniya, subalit ipinabalik na lamang ang mga natitirang pera na nasa kaniya.

Sising-sisi si Mang Edgar sa lahat ng kaniyang mga ginawa. Alam niyang mali ang kaniyang mga nagawa. Tila kay bilis ng karma. Bumalik sa kaniya ang mga kabulastugang ginawa niya.

Natigil siya sa pagtatrabaho dahil sa kaniyang kalagayan, at kinupkop na lamang ng kaniyang kaisa-isang kapatid. Ipinangako ni Mang Edgar sa kaniyang sarili na hinding-hindi na niya uulitin ang panlalamang at panloloko sa kapwa.

Advertisement