Inday TrendingInday Trending
Nakituloy ang Ate ng Lalaking Ito sa Kaniyang Bahay Dahil Winasak ng Bagyo ang Lumang Bahay Nito sa Lalawigan; Bakit Kaya Ito Biglang Nag-alsa Balutan?

Nakituloy ang Ate ng Lalaking Ito sa Kaniyang Bahay Dahil Winasak ng Bagyo ang Lumang Bahay Nito sa Lalawigan; Bakit Kaya Ito Biglang Nag-alsa Balutan?

“Bata, bata, puwede ba akong magtanong sa iyo? Saan dito ang Yakal Street?”

Kung hindi pa iwinasiwas ni Elvira, 52 taong gulang, ang batang lalaking napagtanungan na abalang-abala sa paglalaro ng online game sa cellphone habang nakasalagmak sa sementadong eskinita, hindi pa ito mag-aangat ng mukha at sasagutin ang kaniyang tanong.

“Iyon po oh,” maiksing sagot nito. Inginuso nito ang masikip na eskinita pa-looban.

Nagulat si Elvira sa napakasikip na daanan patungo sa loob nito. Hindi siya sanay. Sanay siya sa malawak na lugar, sanay siyang magkakalayo ang mga bahay-bahay sa lalawigan. Sanay siyang malayang nakakalabas-masok ang hangin habang isinasayaw ang mga puno’t halaman sa kabukiran.

“Kilala mo ba si Joel? Heto oh..” at ipinakita ni Elvira ang lumang larawan ng kaniyang bunsong kapatid na lalaking si Joel, na may sarili nang pamilya.

“Pasok lang po kayo diyan ale, tapos yung panlimang bahay, iyon na po ‘yan. Si Kuya Estong po ‘yan,” sagot ng bata. Halatang naiirita ito dahil inistorbo niya ang paglalaro nito.

“Sige salamat ha,” tugon ni Elvira.

Huminga muna nang malalim si Elvira bago siya lakas-loob na pumasok sa masikip na eskinitang itinuro ng batang lalaki. May naglalabang nanay sa gilid. Napatingin ito sa kaniya, ngunit itinuon ulit ang atensyon sa ginagawa. May dalawang matandang lalaking naglalaro naman ng baraha, walang pakialam sa kaniya. May mga batang lalaki at babaeng naghahabulan. Ang isa pa, natamaan ng bisig nito ang bandang tiyan niya.

Nasa tapat siya ngayon ng panlimang bahay. May ikalawang palapag ito ngunit walang gaanong bintana dahil dikit-dikit ang kabahayan. Pinakawalan niya ang tatlong mararahang katok sa pinto.

Bumukas ang pinto. Nangunot ang noo ng babaeng nagbukas.

“Zenaida, ikaw na ba ‘yan? Si Elvira ito, ang ate ni Joel na asawa mo.”

Nawala ang pangungunot-noo ni Zenaida subalit hindi rin naman nagpakawala ng ngiti sa mga labi. Iniawang niya nang mas malaki ang pinto. Naamoy ni Elvira ang kulob na amoy ng pawis sa loob ng kabahayan, subalit hindi niya tinakpan ang ilong bilang respeto na rin.

“Pasok ka, ‘te. Nasa banyo si Joel, buti hindi pa nakakaalis,” sagot ng kaniyang bilas. Pinaupo siya nito sa sofa na gawa sa kahoy. Pinagmasdan niya ang paligid. Magulo, makalat. Maagiw-agaw pa ang kisame. Tila napansin naman ito ni Zenaida.

“Pasensya ka na ‘te, medyo makalat. Hindi kami nakapaglinis eh.”

Maya-maya, lumabas na ang kaniyang kapatid. Nakatapis lamang ito ng tuwalya sa pang-ibaba.

“Uy ‘te, nakarating ka na pala. Buti nakarating ka rito sa amin,” sabi ni Joel. Agad nitong isinuot ang T-shirt na itim at naupo sa kaniyang tabi.

“Madali lang namang hanapin ang sa inyo. Saka nagtanong-tanong ako,” tugon naman ni Elvira.

“Nakahanda na ang kuwarto mo ‘te, kaya lang medyo masikip ‘iyon. Nasa tabi pa ng bintanang nakaharap sa kalsada kaya medyo maingay. Tara, pakita ko sa ‘yo.”

At ipinakita na nga ni Joel ang maliit na kuwartong tutuluyan ng kaniyang ate, na siyang nagpaaral sa kaniya noong bata pa siya hanggang sa makatapos siya sa kolehiyo, matapos na maulila sila sa kani-kanilang mga magulang.

Hindi sana makikipanuluyan si Elvira sa kaniyang kapatid kung hindi lamang nawasak ng bagyo ang kanilang lumang bahay sa lalawigan.

“Pasensya ka na ate, medyo marami rin kami rito, buti nga wala pa ang mga pamangkin mo eh,” paghingi ng paumanhin ni Joel sa kaniyang ate. Malaki ang utang na loob niya rito.

“Ayos lang. Ikaw naman, alam mo namang sanay naman ako. Salamat ha. Pakisabi kay Zenaida.”

Tatlong araw pa lamang si Elvira sa bahay ng kaniyang kapatid, subalit parang nais na lamang niyang bumalik sa lalawigan. Napakaingay, hindi siya makatulog, lalo na kapag umaga at hapon. Naghihiyawan ang mga batang naglalaro, na madalas ay parang sinasadya pang sa tapat ng bintana niya maghihihiyaw na wala nang bukas. Gustong-gusto niyang sigawan ang mga batang ito, subalit naiisip niya na bagong salta pa lamang siya sa lugar. Baka bigla siyang magkaroon ng kaaway.

Sa ikalimang araw, narinig ni Elvira ang pag-uusap nina Joel at Zenaida.

“Hanggang kailan ba rito ‘yang ate mo? Joel naman, wala tayong masyadong pera para kumuha pa ng dagdag na bibig na pakakainin natin!”

“Huwag kang maingay, baka marinig ka ng ate. Hayaan mo kakausapin ko siya. Malaki ang utang na loob ko sa kaniya, kaya nahihiya rin akong bumwelo at pagsabihan siya, na hindi libre ang pagtira dito sa Maynila.”

“Sus, kung lahat ng tao eh tatanaw ng utang na loob, wala nang mangyayari sa atin. Gusto mo bang ako na ang magsabi?”

“Hindi na ninyo kailangan pang magturuan kung sino ang magsasabi sa akin. Narinig ko na ang lahat. Ako na lang ang aalis.”

Nagulat sina Joel at Zenaida sa pagsulpot ni Elvira.

“A-Ate.. magpapaliwanag ako, hindi naman kasi sa ganoon…”

“Ayos lang, Joel. Narinig ko naman ang lahat eh. Tama ka naman. Bakit nga ba ako nakisiksik pa rito? May sarili ka nang buhay. May sarili ka nang pamilya. Masaya ako dahil naging maayos-ayos naman ang buhay mo, at tumatanaw ka ng utang na loob sa akin. Pero ang sakit palang marinig mula sa iyo na napipilitan ka lang palang tulungan ako dahil sa utang na loob mo sa akin, at hindi dahil sa ate mo ako’t kadugo mo ako.”

Hindi nakakibo si Joel. Napatungo ang kaniyang ulo. Hiyang-hiya siya sa kaniyang ate. Ang ateng tumayong magulang sa kaniya. Hindi na nga ito nakapag-asawa para lamang sa kaniya. Malaki ang naging sakripisyo nito sa kaniya, kung tutuusin.

Hindi napigilan ng mag-asawa ang pag-alsa balutan ni Elvira pauwi sa kanilang lalawigan.

Sa tulong ng kaniyang mga kapitbahay, napakiusapan niya ang mga ito na tulungan siyang buuin ang nasira nilang lumang bahay, kahit na tagpi-tagpi lamang.

Sa lugar na ito, walang iistorbo sa kaniya.

Sa lugar na ito, walang manunumbat sa kaniya.

Sa lugar na ito, walang magsasabing pabigat siya.

Hindi maiwasang mangilid ang luha sa mga mata ni Elvira sa tuwing naaalala niya ang mga narinig niyang pahayag mula sa kaniyang mahal na kapatid. Matapos ang lahat ng mga sakripisyo niya rito, ganoon lamang ang sasabihin nito?

Na ngayong may sarili na itong bagwis, etsa-puwera na siya dahil wala na siyang silbi sa kaniya?

Naiusal na lamang ni Elvira na sana, sunduin na siya ng kanilang mga magulang sa langit.

Makalipas ang dalawang araw, hindi inaasahan ni Elvira ang pagdating ng kaniyang mga bisita.

“A-Anong ginagawa ninyo rito?” untag ni Elvira kina Joel at Zenaida.

“Ate Elvira,” naluluhang sabi ni Zenaida. “Gusto lang sana naming humingi ng dispensa sa iyo, sa lahat ng mga nasabi namin. Patawarin mo kami, lalo na ako. Nadala lang ako ng emosyon ko, kasi medyo hirap din kasi kami ni Joel sa pera, nakita mo naman ang bahay namin. Patawarin mo ako, kami.”

“Ate, hindi ko man nasasabi sa iyo ito, pero mahal na mahal kita, at habambuhay kong tatanawing utang na loob ang lahat ng mga nangyari sa akin nang dahil sa iyo. Malaki ang pasasalamat ko sa iyo dahil sa mga sakripisyo mo sa akin. Patawarin mo ako kung napagsalitaan kita nang hindi maganda ate…” nangingilid ang paghingi ng tawad ni Joel sa kaniyang ate.

Walang namutawing mga salita mula kay Elvira.

Nilapitan niya ang mag-asawa. Niyakap niya ang mga ito. Sapat na ang mga kilos ng pagpapatawad at pagmamahal. Mas malalim ito.

Nagkapatawaran ang magkapatid, subalit pinili na lamang ni Elvira ang manirahan sa lalawigan, dahil mas sanay na siya sa takbo ng buhay roon. Matiwasay namang bumalik sa lungsod ang mag-asawa, dahil nakuha nila ang kapatawaran mula kay Elvira.

Naging simula naman iyon nang muling pagbubuklod ng magkapatid. Lagi na silang nagkukumustahan sa pamamagitan ng text, chat, o tawag. Alam ni Elvira na masayang-masaya ang kanilang mga magulang sa langit.

Advertisement