
Gustong Umamin ng Dalaga ng Nararamdaman Niya sa Binata, Matuloy Pa Kaya Ito Kahit Siya’y Hinuhusgahan ng Lahat?
“Huwag mong sabihin sa aking itutuloy mo talaga ang plano mong pag-amin sa nararamdaman mo sa binatang ‘yon, Berna, ha? Malilintikan ka sa akin!” babala ni Aling Bona sa kaniyang bunsong anak na dalaga, isang gabi nang makita niya itong may bitbit na regalo at ilang mga bulaklak.
“Ah, eh, opo, mama, itutuloy ko po. Ito nga po at binilhan ko siya ng tsokolate at ilang pirasong bulaklak,” kwento pa ni Berna saka pinakita ang laman ng kahon na labis nitong ikinagalit.
“Diyos ko, Berna! Sino bang d*monyo ang sumapi sa’yo para magpakalalaki ka sa isang binata? Ilang beses ko bang sasabihin sa’yong ikaw ang babae, dapat, siya ang umamin at manligaw sa’yo! Hindi ‘yong ikaw pa ang gagawa ng paraan! Nagmumukha kang desperada sa ibang tao niyan!” sermon nito sa kaniya dahilan para siya’y mapatungo na lang.
“Porque po ba babae ako, hindi na ako pwedeng umamin sa taong gusto ko? Mama, iba na ang panahon ngayon…” hindi na niya natapos ang pagsagot niya dahil agad nitong hinablot ang kaniyang mga bitbit at siya’y muling sinermunan.
“Papalayasin kita kapag tinuloy mo ‘yan! Wala akong anak na desperada! Para kang mauubusan ng lalaki kapag hindi mo naamin ‘yang nararamdaman mo sa binatang ‘yan!” sigaw pa nito sa kaniya matapos itapon sa basurahan ang kaniyang mga pinag-ipunang pangregalo sa naturang binata.
Unang araw pa lang ng dalagang si Berna sa kaniyang trabaho sa Maynila, agad nang napukaw ng isang misteryosong binatang palagi lang tahimik sa isang sulok ang atensyon at puso niya. Kahit na hindi ito umiimik o kahit na namamansin man lang, kakaiba ang kagwapuhang taglay nito na talaga nga namang nagpabaliw sa kaniya.
Sa katunayan, kahit na alas diyes pa ng umaga ang pasok niya sa trabaho, alas nuwebe pa lang, nasa opisina na siya para lamang pagmasdan ang kagwapuhan nito habang abala sa pagtatrabaho. May mga araw pang umuuwi siya nang maaga para lang makasabay ito sa bus. Tangkain man niya itong kausapin, siya’y nilalayuan nito.
Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya makatanggap ng nakaparaming panghuhusga sa mula sa kaniyang mga katrabaho. Ang ilan ay natutuwa sa kaniyang ginagawa habang ang karamihan, sinasabihan siyang desperada at siya’y kinaiinasan pa.
Ngunit dahil nga siya’y nabihag na ng binatang ito, kahit kaniyang mga magulang, hindi na siya mapigilan.
Nang gabing ‘yon, matapos sermunan ng ina, umiyak lang siya saglit sa kaniyang silid saka muling kinumbinsi ang sarili na kailangan na niyang umamin sa binatang iyon. Wika niya pa, “Ayos lang kung hindi niya maibalik kung anong nararamdaman ko sa kaniya, ang mahalaga, masabi ko ito sa kaniya. Bahala na kung mapalayas ako ni mama, hindi ko na talaga kayang itago ito!”
Kaya naman, kinabukasan, kagaya ng ginagawa niya, maaga na naman siyang pumasok. Bumili siya ng tapsilog at kape upang ibigay sa naturang binata.
Pagkarating niya sa opisina, agad siyang nagtungo sa lamesa nito at inilapag doon ang mga pagkain. Muli man niyang naramdaman ang mga mapanghuhusgang tingin at bulungan ng iba nilang katrabaho, naglakas loob pa rin siyang sabihin sa binata ang nararamdaman niya.
“Gusto kita, Drake,” wika niya na ikinatungo ng binata.
“Pa-pasensya ka na…” sagot nito na ikinalaki ng mga mata niya at ikinatawa ng ilan nilang katrabaho.
“Ah, eh, ayos lang. Sinabi ko lang naman, sige, alis na ako,” tatawa-tawa niyang sambit habang nagkakamot ng ulo.
“Teka, patapusin mo muna ako. Pasensya ka na dahil wala akong lakas ng loob na unang umamin. Gusto rin kita, Berna, nahihiya lang ako sa’yo dahil sobrang ganda at talino mo. Pakiramdam ko, hindi tayo bagay,” tugon nito na ikinatigil ng mundo niya, nanlaki pa ang mga mata niya nang siya’y yakapin nito sa harap ng kanilang mga katrabaho na biglang naghiyawan, “Liligawan kita, ha,” dagdag pa nito matapos siyang halikan na labis niyang ikinapanghina.
Katulad ng sabi nito, agad nga itong nagpunta sa kanilang bahay upang hingin ang kamay niya sa kaniyang mga magulang. Noong una’y sinermunan pa ito ng kaniyang ina dahil nga alam nitong siya ang unang umamin, ngunit nang sabihin nito ang rason, biglang wika nito, “Kanino pa ba magmamana ng katalinuhan at kagandahan ‘yan, ‘di ba?” na ikinatawa nilang lahat.
Paglipas ng ilang buwan, nang labis na niyang makilala ang binata, tuluyan na niya itong sinagot at iyon ang pinakatamang desisyong nagawa niya.
“Mabuti palang hindi ako nakinig sa sasabihin ng iba kung hindi, baka hanggang ngayon, hindi ako ganito kasaya sa piling ng lalaking minamahal ko,” sambit niya habang pinagmamasdan ang binatang iyon na maghanda ng kanilang pananghalian katulong ang kaniyang mga magulang.