
Nagtataka ang Lalaking Ito sa Palagiang Paghingi ng Pera ng Asawa, Naiyak Siya nang Malaman kung Saan Ito Napupunta
“Diyos ko naman, Anna! Talaga bang ‘yang kamay mong palaging nakasahod ang sasalubong sa akin kada uuwi ako galing trabaho? Hindi ba pwedeng kumustahin mo muna ako bago ka humingi ng pera?” inis na sambit ni Lucas sa asawa, isang gabi nang siya’y salubungin nito sa kanilang pintuan.
“Papasalamatan mo rin ako pagdating ng araw, Lucas, kaya akin na, magbigay ka ng isang daan piso!” wika nito habang nakasahod pa rin ang kanang kamay.
“Nakakainis ka na kamo! Akala mo ba nagpupulot lang ako ng pera sa opisina na pagkauwi ko, may pera na agad akong maibibigay sa’yo? Halos sa pamilyang ito na nga napupunta lahat ng sahod ko, eh, tapos araw-araw ka pang manghihingi ng pera!” sigaw niya rito habang naghahanap ng pera sa kaniyang bag.
“Kung ako sa’yo, magbigay ka na lang bago pa magising ang mga bata sa ingay ng bunganga mo!” bulyaw din nito sa kaniya dahilan para mailing na lang siya.
“Hindi kasi malaman kung saan mo dinadala ang mga perang binibigay ko sa’yo! Isang beses ko lang malamang pinangbibisyo, sugal, o lalaki mo ‘yang binibigay ko, palalayasin kita sa pamamahay ko!” babala niya rito saka padabog na binigay ang isang daang piso. Hindi pa siya roon nasiyahan at bahagya niya pa itong binangga ng hawak niyang bag.
Labis na nagtataka ang padre de pamilyang si Lucas sa inaasal ng kaniyang asawa. Simula kasi nang makapagtrabaho siya sa Maynila, araw-araw na itong nanghihingi sa kaniya ng isang daang piso para sa hindi niya alam na dahilan. Sakto naman ang binibigay niyang perang pangkain ng kanilang pamilya, pangbayad ng mga bayarin sa bahay, at kung ano pang gastusin dahilan para siya’y labis na na mapaisip sa ginagawa ng kaniyang asawa.
Ito ang dahilan para hindi niya maiwasang mag-isip na baka may ginagawa itong kababalaghan sa perang binibigay niya.
Hindi naman kasi ito ganoon dati nang siya’y isang construction worker pa lamang. Ito pa nga ang nasasabi no’n na siya’y mag-ipon upang maiwasan nilang maghirap lalo sa buhay.
Ngunit dahil nga hindi siya marunong mag-ipon, naghirap maigi ang kanilang pagsasama noon hanggang sa siya’y swertehin sa Maynila.
Kaya lang, ngayon naman, pakiramdam niya, ito naman ang nagloloko dahilan para ito’y mapagsalitaan, mapagdabugan, at masigawan niya kahit sa harap ng kanilang mga anak.
Lumipas pa ang buwan na ganoon ang ginagawa ng kaniyang asawa, pilit man niyang iniimbestigahan ang ginagawa nito, wala siyang makuhang sagot.
Hanggang sa isang araw, bigla na lang siyang matanggal sa trabaho dahil unti-unting nalulugi ang kumpanyang pinagtatrababuhan niya at kailangang magbawas ng empleyado.
Doon na siya labis na nanlumo, ni hindi niya alam kung saan muling hahanap ng pagkakakitaan para sa kaniyang pamilya. Wala siyang katiting na ipon dahilan para isa lamang ang sisihin niya at ito ay ang kaniyang asawa.
Galit siyang umuwi sa kanilang bahay at katulad dati, nakasahod na kamay ng kaniyang asawa ang sumalubong sa kaniya.
“Wala na akong trabaho, Anna! Wala ka nang mahihita sa akin!” sigaw niya rito, “Ni wala akong ipon para sa sarili ko dahil sa araw-araw mong pahingi!” dagdag niya rito.
“Sino’ng nagsabi sa’yong wala kang ipon?” tanong nito na ikinapagtaka niya. Lalo pa siyang napaisip nang abutan siya nito ng isang passbook ng bangko, “D’yan napunta lahat ng hinihingi ko sa’yo. Wala akong kinuha riyan kahit na piso. Alam ko kasing hindi ka marunong mag-ipon at darating ang araw na mawawalan ka ng trabaho dahil sa pandemya. Gamitin mo sana sa tama ang naipon mong pera,” dagdag pa nito na bigla niyang ikinakonsensya.
Pinagmasdan niya ang mga numero sa passbook na iyon at naiyak siya sa laki ng perang mayroon siya. Labis na pasasalamat at paghingi ng tawad ang ginawa niya sa asawa.
“Patawarin mo ako kung pinaghinalaan pa kita,” wika niya na ikinaiyak nito saka siya niyakap.
Nang muli na nilang maayos ang kanilang pagmamahalan, agad na siyang nagdesisyong pumasok sa mundo ng pagnenegosyo gamit ang perang ito at iyon nga ang naging simula nang pag-alwan ng kanilang buhay.
Hindi man sila araw-araw na may benta, nalulugi kung minsan, nagpatuloy silang mag-asawa hanggang sa tuluyang makilala ang kanilang paninda sa buong lalawigan.
“Hindi ko ito magagawa kung wala ang aking asawa,” pagmamalaki niya sa isang interbyu nang minsan siyang magkaroon ng pagkakataong ibahagi sa madla ang kwento sa likod ng tagumpay niya.