Inday TrendingInday Trending
Buraot sa Kanilang Tropa ang Binatang Ito, Habambuhay na Nga Lang ba Siyang Ganito?

Buraot sa Kanilang Tropa ang Binatang Ito, Habambuhay na Nga Lang ba Siyang Ganito?

“Rayd, hindi ba’t may trabaho ka na ngayon? Sama ka na sa amin! Maggagala-gala kami sa Tagaytay tapos magrerenta kami ng apartment para roon matulog!” yaya ni Juju sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang makasakay niya ito sa dyip papuntang trabaho.

“Naku, pare, malabo akong makasama sa inyo. Kung gusto niyo, ilibre niyo ako, sasama talaga ako!” patawa-tawang biro ni Fernand habang nagbibilang ng baryang ipapangbayad niya sa jeep.

“Ibang klase rin talaga ang kapal ng mukha mo, ‘no? Pare-pareho tayong naghihirap magtrabaho tapos mangbuburaot ka?” inis na sagot nito na ikinagulat niya.

“Biro lang naman ‘yon, pare, bigla ka namang nagalit agad,” kamot-ulo niyang sambit na lalong ikinagalit nito.

“Paanong hindi magagalit sa’yo? Ni hindi ka maasahan kapag may ganitong klaseng gala. Kung hindi ka ililibre, hindi ka sasama. Kaibigan ka ba talaga namin o sadyang ginagatasan mo lang kami?” wika pa nito, nagsimula na siyang titigan ng ibang mga pasaherong kasabay niya.

“Grabe ka namang magsalita, pare!” tugon niya rito. “Mas grabe ka mamuraot! Simula pa lang nang hayskul tayo, palagi ka nang nanghihingi! Hindi mo ikakaasenso ‘yang ginagawa mo!” bulyaw pa nito sa kaniya saka agad na pinara ng jeep na labis niyang ikinabigla. Natulala na lang siya habang paulit-ulit na tumatakbo ang mga salitang iyon sa isip niya.

Panghihingi lang sa kaniyang mga kaibigan ang naging dahilan para makapagtapos ng hayskul ang binatang si Fernand. Kung hindi siya makakakalog ng taglilimag piso sa mga ito kada araw, hindi niya magagawang makapasok sa paaralan dahil wala namang trabaho ang kaniyang mga magulang upang matugunan ang pag-aaral niya.

Sa kagustuhan niyang makapagtapos kahit na hayskul lang, labis niyang kinapalan ang mukha niya para makalikom ng barya-barya araw-araw. Sandamakmak na panghuhusga at pangmamaliit man ang natatanggap niya sa ginagawa niyang ito, binabalewala niya ito para lang sa kaniyang pangarap.

Kaya naman, nang siya’y tuluyan nang makapagtapos, agad na siyang naghanap ng trabaho at dahil nga magaling naman siyang magsalita ng Ingles at siya’y may taglay na katalinuhan, siya’y agad na natanggap sa isang call center company.

Doon na niya nasimulang kulayan ang malungkot at hirap na buhay ng kaniyang mga magulang. Nagagawa na niyang makabili ng kanilang pagkain, nakapagpakabit na siya ng kuryente, at marami pang ibang tulong na labis na ikinatuwa ng mga ito.

Ngunit sa tuwing yayakagin siya ng mga kaibigan niya, dahil nga wala naman siyang sobrang pera, kung hindi siya maililibre ng mga ito, hindi siya sasama na ikinainis maigi ng isa niyang kaibigan.

Kahit na sobra siyang nasaktan ng araw na ‘yon sa sinabi ng kaibigang si Juju, tinanggap niya ito dahil alam niyang kahit saang banda tingnan, totoo ang sinabi nito.

Imbis na magtanim siya ng sama ng loob dito, ginawa niya itong inspirasyon at pinangako sa sariling, “Balang araw, makakabawi ako sa mga kaibigan ko.”

Iyon ang dahilan para labis siyang magsipag at magpakitang gilas sa kumpanyang pinagtatrababuhan. Nagtiyaga siyang mapuyat, kumausap ng mga pasaway na kustomer, at makisama sa mga mapanghusgang katrabaho. Lahat nang iyon ay nagbunga ng isang tagumpay dahil ilang buwan pa ang lumipas, tumaas ang kaniyang posisyon at naging isa sa mga humahawak sa mga bagong empleyado.

Tumaas man na ang sahod niya dahil doon, hindi pa rin siya nakampante. Alam niya kasing ang unang prayoridad niya ay ang pangangailangan ng kaniyang pamilya kaya naman, habang siya’y nagtatrabaho, sumubok siyang mag-invest sa isang mayamang kumpanya at doon pinakalumago ang pera niya!

Ilang buwan pa ang lumipas, nang magkaroon na siya ng sapat ng pera, sinadya niyang hanapin ang mga taong tumulong sa kaniya noong siya’y hayskul pa lamang at binigyan niya ng tulong ang mga ito.

Halos maiyak sa kapapasalamat ang mga kaibigan niyang ito dahil sobra-sobra ang iniabot niyang tulong.

“Hayaan niyong ako naman ang tumulong sa inyo,” wika niya sa mga ito kabilang na ang kaibigang si Juju na naaksidente at nawalan ng trabaho kailan lang.

Simula noon, patuloy na umangat ang buhay niya. Nakabili na siya ng bahay at lupa, nakapagpatayo ng grocery store, at nagbigay ng puhunan sa mga kaibigan niyang pinaka-naghihirap ngayon.

Sa ganoong paraan, kaniyang napagtantong hindi habambuhay, nasa ilalim siya at patuloy na makakatanggap ng pangmamaliit dahil bilog ang mundo at siya’y may pag-asang pumaitaas sa pamamagitan ng pagpupursigi at pagbibingi-bingihan sa mga sinasabi ng iba.

Advertisement