Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Ama sa Binatang Nanliligaw sa Kaniyang Anak; Giit Nito’y Wala nang Pag-asa ang Dating Presong Katulad Niya

Tutol ang Ama sa Binatang Nanliligaw sa Kaniyang Anak; Giit Nito’y Wala nang Pag-asa ang Dating Presong Katulad Niya

“Ano pang hinihintay mo riyan, hijo? Hindi ba’t sabi ko sa’yo, hinding-hindi ko paliligawan sa’yo ang anak ko dahil isa kang dating preso? Hindi ko kayang ipagkatiwala sa isang katulad mo ang buhay at kinabukasan ng anak ko!” sigaw ni Mang Pedro sa binatang madaling araw na, nasa labas pa rin ng kanilang bahay.

“Pe-pero mahal ko po talaga ang anak niyo at handa po akong magbago at magbanat ng buto para sa kaniya,” mangiyakngiyak na tugon ni Ryan saka lumuhod sa harapan ng padre de pamilyang ito.

“Naku, marami pang ibang babae riyan, hijo, huwag ang anak ko! Siya na lang ang pag-asa namin sa buhay, kaya kung sisirain mo ang buhay niya, ako ang makakalaban mo! Kahit na nagawa mo nang matuldukan ang buhay isang tao noon, hindi ako matatakot sa’yo kapag anak ko na ang pinag-uusapan!” bulyaw pa nito saka agad siyang tinulak dahilan para siya’y mapaupo sa lupa.

“Parang-awa niyo na po, bigyan niyo po ako ng pagkakataon! Pangako ko po sa inyo, hindi ko po sasaktan ang anak niyo,” giit niya pa habang tuloy sa pagmamakaawa.

“Wala akong pakialam sa mga pangako mo! Umalis ka na rito! Nakakahiya na sa mga kapitbahay namin!” wika pa nito saka muli nang pumasok sa kanilang bahay habang siya, naiwan pa ring nakaluhod sa harapan ng pintuan.

Hindi madali para sa binatang si Ryan na dating preso ang buhay na sumalubong sa kaniya pagkalaya niya mula sa kulungan. Sandamakmak na panghuhusga, bulungan, at matinding pag-iwas ang ginagawa ng mga tao sa paligid niya.

Hirap siyang makahanap ng trabaho dahil sa nagawa niyang kr*men dati at lalo’t higit, hirap na siyang maani ang tiwala ng mga taong dati’y malapit sa kaniya.

Nadawit kasi siya sa isang gulo noon kasama ang kaniyang mga tropa habang sila’y nag-iinuman sa isang bar, hindi kalayuan sa tinitirhan niyang barangay. Sa sobrang galit niya nang makita niyang hindi na humihinga ang kaibigan niya dahil sa ginawa ng isa pang binata, nandilim ang paningin niya at ginamit niya ang kutsilyong nadampot niya upang saks*kin at tapusin din ang buhay nito.

Tinangka man niyang tumakas noon, nahuli pa rin siya at nakulong ng mahigit kumulang dalawang dekada.

At ngayong nakalaya na siya, nahulog siya sa isang babaeng palagi niyang nakakasabay sa pagbili ng pandesal sa umaga. Sa lahat kasi ng taong nakasalamuha niya pagkagaling niyang kulungan, ito lang ang hindi umiwas sa kaniya. Sabi pa nito, “Hindi pa naman huli ang lahat, may pag-asa ka pang magbagong buhay!” na talagang nagbigay nang malalim na pag-asa sa kaniya.

Ngunit nang umakyat na siya ng ligaw dito, katakot-takot na pagtataboy ang ginawa sa kaniya ng ama nito. Kahit pa ganoon, desidido siyang makuha ang kamay ng dalaga dahilan para siya’y lumuwas ng Maynila upang doon maghanap ng trabaho.

Hindi naman naging madali sa kaniya ang maghanap ng trabaho roon, hindi ito naging rason upang basta na lang siya sumuko at dito niya na nakilala ang isang ginang na nakausap niya sa isang convenient store. Tuwang-tuwa sa kaniya dahil kamukha niya raw ang pumanaw nitong anak dahilan para siya’y bigyan nito ng trabaho nang malaman nitong taga-probinsya siya’t namomroblema.

Tuwing linggo, upang patuloy niyang mapaalam sa dalagang ito pa rin ang iniibig niya, binibigyan niya ito isang kilong bigas, mga prutas, pang-ulam, at kung anu-ano pang mga bagay na mapapakinabangan ng buo nitong pamilya. Palagi niyang paalala rito, “Papatunayan ko muna ang kakayahan ko sa tatay mo, bago ako babalik dito,” na labis nitong ikinatuwa.

At dahil nga mabait naman siya sa ginang na nagbigay ng trabaho sa kaniya, nagpatuloy ang pagtatrabaho niya sa kumpanya nito hanggang sa alukin na siya nitong magtrabaho sa ibang bansa.

“Si-sigurado po ba kayo? Ipapadala niyo po ako roon kahit na masama ang nakaraan ko?” mangiyakngiyak niyang paninigurado rito.

“Hindi naman importante sa akin ang nakaraan mo, hijo, ang mahalaga, nakikitaan kita ng potensyal ngayon. Parang anak na kita at ni minsan, hindi kayang husgahan ng isang ina ang anak niya,” wika nito na lalo niyang ikinaiyak.

Iyon na nga ang naging dahilan upang umalwan ang buhay niya at dahil nga sigurado na ang hinaharap niya, nang muli siyang umuwi sa Pilipinas at dumalaw sa bahay ng dalagang naghihintay sa kaniya, tinanggap na siya ng ama nitong tuwang-tuwa sa pagbabago niya.

“Pinahanga mo ako, hijo,” tangi nitong sambit saka tinapik-tapik ang likuran niya.

Doon na niya tuluyang naging nobya ang dalaga na ilang buwan lang ang lumipas ay naisama niya na rin sa abroad at nakatulong na rin sa pamilya.

Hangga’t may isang tao talagang naniniwala sa’yo, wala kang karapatang sumuko sa hamon ng buhay. Laban lang nang laban dahil panigurado’y may liwanag sa dulo ng dilim.

Advertisement