Inday TrendingInday Trending
Nakadepende sa Kaniyang Kinakasama ang Dalagang Ito, Isang Sikreto Pala ang Pinakatatago ng Lalaki

Nakadepende sa Kaniyang Kinakasama ang Dalagang Ito, Isang Sikreto Pala ang Pinakatatago ng Lalaki

“Lauren, ano, sasama ka ba sa outing namin? Pangbayad na lang sa entrance ang poproblemahin mo! Kumpleto na lahat ang mga kailangan natin simula sasakyan hanggang sa pagkain!” yaya ni Melody sa kaibigan, isang hapon nang minsan niya itong sadyain sa inuupahang bahay.

“Naku, hindi ko pa sigurado, eh. Magpapaalam muna ako sa nobyo ko,” kamot-ulong sagot ni Lauren habang nakasilip lamang sa kanilang bintana.

“Diyos ko naman, Lauren! Palagi ka na lang nakaasa sa desisyon ng nobyo mo! Ilang outing na nating magkakaibigan ang hindi mo nasasamahan dahil hindi ka pinapayagan ng lalaking ‘yan!” inis na sambit ng kaibigan niya na labis niyang ikinakaba dahil baka marinig ng kanilang mga kapitbahay.

“Syempre, nobyo ko siya, eh, kailangan kong respetuhin ‘yong desisyon niya,” katwiran niya na ikinatawa nito.

“Hindi respeto ang tawag d’yan! Kat*ngahan na ‘yan, Lauren! Isipin mo, kahit sandaling pagkikita-kita nating magkakaibigan, hindi ka pa papayagan? Buti ba kung palagi kaming may pera pangpamasahe para sadyain ka rito sa bahay niyo! Wala ka nang kalayaan, mag-isip ka naman!” sermon pa nito sa kaniya dahilan para mapailing na lang siya.

“Huwag ka nang magalit! Sige na, ako na’ng bahalang magpaalam. Umalis na kayo bago pa niya kayo maabutan dito,” wika niya rito na labis nitong ikinagalit.

“Lauren, t*nga!” sigaw nito sa kaniya saka agad nang umalis sa tapat ng kanilang bahay.

Palaging nakadepende sa kaniyang kinakasama ang dalaga si Lauren. Kahit gusto niya, kapag ayaw ng binatang ito, hindi niya ito gagawin. Palagi pa siyang nasunod sa mga kagustuhan nito, mapa tungkol man sa sarili niyang buhay o sa relasyon nila, hindi siya kumokontra rito dahil paniniwala niya, alam nito ang lahat para sa ikabubuti ng kanilang pagsasama.

Kaya nga lang, dahil sa gawain niyang ito, siya’y nahuhusgahan at nakagagalitan ng mga kaibigan niya. Kat*ngahan kasi para sa kanila ang ginagawa niyang pagsunod palagi sa kagustuhan ng binata na kaniya na lang ipinapasawalang bahala.

Nakararamdam man siya minsan nang pagkasakal sa relasyon nilang ito dahil halos buong maghapon lamang siyang nasa loob ng kanilang inuupahang bahay habang nasa trabaho ang binata, pinagtitiisan niya ito.

Hindi man niya alam ang totoong dahilan kung bakit palagi siyang pinagbabawalan nitong lumabas kahit bumili lamang sa tindahan, iniisip niya na lang na sobra siyang mahal nito kaya ayaw siyang mapahamak.

Nang araw na ‘yon, pagkaalis ng kaibigan, agad na siyang bumalik sa panunuod ng telebisyon nang bigla siyang makaramdam ng gutom. Ngunit napailing na lang siya nang maalala niyang hindi pa pala nakakabili ng mga pagkain sa grocery ang kaniyang kinakasama. Wala na rin siyang tirang kanin at ulam dahilan para mag-isip na siya ng paraan upang matugunan ang pagkalam ng sikmura.

“Pabalikin ko kaya si Melody dito para ibili ako ng pagkain? Ay, huwag na, galit nga pala sa’kin ‘yon! Bibili na nga lang ako riyan sa kanto ng makakain. Siguro naman hindi magagalit ang kasintahan ko sa gagawin ko,” wika niya sa sarili saka agad na kumuha ng pera at lumabas ng naturang bahay.

Kaya lang, habang naglalakad bigla niyang nakita ang binatang kinakasama niya kasama ang isang mag-ina. Pumasok ito sa isang bahay sa tabi ng kanto habang inaalalayan ang ginang na may kargang bata dahilan para mapaisip siya.

“Baka kamukha niya lang,” pangungumbinsi niya sa sarili ngunit hindi siya mapakali kaya lumapit siya sa bahay na ito.

At doon sa bintana, kitang-kita niyang ito nga ang kinakasama niya dahilan para hindi niya mapigilan ang sariling hindi magwala roon.

Katulad niya, galit na galit din ang ginang na kasama nito. Wika pa nito sa lalaki, “Kasal na, may anak ka na, nambababae ka pa! Akala ko nagbago ka na! Kinukulong mo na naman ‘yan kaya hindi ko agad nakilala, ano?” na talagang nagpatigil sa mundo niya.

Agad na siyang umuwi sa bahay nila at nagsimula nang mag-empake. Hinang-hina man siya sa katotohanang nalaman, walang ibang tumatakbo sa isip niya kung hindi ang umalis na agad doon at tuldukan na ang kat*ngahan niya.

Hindi man niya alam kung saan magsisimula dahil halos ilang taon siyang nakadepende sa binatang ito, sinubukan niyang magpakatatag huwag lang sumuko sa buhay.

“Hindi pala ako dapat sa ibang tao nakadepende, dapat pala sa sarili ko lang dahil hindi ko sigurado kung hanggang kailan sila mananatili sa tabi ko,” iyak niya, habang inilalagay niya sa sasakyan ng kaibigan ang mga gamit niya.

Masakit man, ngunit ngayon ay malaya na siya. Makakalimot din siya sa sakit na nararamdaman niya ngayon. Naniniwala siyang darating din ang tamang lalaki sa buhay niya na hindi siya itatago bagkus ay ipagmamalaki pa sa lahat ng mga tao.

Advertisement