Niyabangan ng Magandang Modelo ang Dati Niyang Kaklase; Napahiya Siya nang Bumwelta Ito

“Ma’am, handa na po ang sasakyan, pwede na po tayong umalis,” wika ng unipormadong drayber niya nang kumatok  ito sa pinto. 

Suot ang seksi ngunit eleganteng damit, taas-noong naglakad si Andrea palabas ng mala-palasyo niyang bahay. Papunta siya sa isang mahalagang okasyon kaya dapat lang na magarbo siya.

Halos dalawampung minuto rin ang itinagal ng biyahe bago huminto ang magara niyang sasakyan sa tapat ng isang five-star hotel. Iyon ang hotel na pinakamahal sa buong bansa. Ang totoo ay isa iyon sa mga lugar na madalas niyang puntahan kapag nais niyang mag-relax.

Buong kumpiyansa siyang naglakad papasok, bitbit ang kaniyang mamahaling bag.

Sabay-sabay siyang binati ng mga empleyado, na karamihan ay namumukhaan niya na sa sobrang dalas niya roon.

“Good evening po, Mrs. Romero!” sabay-sabay na bati pa ng mga ito. Isa sa mga ito ang sumabay sa kaniya para ihatid siya sa kaniyang destinasyon.

Agad niyang narinig ang bulungan nang makapasok siya.

“Hindi ba si Andrea Romero ‘yan? ‘Yung modelo na nakapangasawa ng congressman?” narinig niyang bulong ng isang babae.

Advertisement

“Tingnan mo kung paano niya itrato ng mga empleyado. Akala mo reyna! Siguro VIP ‘yan dito?” bulong pa ng isa pang babae. 

Napangiti siya. Kahit saan siya pumunta ay pinag-uusapan talaga siya. Pero ano bang magagawa niya kung sikat siya at marami ang naiinggit sa kaniya?

Nang makarating siya sa lugar na pagdarausan ng kanilang high school reunion ay marami na ang naroroon.

Habang naglalakad siya papasok ay isa lamang ang nakikita niyang ekspresyon sa mukha ng bawat isa: paghanga.

“Andrea, dito!”

Napalingon siya nang marinig ang pamilyar na tinig ng isa sa mga dati niyang kaklase. Si Blessie. Napangiti siya. Hindi pa rin kasi nagbabago si Blessie. Maingay pa rin ito.

Nang makalapit siya ay natawa siya sa reaksyon ng mga ito. Pawang laglag ang mga panga nito.

“Grabe, Andrea! Alam na naming maganda ka kasi madalas ka namin nakikita sa TV, pero may igaganda ka pa pala sa personal!” nakangiting papuri ni Aaron. Bakas ang matinding paghanga sa mga mata nito.

Advertisement

“Hoy, may asawa na ‘yan!” pabirong saway ni Blessie sa lalaki.

Umugong ang malakas na tawanan.

Nilibot niya ang tingin sa mga taong kasama niya sa mesa. Bahagya siyang nadismaya nang hindi niya makita ang hinahanap.

Subalit ilang saglit lang ay narinig niya na ulit na tumili si Blessie.

“OMG! Nandito na si Erica!” 

Napalingon silang lahat sa bagong dating. Si Erica Salvador, ang valedictorian ng batch nila.

Lihim na napangiti si Andrea. Iyon kasi ang araw na pinakahihintay niya. Ang muling paghaharap nila ni Erica. Nais niya kasing ipamukha rito na kahit ito ang nanguna sa batch nila noon, hindi naman ito ang pinaka-successful.

Isang matamis na ngiti ang pumaskil sa labi niya nang batiin niya ito. Nang sipatin niya ang suot nito, tumaas ang kilay niya nang makitang isang simple ngunit mamahaling bestida ang suot nito.

Advertisement

Nanlaki ang mata nito nang makita siya. “Andrea? Naku, ang ganda-ganda mo sa personal! Mamaya, hihingi ako ng autograph, ha? Paborito ka kasi ng anak ko!”

Ngumiti siya sa babae. “Oo naman. May dala akong ballpen. Kahit saan kasi ako pumunta, may fans ako,” pasimpleng pagyayabang niya.

“Sa ganda mo ba namang ‘yan? Hindi na ako magtataka,” nakangiting tugon nito bago umupo sa bakanteng upuan sa tabi niya.

Lihim siyang napaismid. Hindi pa rin ito nagbabago. Nagpapanggap pa rin itong mabait kaya naman gustong-gusto ito ng lahat.

Ilang sandali pa ay masaya na silang nagkukwentuhan. Matagal-tagal din bago siya nakakuha ng perpektong pagkakataon para magyabang sa mga dating kaklase.

“Grabe, ano? Si Andrea, naaalala ko noon, sikat na sikat. Kasi maganda na, matalino pa!” pagbabalik-tanaw ni Lance, isa rin sa mga kaklase niya noon.

“Akala nga namin, itutuloy mo ang pagiging abogado, Andrea. ‘Yun pala pinili mong mag-modelo,” komento naman ni Aaron.

Ngumiti siya. “Oo naman. Pero eto, naging successful naman. Marami akong proyekto bilang isang modelo, at mayaman ang asawa ko, so perpekto talaga ang buhay ko,” humahagikhik na tugon niya.

Advertisement

Nilingon niya si Erica. Nakita niya itong tahimik na nakikinig.

“Pero ‘wag na nga ako ang pag-usapan natin. Pag-usapan naman natin ang valedictorian natin. Hindi ba’t inaasahan ng lahat na siya ang magiging pinaka-successful. Ano’ng nangyari, Erica? Anong feeling na mas malayo ang narating ko sa’yo?” natatawang tanong niya sa dating kaklase. 

Nakita niya ang gulat sa mukha ng mga kaklase. Halatang hindi inaasahan ng mga ito ang patutsada niya.

Nang lingunin niya sa Erica, nagtaka siya nang imbes na mapahiya ay ngumiti ito. Bago pa ito makapagsalita ay narinig niya na ang malakas na boses ni Blessie.

“Naku, Andrea! Hindi po pala alam? Si Erica ang nagmamay-ari ng hotel na ito. Kaya nga dito ginanap ‘yung reunion natin eh. Libre lahat, pagkain, alak, wala tayo kahit isang sentimong binayaran,” buong pagmamalaking kwento ni Blessie. 

Pakiramdam niya ay namula ang buong mukha niya sa labis na pagkapahiya. Hindi siya nakakasama kapag lumalabas ang mga ito, kaya hindi niya alam!

“Sa akin ang buong hotel na ito, Andrea. Sa akin, at hindi sa asawa ko,” dagdag pa ni Erica, kaya lalo siyang napahiya.

“Naku, ‘wag na tayong magkumpara ng mga naabot natin sa buhay dahil baka mangulelat ako! Maging masaya na lang tayo sa mga naabot ng bawat isa,” pabirong payo ni Blessie, na sinang-ayunan naman ng marami.

Advertisement

Sa sobrang pagkapahiya ni Andrea ay nanatili siyang tahimik hanggang sa matapos ang reunion. Sa kabutihang palad ay wala na rin namang nagbukas pa ng usaping iyon.

Habang sakay ng kaniyang magarang sasakyan pauwi ay maraming napagtanto si Andrea. Matagal niyang ginusto na matalo si Erica sa lahat ng bagay. Ngunit hindi siya kailanman nagtagumpay.

Naisip niya na marahil ay hindi naman talaga kompetisyon ang buhay. Kailangan lang natin na makuntento at hindi magkumpara para maging tunay na maligaya.