
Isang Mayamang Matanda ang Nasilo ng Dalaga; Iyon na nga ba ang Simula ng Kaniyang Pagbubuhay-Reyna?
Suot ang pinakaseksi niyang damit ay sumayaw si Sabrina sa malakas na tugtog sa bar. Habang sumasayaw ay abala ang mata niya sa paghahanap ng masisilo niya nang gabing iyon.
Sa isang sulok ay namataan niya ang isang lalaki na mag-isang umiinom. May-edad na ito, palagay niya ay lampas sisenta na ang edad nito, ngunit hindi nakaligtas sa paningin niya na balot na balot ito ng mga nagkakapalang ginto.
Mukha itong mapera kaya naman hindi siya nag-atubiling lapitan ito.
“Sir, alak pa,” nakangiting alok niya sa lalaki. Sa kaniyang labi ay nakapaskil ang isang mapang-akit na ngiti.
Ngumiti ito bago kinuha ang iniaabot niyang beer.
“Bakit mag-isa ka lang?” usisa niya nang maupo siya sa tapat nito.
“Nagpapaantok lang bago umuwi sa bahay,” simpleng sagot nito.
Sumulyap siya sa suot na relong pambisig. “Ala-una na. Baka mayari ka na kay kumander,” aniya sa matanda.
Isang malagkit na tingin ang ibinato nito sa kaniya bago sumagot. “Wala. Walang kumander,” sabi naman nito bago kumindat.
Isang nang-aakit na ngiti ang isinukli niya sa matanda. Mukhang naghahanap din ito ng makakasama para sa gabing iyon.
Ilang beer pa ang pinagtulungan nilang ubusin bago sila magkahawak kamay na lumabas ng bar upang tumungo sa bahay ng matanda.
Kinabukasan, nagulat siya ng imbes na paalisin siya ay may inialok sa kaniya ang matandang si Gilbert.
“Dito ka na muna sa akin. Ibibigay ko ang lahat ng gusto mo,” alok nito.
Hindi naman siya t*nga para tumanggi pa. Kay Gilbert, sigurado na tuloy-tuloy ang kita niya, at ibibigay nito ang lahat ng nais niya.
Nang mga sumunod na araw ay walang pagsidlan ang saya ni Sabrina. Pakiramdam kasi niya ay naka-jackpot siya kay Gilbert. Sobrang galante nito, at halos araw-araw kung bilhan siya nito ng mga mamahaling bag, sapatos, alahas, at kung ano-ano pa.
Mabait din ito sa kaniya at itinuturing siya nang maayos.
Ang nag-iisang maipipintas lang siguro niya sa lalaki ay ang pagiging lulong nito sa alak at sugal. Nang minsang sabihan niya ito ay nagalit pa ito. Naalala niya pa ang naging sagot ng lalaki.
“Pera ko naman ang nilulustay ko, bakit ba?”
Mula noon ay hindi na siya nagsalita pa. Totoo naman ang sinabi ng lalaki sa kaniya, pera niya ang nilulustay niya.
Ilang buwan din sila naging magkasintahan ni Gilbert bago siya nito ginulat at niyayang magpakasal.
Hindi man niya mahal ang lalaki ay pumayag siya. Gusto niya rin kasi makaranas ng bonggang kasal.
Isa pa, kung mamamat*y man ang matanda ay sa kaniya mapupunta ang kayamanan nito! Hindi niya tuloy maiwasan na hilinging mawala na ang matanda para siya naman makapagpasasa na siya sa anumang maiiwan nito.
Hindi naman nagtagal ay natupad ang hiling niya. Isang araw ay biglang hindi na lang nagising si Gilbert mula sa pagkakahimbing.
Bahagya siyang nalungkot sa pagkawala ng asawa, ngunit hindi niya maitatanggi na masaya siya sa nangyari.
Inggit na inggit ang mga kaibigan niya sa naging kapalaran niya.
“Grabe ‘tong bahay mo, mansyon! Jackpot ka talaga sa matanda na ‘yun, Sab!” nalululang komento ng mga ito nang minsan siyang magyaya sa bahay niya.
Akala niya ay iyon na ang simula ng pagbubuhay reyna niya ngunit maling-mali siya.
Nagising siya mula sa malalakas na kalabog mula sa ibabang bahagi ng bahay. Kinabahan siya nang marinig na tila may mga nag-uusap sa ibabang bahagi ng bahay.
Pupungas-pungas siyang sumilip sa bintana at nanlaki ang mata niya nang makitang may iilang kalalakihan ang inilalabas ang mga gamit sa loob ng bahay at isinasakay ang mga iyon sa isang malaking truck.
Dali-dali siyang bumaba.
“Hoy, hoy! Anong ginagawa niyo rito? Sino kayo at paano kayo nakapasok sa bahay ko? Hindi niyo ba alam na trespassing ito at maaari ko kayong kasuhan?” galit na talak niya sa mga tao sa ibaba.
Isang lalaki ang lumapit sa kaniya. May hawak itong mga dokumento.
“Ma’am, taga-bangko po kami. Kolateral ho ang bahay na ito, at dahil hindi namin natanggap ang bayad mula kay Sir Gilbert, kami na ho ang nagmamay-ari ng bahay.”
Natulala siya sa sinabi ng lalaki. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na mangyayari iyon. Wala naman kasing nabanggit ang asawa niya!
Hindi pa pala doon natatapos ang lahat. Lahat pala ng pagmamay-ari ni Gilbert ay nakasangla na sa bangko. Kasama ang mga lupa, sasakyan, at maging ang kompanya na pinamamahalaan nito!
Dahil sa pagkalulong nito sa sugal ay milyon-milyon na pala ang nautang nito sa bangko!
Sa huli ay nasimot din ang ari-arian na naiwan ni Gilbert. May ilang daang libo pa na natira na kailangan niyang bayaran bilang asawa ng matandang yumao. Patuloy raw na lolobo ang interes noon kung hindi siya makakabayad.
Kaya naman halos magkandakuba si Sabrina sa pagkayod makabayad lang.
Labis ang pagsisisi niya. Ang inakala niyang magsasalba sa kaniya sa kahirapan ay dinagdagan lamang ang mga utang niya. Naisip niya na marahil ay iyon ang karma niya dahil sa pagiging ganid at mukhang pera!