Inday TrendingInday Trending
Sinira Niya ang Relasyon ng Kapatid at ng Nobyo Nito; Ngunit Makuha nga Kaya Niya ang Nais ng Maitim Niyang Puso?

Sinira Niya ang Relasyon ng Kapatid at ng Nobyo Nito; Ngunit Makuha nga Kaya Niya ang Nais ng Maitim Niyang Puso?

Lihim na napangiti si Celine nang umuwi ang kakambal niya na namamaga ang mata mula sa pag-iyak. Sigurado siya na dahil iyon sa mga litrato na ipinadala niya sa nobyo nito.

Agad siyang nag-usisa sa kapatid.

“Krista, anong nangyari?” kunwari ay nag-aalalang tanong niya sa kapatid bago niya ito niyakap.

Pinahid nito ang luha bago utal-utal na sumagot.

“Ate, nakipaghiwalay sa’kin si Neil.”

Nagkunwari siyang nagulat sa sinabi nito.

“Ano? Hindi ba’t mahal na mahal niyo ang isa’t isa? Anong nangyari?”

Umiiyak itong nagkwento. “Mayroon daw nagpadala sa kaniya ng mga litrato na magkayakap kami ni Arman. Pero alam niyo naman na kababata ko lang si Arman, hindi ba? Niyakap ko lang siya dahil umiiyak siya dahil naghiwalay sila ng girlfriend niya. Akala ni Neil ay niloloko ko siya!”

Hinaplos niya ang likod nito.

“Kung hindi siya naniniwala sa kahit na anong paliwanag mo, hindi siya nararapat sa pagmamahal mo, Krista. Kalimutan mo na si Neil,” payo niya sa kapatid.

“Sa tingin mo, Ate? Gusto kong paliwanagan si Neil, eh. Ayoko naman na sa ganito lang kami magtapos, ang tagal-tagal na namin,” anito.

“Pero hindi siya nakinig, ‘di ba? Wala siyang tiwala sa’yo. ‘Yan nga, ang tagal-tagal niyo na, pero hindi niya pa rin alam na hindi mo siya kayang lokohin?” patuloy na panunulsol niya sa kapatid.

Tila nakuha naman nito ang punto niya. Bumakas ang tampo at galit sa magandang mukha ni Krista.

“Tama ka, Ate. May iba pa nga na nakahihigit sa kaniya. Iyong pagkakatiwalaan ako nang buong-buo, at hindi basta-basta maniniwala sa kung sino-sino!” matapang na pahayag nito.

Kaya naman nang mga sumunod na araw, kahit na anong pagmamakaawa ni Neil na makausap si Krista ay hindi ito nagpatinag.

Tila may galit na tumanim na sa puso nito.

Isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Neil. Nais daw siya nitong makausap siya ukol sa sitwasyon nito at ni Krista. Walang pagdadalawang-isip siyang pumayag.

“Celine, tulungan mo naman ako na makausap ang kapatid mo. Nabulag ako ng galit noong nakipaghiwalay ako sa kaniya. Nagsisisi na ako na hindi ako nakinig. Napagtanto ko kasi na hindi ako lolokohin ni Krista. Gusto kong makipagbalikan sa kaniya,” malungkot na pakiusap nito.

Hinawakan niya ang kamay ng lalaki bago nagsalita.

“Pero Neil, hindi mo pa ba alam? Si Krista at Arman na. Noong araw pa na naghiwalay kayo,” pagsisinungaling niya.

Agad na bumakas ang galit sa mukha ng lalaki. “Kaya siguro ayaw niya akong kausapin. Grabe ang kapatid mo! Hindi ko inakala na lolokohin niya ako nang ganito!” galit na bulalas nito.

Doon niya na sinimulan ang plano na mas mapalapit sa lalaki. Habang matindi ang galit nito sa dating nobya ay siniguro niya na parati siyang nasa tabi nito.

Si Krista naman ay tila binalot na sa yelo ang puso nito dahil hindi na ito muli pang nagtanong tungkol sa dating nobyo. Mukhang dinibdib talaga nito ang kawalan ng tiwala ni Neil, bagay na pumabor naman sa maitim na plano ni Celine.

Makalipas ang ilang taon ay nagbunga ang lahat ng paghihirap ni Celine nang marinig niya mula kay Neil ang isang tanong na matagal niya nang ninanais marinig.

“Salamat dahil hindi ka umalis sa tabi ko. Pwede ba kitang maging girlfriend?”

Napaluha si Celine. Sa wakas, natupad na ang matagal niya nang pinapangarap! Ang mapasakanya si Neil. Inilihim niya muna mula kay Krista ang relasyon nila.

Matapos ang ilang buwan nila bilang magkasintahan ay nagdesisyon sila na magpakasal. Gaya ng inaasahan niya, sobra ang pagtanggi ng kapatid niya nang sabihin niya rito ang plano nila ni Neil.

“Ate, bakit ka magpapakasal diyan? Nababaliw ka na ba? Nakalimutan mo na ba ang ginawa niyan sa akin?” sigaw nito habang matalas ang tingin nito kay Neil.

“Ano bang ginawa ko sa’yo? Ikaw naman ang nagloko sa atin!” ganting patutsada naman ng lalaki.

Bago pa lumala ang ayaw ng dalawa ay pumagitna na siya.

“Kailangan niyo nang magkasundo. Magiging magkapamilya na kayo. Ayusin niyo na ‘yang away niyo!” payo niya sa dalawa.

Bagaman may bahagyang takot si Celine na malaman ng dalawa ang ginawa niya, naniniwala siya na mapapatawad siya ni Neil dahil siya na ang mahal nito.

Ilang buwan din ang ginugol nila sa paghahanda para sa kasal. Natuwa naman siya dahil kahit papaano ay natigil na ang pagiging aso’t pusa nina Krista at Neil.

Sa araw ng kasal ay walang pagsidlan ang tuwa sa puso ni Krista. Sa wakas ay makakasama niya na habambuhay ang pinakamamahal!

Magandang-maganda siya sa suot niyang wedding dress. Hinihintay niya na lang na tawagin siya ng kaniyang wedding coordinator.

Subalit ilang sandali na siyang naghihintay ay wala pa ring dumarating para tawagin siya, gayong ilang minuto na lang at magsisimula na ang seremonya.

Nagtatakang lumabas siya para makibalita.

At tila gumuho ang mundo niya nang aksidente niyang marinig ang pag-uusap ng kaniyang ama at ina.

“Paanong umalis si Neil kasama si Krista? Eh si Celine ang papakasalan niya?” galit na sigaw ng tatay niya.

“Hindi ko alam! Nag-usap lang sila sa sandali sa likod ng simbahan, tapos biglang nawala!” problemadong utas ng kaniyang ina.

“May nakarinig ng pag-uusap nung dalawa. Si Celine daw ang sumira ng relasyon noon ni Neil at Krista,” naiiling na paglalahad ng kaniyang ama.

Tila nanghina siya sa narinig. Tumulo ang luha mula sa mga mata niya.

Noon tumunog ang cellphone niya. Mula kay Neil ang mensahe.

“Alam ko na ang ginawa mo. Hindi ko kayang magpakasal sa babaeng sumira sa relasyon namin ng unang babaeng minahal ko. Sorry, Celine, pero si Krista ang pinipili ko.”

Narinig niya ang bulungan ng mga bisita.

“Iniwan ng mapapangasawa kasi inagaw niya lang pala sa kapatid niya ang lalaki.”

Grabeng kahihiyan ang naramdaman ni Celine habang papalabas ng simbahan. Pinagtitinginan siya ng mga bisita habang lumalabas siya nang umiiyak.

“Wala tayong magagawa, anak. Kailangan mong pagbayaran ang bunga ng mga naging desisyon mo noon. Wala namang lihim na hindi nabubunyag. Mas mabuti na na nalaman ni Neil ang totoo bago siya matali sa’yo,” seryosong pahayag ng kaniyang ama.

Wala siyang magawa kundi ang lumuha. Akala niya ay mapapatawad siya ni Neil kung sakaling malaman nito ang totoo.

Ngunit mukhang hindi pa nito tuluyang nakakalimutan ang kapatid niya. Ang pag-ibig na sapilitan niyang inagaw ay walang kahirap-hirap nitong naagaw pabalik mula sa kaniya.

At wala siyang ibang dapat sisihin kundi ang puso niyang ganid sa pagmamahal na hindi naman para sa kaniya!

Advertisement