Inday TrendingInday Trending
Iniiwasan ng Magkumare ang Isa Nilang Kaibigan Dahil Buraot Daw Ito; Nakalulungkot Pala ang Tunay na Kalagayan Nito

Iniiwasan ng Magkumare ang Isa Nilang Kaibigan Dahil Buraot Daw Ito; Nakalulungkot Pala ang Tunay na Kalagayan Nito

“Marse, mukhang magiging bongga ang ika-labing walong kaarawan ng anak mong si Perlyn, a! Pagkakita ko pa lang ng imbitasyon ay napa-wow na ako!” sambit ni Letty sa kaniyang kaibigang si Thelma.“Talagang pinag-ipunan namin ng kumpareng Jun mo ang pagdiriwang ng debut ni Perlyn. Siyempre iisa lang ang anak namin kaya dapat ay maibigay ang lahat sa kaniya. Kaya huwag mong kalimutang pumunta sa katapusan, marse. Aasahan talaga kita d’yan!” sambit naman ni Thelma.

“Aba’y, pupunta talaga ako. Sa katunayan nga ay papunta na ako sa mall ngayon dahil bibili ako ng isusuot ko sa party. E, syempre, hindi naman tayo papakabog!” natatawang sagot naman ni Letty.

“Siya nga pala, marse, baka p’wedeng sa atin-atin na lang muna ito. Inimbita ko naman ang iba nating ka-batch noong hayskul. Pero hindi ko na kasi inimbitahan si Josie. Alam mo naman kung ano ang ginawa niya sa kaaarawan ng asawa ng kumare naming si Nita. Aba’y, hiyang-hiyang daw sila sa bisita. Ang mali naman kasi d’yan kay Nita, may inaasahan pa palang bisita ay inalok na agad si Josie kung gusto raw magbalot,” kwento pa ni Thelma.

“Hindi naman kasi alam ni Thelma na gano’n talagang kagarapal itong si Josie. Hindi ba sinabi na rin sa atin ng ka-batch nating si Pido ‘yan! Nagpunta din sa handaan. Hindi nga kumain pero ‘sang damukal naman daw ang binalot. Hindi na lang niya mapigilan at nahihiya siya. Pero sana naman ay matutong makiramdam itong si Josie. Hindi pa nga niya nasasauli ‘yung nahiram niya sa aking lalagyanan,” wika naman ni Letty.

“A, basta, huwag n’yo na lang banggitin kay Josie na binigyan ko kayo ng imbitasyon. Baka kasi mabigyan pa ng kulay ang hindi ko pag-imbita sa kaniya. Imbis na nakatuon na lang kami sa pagsasaayos ng party ay baka may mang-intriga pa,” bilin ni Thelma sa kaibigan.

Nagsimulang magkaroon ng komunikasyon muli ang mga dating magkaklase nang magkaroon ng isang maliit na reunion ng mga magkakabatch sa hayskul.

Mula noon ay nasundan na nang nasundan ang mga pagkikita at salu-salong ito. Ngunit sa tuwing magtatagpo ang mga dating magkakaklase ay lagi nilang iniiwasang imbitahin si Josie. Hindi kasi maganda ang naiwan nitong repustasyon sa kanila. Nahihiya sila sapagkat hindi na nga ito maasahan sa pagbabayad sa ambagan ay nag-uuwi pa ito madalas ng pagkain.

Maging sa handaan. Halos ayaw na rin siyang kumbidahin dahil ayaw nila ang ugali nitong palaging nagbabalot ng handa.

Habang patungo sa mall si Letty ay nakasakay niya sa dyip itong si Josie.

“Mare, nandito ka pala! Saan ang tungo mo?” bati ni Josie kay Letty.

“W-wala naman, pupunta lang ako d’yan sa mall at may bibilhin lang ako,” tugon naman ng ginang.

“Tamang-tama, gusto mo ay samahan na kita? Sa mall din kasi ang tungo ko. May gusto lang akong tingnan,” wika muli ni Josie.

“Naku, baka maistorbo ka pa, mare. Ayos lang ako. Matagal kasi akong mag-isip ng mga bibilhin. Saka kikitain ko rin kasi ‘yung hipag ko. Baka mainip ka,” tugon pa ni Letty.

“Ayos lang sa akin, mare. Wala rin naman akong gagawin,” pagpupumilit ni Josie.

Ayaw man sanang makasama ni Letty si Josie sa pamimili dahil baka mamaya ay magtanong pa ito kung saan niya gagamitin ang mga bibilhin niya. Mariin pa namang pinagbilin ni Thelma na huwag babanggitin kay Josie ang tungkol sa debut ng anak nito.

Nang makarating ng mall ay hindi alam ni Letty ang gagawin para itaboy itong si Josie.

“Hindi ba sabi mo meron kang titingnan? Sige na at mauna ka na. Baka mamaya ay nakakaabala pa ako sa iyo,” wika pa ni Letty.

“Mauna ka na. Baka habang naghahanap ka ng bibilhin mo ay makita ko na rin ‘yung titingnan ko dito sa mall. Saan na ba tayo pupunta?” magiliw na tanong ng kaibigan.

“Titingin lang sana ako ng damit para sa ipangreregalo ng hipag ko,” maikling pahayag ni Letty.

Naiilang at hindi makakilos nang maayos itong si Letty. Ngunit hindi naman makahalata si Josie. Habang tumitingin ng damit ang ginang ay nagpaalam sa kaniya ang kaibigan.

“Mare, doon lang muna ako sa banda roon. Parang nakita ko na ‘yung hinahanap ko. Sandali lang at babalikan kita,” wika ni Josie.

Nang umalis si Josie ay mabilis na pumili ng damit itong si Letty. Hindi na niya ito sinukat pa. At agad na niya itong binayaran. Saka niya pinuntahan si Josie. Naabutan niya ang ginang na nakikipagtawaran sa sales lady.

“Ginang, hindi po ako ang magdedesisyon sa presyo. Tindera lang po ako dito. Kung ano po ang nakalagay ay ‘yan na po talaga ang halaga ng bawat bilihin dito,” paliwanag ng babae.

“Wala ba kayong mas mura nito? Napakamahal naman kasi! Sige na nga at hahanap na lang ako sa palengke. Grabe, parang ayaw niyong ibenta ang paninda dito sa ubod ng mahal!” malakas na sambit ni Josie.

Dahil nainis na ang sales lady ay hindi na rin nito naiwasan na magtaas ng boses sa ginang.

“Kung mura po kasi ang hanap n’yo, huwag po kayong pupunta ng mall. Hindi n’yo naman pala kayang bumili ay dito pa kayo naghahanap!” saad pa ng babae.

Hindi alam ni Letty ang gagawin. Hindi niya nais na awatin ang kaibigan dahil nahihiya siya sa inaasal nito. Kaya hinintay na lamang niya ito sa labas hanggang matapos ang pakikipagtalo nito sa sales lady.

Samantala, tinawagan niya si Thelma para sabihin ang nangyari.

“Nakakahiya talaga! Akala ko ay sa handaan lang nakakahiyang kasama si Josie pati pala sa mall! Kung alam mo lang nais ko nang lumubog sa kinatatayuan ko. Nais ko na siyang iwan!” kwento ni Letty sa kumare.

“Kaya ‘yung bilin ko sa’yo, a! Ayaw ko ng stress sa party ng anak ko kaya huwag mo siyang kumbidahin!” saad pa ni Thelma.

Ilang saglit lang ay nariyan na si Josie. Habang naglalakad sila ay kinukwento niya kay Letty ang nangyari.

Niyaya na lamang siya ni Letty na kumain sandali. Hindi man lamang ginalaw ni Josie ang kaniyang pagkain. Pinabalot na lamang niya ito. Nang matapos si Letty kumain ay nagulat siya sa ginawa ni Josie. Tiningnan nito ang ilang plato sa restawran at kinuha ang tirang mga pagkain. Hiyang hiya muli si Letty sa ginawa ng dating kaklase.

Sa buong panahon na magkasama sila ay walang inisip si Letty kung paano niya matatakasan itong si Josie. Bandang hapon ay napagdesisyunan na ang dalawa na umuwi na.

“Dumaan ka na muna sa amin para maibigay ko na sa’yo ‘yung hiniram kong lalagyanan. Pasensya ka na at nakakalimutan kong isauli,” wika ni Josie.

Upang tigilan na siya ni Josie ay agad nang pumayag si Letty. Pinipigilan ni Letty na makita ni Josie ang kaniyang pagkairita habang tinatahak nila ang daan patungo sa bahay nito. Hindi kasi kaaya-aya ang lugar kung nasaan ang bahay ni Josie. Sa katunayan ay hingi nang hingi ito ng pasensya habang sila ay naglalakad.

Malayu-layo pa sa bahay ngunit nariyan na ang mga aso ni Josie at masaya ang mga ito na sinalubong ang kanilang amo.

“May uwi ako sa inyo! Tara na at umuwi na tayo!” saad ni Josie.

Nang makarating sila sa patutunguhan ay nahabag agad si Letty nang makita ang bahay na tinitirhan ni Josie. Pinagtagpi-tagpi lamang itong lumang yero at kahoy. May lona rin na may mukha ng mga kandidato.

“Pasensya ka na, Letty, sa lugar namin. Sandali lang at kukunin ko ang lalagyanan na nahiram ko sa iyo. Tapos ay ihahatid kita sa labasan,” wika ni Josie.

Napansin ni Letty na bago hanapin ni Josie ang lalagyanan ay masayang masaya muna nitong inabot ang uwing pagkain sa kaniyang mga anak at pamangkin.

“Paghatihatian n’yo na muna ‘yan! Magpasalamat kayo sa Tita Letty n’yo at siya ang nagbigay niyan sa atin!” nakangiting sambit ni Josie.

Saka kinuha ni Josie sa kaniyang tukador ang lalagyanan ng pagkain na hiniram kay Letty.

“Pasensya ka na, Letty, at hindi ko kaagad naisauli. Sa katunayan niyan ay ginamit ko kasi noong nag-bertdey ang bunso ko. Para kasi disente man lang tingnan ang nabili kong pansit. Tara na at ihahatid na kita sa labasan para hindi ka na gabihin,” sambit muli ng ginang.

Kung ano ang pagkairita ni Letty noong papunta sila sa bahay ni Josie ay ganoon din ang pagkahabag niya habang siya naman ay pauwi.

“Nga pala, Josie, ano ba talaga ang hinahanap mo kanina sa mall at nakipagtalo ka pa sa sales lady?” pagtataka ni Letty.

“Nabalitaan ko kasi na magde-debut ang anak ni Thelma. E, alam ko mahilig ‘yun sa bag na kulay pink. Nais ko sana siyang bilhan kaso kulang ang ipon ko. ‘Di bale may isang Linggo pa naman ako para pag-ipunan ang bag. Babalikan ko ‘yun para hindi naman nakakahiya sa kumare natin,” pahayag ni Josie.

Nakaramdam ng hiya sa sarili itong si Letty. Hindi niya akalain kasi na mahirap pala ang buhay nitong si Josie. At ang matindi pa noon ay sa kabila ng hirap ng kaniyang buhay ay nais pa nitong bigyan ng magandang regalo ang anak ng kaibigan.

Pag-uwi sa bahay ni Letty ay agad niyang sinabi kay Thelma ang lahat ng nangyari. Maging si Thelma ay nahabag at nakonsensya sa pakikitungo nila kay Josie. Dahil doon ay nagpaabot ang ginang ng isang imbitasyon para kay Josie at sa pamilya nito.

Upang maiwasan na ang nakakahiyang pagbabalot ni Josie ng mga pagkain ay inunahan na ni Thelma na sabihan ang ginang.

“Pinagbalot na kita, Josie. Mamaya pagtapos ng party ay kunin mo. Sa ngayon ay mag-enjoy muna kayong mag-anak,” saad ni Thelma sa kaklase.

Kasama si Letty ay masayang nakipagdiwang sa kaarawan si Josie at ang kaniyang pamilya.

Ito na rin ang naging hudyat ng isang magandang pagkakaibigan, dahil ngayon ay mas naunawaan na nina Letty at Thelma ang tunay na kalagayan nitong si Josie.

Advertisement