Inday TrendingInday Trending
Ipinamukha ng Ginoo sa Misis ang Kawalan ng Kakayahan Nitong Magbigay ng Anak; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

Ipinamukha ng Ginoo sa Misis ang Kawalan ng Kakayahan Nitong Magbigay ng Anak; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

“Dalawang taon na kayong mag-asawa ni Princess, George, kailan n’yo ba balak na mag-anak? Huwag mo sabihin sa akin na hanggang ngayon ay ine-enjoy n’yo pa rin ang isa’t isa? Iba pa rin ang mayroong anak,” sambit ni Criselda sa kaniyang panganay na anak.

“Ma, hindi naman po kami nagmamadali ni Princess. Kung kailan ibibigay sa amin ng Diyos,” tugon naman ni George.

“Aba’y, dapat gumagawa rin kayo ng paraan nang sa gayon ay maisakatuparan ang pagkakaroon ko ng apo. Nagpatingin na ba kayo sa mga espesyalista? Baka mamaya ay isa na sa inyo ang may diperensya, hindi n’yo pa alam!” dagdag pa ng ginang.

“’Ma, huwag na po kayong maingay. Baka kasi marinig tayo ni Princess. Sa totoo po kasi niyan ay nagpatingin na kami sa doktor. Ang sabi po ay kailangan kasi ni Princess na magbawas ng timbang. Yun ang unang kailangan niyang gawin,” pabulong pang paliwanag ng ginoo.

“Ayun naman pala, e! Sabihan mo ang asawa mo na tigil-tigilan na kasi ang kakakain nang marami! Siya naman pala ang may mali kaya hindi kayo nagkakaanak! Sayang naman ang laki nitong bahay. Tingnan mo nga at ilang taon nang naging bodega ‘yung kwarto na nilaan n’yo para sa magiging anak n’yo,” patuloy sa pagsasalita ang ginang.

Ang hindi alam ng dalawa ay narinig lahat ni Princess ang pinag-uusapan nilang mag-ina. Hindi maiwasan na sumama ang kaniyang loob at maawa sa kaniyang sarili. Tiningnan niya ang kaniyang sarili sa salamin.

“Siguro nga ako ang mali dahil ang laki ng itinaba ko. Ibang-iba na ako kaysa sa dati. Bakit kasi ang iniinom kong gamot ay nakakataba,” sambit ni Princess sa sarili.

Alam din ni Princess na gustung-gusto na rin ng asawa niyang si George na magkaanak. Ngunit hindi niya ito mabigay. Naaawa siya sa kaniyang asawa sa tuwing nakakantiyawan ito ng mga kamag-anak niya.

Isang araw, habang nasa mall ang mag-asawa ay nakita nila ang isang kaibigan kasama ang mag-anak nito.

“’Musta, pare? Nandito rin ba kayo para mag-celebrate ng araw ng mga ama? Hindi na kami sasabay bukas dahil alam naming maraming tao,” bati ng kaibigan.

Nakita ni Princess ang hiya sa mukha ng kaniyang asawa. Dahil hindi ito makapagsalita ay si Princess na lamang ang sumagot.

“May bibilhin lang din kami. Sige, baka nakakaabala na rin kami sa inyo. Maligayang araw ng mga tatay sa iyo,” saad ni Princess sa kaibigan.

“Maligayang araw din ng mga tatay sa iyo, Pareng George,” bati naman ng ginoo.

Isang matipid na ngiti lamang ang sinagot ni George.

Pansamantalang katahimikan ang nangibabaw sa pagitan nina George at Princess.

“Ang sarap siguro maging tatay, ano? Inggit na inggit na ako sa mga kaibigan kong may mga anak na,” saad ni George sa asawa.

“P-pasensya ka na, mahal. Alam kong kasalanan ko kaya hindi pa tayo nagkakaanak. Hayaan mo at gagawin ko ang lahat para matupad ko ang pangarap mo. Maging ako rin naman ay gusto kong maging ina,” naluluhang saad ni Princess.

“Siguro sa isang araw na lang tayo mag-grocery. Nawalan na ako ng gana na magmall. Umuwi na tayo,” dagdag pa ni George.

Nakauwi ang dalawa nang hindi man lamang nag-uusap.

Labis-labis naman ang panalangin ni Princess na sana ay tuluyan na siyang magbuntis. Kahit na nasasaktan siya sa naging reaksyon ng kaniyang asawa ay nais pa rin niya itong maging masaya dahil mahal niya ito.

Kinabukasan ay hindi maganda ang pakiramdam ni Princess. Labis ang sakit ng kaniyang ulo at nahihilo rin siya.

“Hindi kaya? Kaso imposible naman dahil sinabi na ng doktor na mahihirapan daw akong magbuntis,” pagtataka ni Princess.

Ngunit kahit nagdadalawang-isip ay bumili pa rin siya ng pregnancy test kit upang makita kung tunay nga siyang buntis.

Gulat na gulat at lubos ang kaniyang saya nang makita ang dalawang guhit.

“B-buntis ako? Buntis ako!” napaluha si Princess sa galak.

Agad niyang tinawag si George upang sabihin ang magandang balita.

“Maligayang araw ng mga ama, mahal. Ganap ka nang isang tatay!” sambit ni Princess.

Sa mga panahon na iyon ay walang paglagyan ang kaligayahan ng dalawa. Agad din nila itong ipinaalam sa kani-kanilang mga pamilya. Tulad nila ay nag-uumapaw rin ang kaligayahan ng mga ito.

Ngunit pagdating ng tanghali ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan itong si Princess. Hanggang sa hindi na niya ito kaya. Lalapit sana siya sa kaniyang asawa ngunit bigla na lamang siyang nawalan ng malay at bumuwal.

“Princess! Princess! Gumising ka!” natatarantang sigaw ni George.

Agad niyang isinugod sa ospital ang asawa. Akala niya ay simpleng pagkawala ng malay lang ito dahil sa kaniyang pagbubuntis.

“Nasa labas ng matres ang bata at nilalaso na niya ang katawan ng asawa mo. Kailangan na siyang maoperahan agad kung hindi ay malalagay sa panganib ang kaniyang buhay at maaari niya itong ikawala. May tatanggalin tayong parte sa kaniyang matres. Nais ko lang ipaalam sa iyo na lalo kayong mahihirapan na magkaanak o baka hindi na talaga,” paliwanag ng doktor.

Sa pagkakataong ito ay kailangang magdesisyon agad ni George. Ang tindi ng pagnanais niyang magkaroon ng anak ay napangibabawan ng pagmamahal niya sa kaniyang asawa.

“Gawin n’yo na ang dapat gawin sa asawa ko basta mailigtas lang ang buhay niya,” wika ng ginoo.

Habang inooperahan si Princess ay nagpunta sa chapel ng ospital si George upang manalangin.

“Tatanggapin ko po ng buong-buo ang kapalaran na ibibigay N’yo sa amin, Panginoon. Iligtas Mo lang ang buhay ng asawa ko,” pagsusumamo pa nito.

Ilang oras pa ang nakalipas at naging matagumpay naman ang operasyon kay Princess. Dali-dali siyang pinuntahan ni George sa silid.

Nang makita siya ni Princess ay iyak ang ibinungad ng ginang.

“Mahal, patawarin mo ako baka hindi na matupad ang pangarap mo na magkaanak. Matatanggap ko kung hindi mo na ako kayang mahalin pa,” pagtangis ni Princess.

“Huwag kang humingi sa akin ng kapatawaran, mahal. Ang mahalaga na lang sa akin ngayon ay buhay ka. Patawarin mo ako sa mga nasabi ko sa’yo, Princess. Hindi ko dapat ipinamumukha sa iyo ang mga bagay na hindi mo kayang ibigay. Ngayon ay napagtanto ko na noong minahal kita ay dapat tanggap ko ang kabuuan mo. Patawarin mo ako!” umiiyak ding sambit ni George.

Dahil sa pangyayaring iyon ay mas lalong tumibay ang pagsasama ng dalawa. Lalong nanaig ang pagmamahalan nila sa isa’t isa.

At sa tuwing kinakantyawan si George dahil magpahanggang ngayon ay wala pa silang anak, ito lamang ang kaniyang sinasabi.

“Masaya ako sa kahit ano pang sitwasyon namin ng asawa ko. Talagang walang papantay sa saya ng pagkakaroon ng anak. Ngunit kuntento na ako sa ibibigay ng Panginoon sa amin. Gagamitin ko ang bawat sandali na kami palang dalawa para lalo kong maibigay ang pagmamahal ko sa kaniya nang buong-buo at walang kahati. Sa gayon, pagdating ng panahon na magkakaanak na kami ay magkatuwang namin silang bubusugin din ng aming pagmamahal,” wika ni George.

Advertisement