Inday TrendingInday Trending
Ipinagtabuyan ng Dalaga ang Binatang Matiyagang Nanliligaw sa Kaniya; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya Ito

Ipinagtabuyan ng Dalaga ang Binatang Matiyagang Nanliligaw sa Kaniya; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya Ito

“Rona, kawawa naman si Randy. Tingnan mo at parang asong susunud-sunod sa iyo lagi. Halos isang taon na ring nanliligaw sa iyo ‘yan, ‘di ba? Bakit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin sinasagot?” tanong ni Flora sa dalagang kaibigan.

“Hayaan mo nga siya, Flora. Ilang beses ko na kasing sinabi sa kaniya na hindi naman siya ang tipo kong lalaki, pero ayaw pa rin niya akong lubayan. Bahala siya kung gusto niyang pahirapan ang sarili niya pero wala siyang mapapala sa akin. Ni wala siya sa kalingkingan ng gusto kong lalaki,” sagot naman ni Rona.

“E, bakit hindi mo na lang sabihin sa kaniya nang diretso? Nakakaawa naman. Kung may lalaking kasing tiyaga ni Randy na manliligaw sa akin ay sasagutin ko na. Hindi madaling makahanap ng lalaking magmamahal sa iyo nang tapat!” dagdag pa ni Flora.

“Kung gusto mo ay ikaw na lang ang paligaw kay Randy! Kahit anong tiyaga niya ay hindi ko pa rin siya magugustuhan. Hindi ko aaksayahin ang ganda ko para lamang sa katulad niya. Ang pangarap ko ay makapangasawa ng isang foreigner. Nang sa gayon ay maging maganda ang lahi ng anak ko at may pag-asa pang dalhin niya kami sa ibang bansa, hindi ba? Kaya kahit ano pang gawin ni Randy ay hindi ko talaga siya magugustuhan,” mariing sambit muli ni Rona.

Lumipas pa ang mga araw at wala pa ring sawa sa panliligaw itong si Randy. Hanggang sa isang araw ay nakita na lamang niya si Rona na may kasamang isang dayuhang lalaki.

“Ano ang ginagawa mo rito, Randy? Hindi ba sinabi ko sa iyo na huwag ka nang aakyat ng ligaw dito sa bahay namin? Ilang beses ko rin bang sasabihin sa iyo na hindi ikaw ang tipo ko! Ito si Steven, siya na ang kasintahan ko kaya huwag ka nang makabalik-balik pa rito sa bahay namin!” pagmamalaki ni Rona.

“Ayos lang sa akin na ipagtabuyan mo ako, Rona, kasi tanggap ko naman na ako lang talaga ang namimilit na ligawan ka. Pero sana naman hinayaan mo rin munang makilala mo ang lalaking iyan. Hindi ko matanggap na basta ka na lamang nagkaroon ng kasintahan gayong kakakilala n’yo pa lang,” nalulungkot na sambit ni Randy.

“Hindi ko na kailangan pang mag-isip, Randy, dahil na kay Steven na ang lahat ng gusto ko. Sa totoo lang ay pinag-uusapan na namin ang pagpapakasal. Kasi dadalhin niya ako sa ibang bansa para doon na manirahan. Ikaw? Saan mo ako ititira? Dun sa pinagmamalaki mong lupa n’yo sa probinsya? Gagawin mo pa akong probinsyana! Hindi nababagay ang ganda ko ro’n!” natatawa pang pangungutya ni Rona sa binata.

Labis na nasaktan si Randy sa sinabing ito ni Rona. Ngunit wala siyang magawa dahil nakapili na ang dalaga ng lalaking kaniyang mamahalin.

Dahil sa habag ay kinausap naman ni Flora itong si Randy.

“Hayaan mo na si Rona, Randy. Marami pa namang babae riyan na p’wede kang mapaglaanan ng pag-ibig. Tulungan mo ang sarili mo para makabangon ka. Darating din ang babaeng tunay na para sa iyo,” saad ni Flora sa binata.

Lumipas ang panahon at nabalitaan na nga ni Randy na nabuntis na itong si Rona kahit hindi pa naikakasal. Minsan ay napapaaway pa nga ang binata dahil lagi niyang pinagtatanggol si Rona sa mga tsismosa sa kanilang lugar.

“Atat na atat na malahian ng ‘Kano kaya nagpabuntis na! Hindi na rin kasi makapaghintay na makapunta sa ibang bansa!” sambit ng isang kapitbahay.

“Tigilan n’yo na si Rona dahil buhay naman niya ‘yan! Nagmamahalan sila ng kasintahan niya at nasa tamang edad naman na siya para magdesisyon sa kaniyang sarili,” wika naman ni Randy.

“Hanggang ngayon ba ay hindi ka pa rin nakakalimot sa pag-ibig mo kay Rona gayong hindi ka naman pinagtuunan ng pansin. Pinagtatanggol mo pa ang malanding babaeng iyan! Lalo kang nagiging katawa-tawa sa mukha namin. Akala mo ba ay mamahalin ka niya kapag ginawa mo ‘yan? Gumising ka sa katotohanan, Randy!” nagtatawanang sambit ng mga ginang.

Agad namang umawat si Flora nang makita niya si Randy na nakikipag-away sa mga matatandang kababaihan.

Nang malaman naman ni Rona ang pagtatanggol na ginagawa nI Randy sa kaniya ay nagalit pa ito.

“Tantanan mo na kasi ako para tanatanan na rin ako ng intriga. Ikaw ang malas sa buhay ko, Randy. Kung talagang may pagtingin ka sa akin ay layuan mo na ako at huwag nang gambalain! Ayoko nang maugnay sa iyo!” sambit ni Rona sa kaawa-awang binata.

Sa puntong ito ay parang natauhan na talaga si Randy. Napapatanong na rin siya kung bakit ba si Rona pa ang kaniyang minahal gayong masama naman ang ugali nito.

Nagdaan ang mga buwan at tuluyan nang hindi nagpakita pa si Randy kay Rona. Kahit na mabalitaan ng binata na ikakasal na ito sa banyagang kasintahan ay wala na siyang nararamdaman.

Hanggang sa isang araw ay pumutok ang balitang iniwan daw ni Steven itong si Rona. Umuwi na ito sa ibang bansa at hindi na nakikipagkomunikasyon sa dalaga. Ni hindi ito sumipot sa araw ng kanilang kasal.

Labis na nasaktan si Rona sapagkat iniwanan lamang siya ng responsibilidad ng kaniyang ipinagmamalaking kasintahan. Ginamit lamang siya nito at tuluyan nang tinaguan.

Ngayon ay wala nang tumayong ama pa sa kaniyang anak.

Naisip ni Rona na puntahan si Randy dahil napagtanto niyang tunay ang pag-ibig nito.

“Nanghihinayang ako na hindi kita pinagbigyan na ipakita ang pagmamahal mo sa akin. Sana ay hindi pa huli ang lahat para sa atin, Randy,” saad ni Rona.

Ngumiti lamang si Randy.

“May nagmamay-ari na ng puso ko, Rona. Patawarin mo ako ngunit ang puso ko ay hindi na para sa iyo. Si Flora na ang mahal ko at siya na ang babaeng gusto kong paglaanan ng pag-ibig at makasama sa aking kinabukasan. Sa isang buwan ay nakatakda na rin ang aming kasal. Maraming salamat sa iyo sapagkat kung hindi mo ipinamukha sa akin na hindi tayo nababagay ay hindi ko matatagpuan ang babaeng tunay na nakalaan para sa akin,” saad naman nI Randy.

Lubos ang panghihinayang at pagsisisi ni Rona dahil sa ginawa niya kay Randy. Hindi niya akalain na sa tayog ng kaniyang pangarap ay ganoon din ang kaniyang kababagsakan.

Ipinanganak ni Rona ang kaniyang anak na walang ama at mag-isa lamang niya itong binubuhay.

Samantala, namuhay naman si Randy at Flora na masagana at masaya sa probinsya kapiling ang kanilang mga anak.

Advertisement