Puro Laruan ang Pinapadala sa Eskwelahan ng Anak ng Babaeng Ito, Siya Pala ang Mag-uuwi ng Isang Katotohanan nang Sumugod Siya Roon

Puro Laruan ang Pinapadala sa Eskwelahan ng Anak ng Babaeng Ito, Siya Pala ang Mag-uuwi ng Isang Katotohanan nang Sumugod Siya Roon

HeartbreakingMysteryStories

“Galvin, bakit parang puro laruan yata ang dinadala mo ngayon sa eskwelahan? Baka naman pati sa school ay naglalaro ka? Anak, sabi ko naman sa’yo, bawal ang laruan doon kasi mag-aaral kayo roon,” nakatalikod na wika ni Pamela sa kaniyang anak habang abala pa rin siya sa trabaho.

“Mama, para po iyon sa donasyon sabi ni teacher kasi may fair kami. Isang laruan po para sa isang bata, kayo ayon, nagdala ako,” mabilis na sagot ng pitong taong gulang niyang anak.

“E bakit isang kahon ‘yung dala mo nung nakaraang araw? Sigurado ka bang ayaw mo na sa mga laruan na iyon? Baka naman pagdating ng isang araw ay magpapabili ka na naman sa akin. Sinasabi ko sa’yo, Galvin, iba na ang buhay natin ngayon, ako na lang ang nagtatrabaho,” wikang muli ng babae.

“Opo, mama,” maiksing sagot nito at pumasok na sa kwarto.

Halos anim na buwan pa lamang simula nang sumakabilang buhay ang asawa ni Pamela nang dahil sa sakit sa baga at simula noon ay bumaliktad na ang masagana nilang mundo. Bukod kasi sa mga bayarin sa pagpapagamot noon ng kaniyang mister ay marami rin silang naiwang utang at kung noon ay nasisingit pa ng babae ang mga laruan ng kaniyang anak ay ibang-iba na ngayon. Kaya naman palagi niyang pinagsasabihan na ingatan ang mga mamahalin niyang laruan dahil hindi na niya ito mabibili pa.

Hanggang sa napansin niyang parang araw-araw na lang yatang nagdadala ito ng mga laruan.

“Galvin, para saan naman ‘yang laruan na ‘yan ngayon? Ihatid kaya kita nang makausap ko rin si teacher baka naman niloloko mo na ako,” pansin muli ni Pamela sa kaniyang anak na papasok na ng eskwela.

“’Wag na mama, kasabay ko naman sina Miguel at saka malapit lang naman po ang eskwelahan para hindi ka na rin maistorbo po sa trabaho mo. Assignment po namin itong laruan, show and tell daw po sabi ni teacher,” paliwanag naman ni Galvin sa kaniya.

“O basta sabi ko naman sa’yo, hindi na kita mabibili ng bagong laruan ha! Sinasabi ko sa’yo, Galvin, mahal ang mga laruan mo kaya utang na loob, ingatan mo!” baling pa ni Pamela muli sa kaniyang anak.

Simula nang mawala ang kaniyang mister ay sa bahay na lamang nagtrabaho ang babae at swerte na lang daw niya dahil nakahanap siya ng trabaho na bumubuhay sa kanila ngayon at sinabayan niya rin ng iba’t ibang negosyo. Kaya naman pinapakisuyo na lamang niya ang paghatid at sundo sa kaniyang anak sa kanilang kapitbahay.

“Mareng Julia, salamat ulit sa pagsabay kay Galvin ha. Hulog ka talaga ng langit sa akin,” pasasalamat ni Pamela nang makabalik na ang kapitbahay nila.

“Wala ‘yun ito naman, sige na’t magtrabaho ka na,” ngiting sagot ni Julia sa kaniya.

“Nga pala, mare, matanong ko lang. Ano bang mayroon ngayon sa eskwelahan at bakit parang puro laruan yata ang dinadala ni Galvin, ano bang pa-activity ni teacher?” tanong ni Pamela sabay labas ng kaniyang sigarilyo.

“Ha? Wala naman, puro nga pa-drawing ngayon e hindi naman marunong ’yung anak ko, e ‘di ako pa rin lahat. Buti ‘yang si Galvin mo ay magaling mag-drawing,” sagot naman kaagad ni Julia sa kaniya. Napahinto naman sa paghithit si Pamela at napatango na lang kay Julia saka mabilis na uminit ang kaniyang ulo at dali-daling tiningnan ang kwarto ng kaniyang anak upang makita ang mga laruan nito. Katulad ng inaasahan ay kaunti na lang ang mga laruan ni Galvin at wala na ang mga mamahaling sasakyang laruan nito at mga dinosaur na noon ay inipon-ipon pa niya para makumpleto.

Dali-dali siyang nagbihis ay pinuntahan ang kaniyang anak sa eskwelahan. Hinintay niyang makalabas ito at kaagad niyang napansin na hindi ito sumabay kay Julia at mabilis na nagpaalam dahil may pupuntahan daw si Galvin.

“Hayaan mo na, mare, ako na ang bahala,” mabilis na wika ni Pamela sa babae at ngumiti.

“Saan ka nagpupunta, Galvin,”

Kitang-kita ng kaniyang mga mata kung ano ang ginawa ng kaniyang anak na siyang nagpahinto sa kaniyang paglalakad. Mabilis siyang nagtago nang mapansin niyang uuwi na ang bata. Maraming tanong sa kaniyang isipan kaya naman mabilis niyang pinigilan si Galvin at umupo sila sa isang tabi bago makarating sa kanilang bahay.

“’Ma, bakit nandito ka?” nanginginig na tanong ni Galvin sa kaniya.

“Anak, nakita ko ‘yung ginawa mo. Bakit nandoon ang mga laruan mo?” baling kagaad ni Pamela sa bata.

“Bakit ka nagsisinungaling sa akin?!” dagdag pa nito.

“’Ma,” nanginginig na sagot ni Galvin sa kaniya at pinilit ni Pamelang kumalma saka niya hinatak pauwi ang anak. Hindi niya muna inimikan ito ng ilang oras.

“’Ma, galit ka ba? Sorry po,” bulong ni Galvin sa kaniya.

“Hindi ako galit na nandoon ang mga laruan mo pero hindi ko maintindihan kung bakit pinamigay mo iyon e ang mamahal nun! Hindi ka man lang nagpaalam sa akin at isa pa, nagsinungaling ka,” paliwanag ni Pamela sa bata.

“Kasi alam ko pong hindi ka papayag na ipamigay ko kasi sasabihin mo pong mahal at wala na tayong pera. Pero ‘ma, sorry po, hindi naman na po ako magpapabili sa inyo ng laruan, promise ko po ‘yun,” sagot ni Galvin sa kaniya.

“E bakit mo nga pinamigay?” tanong ng babae. Hindi kaagad sumagot si Galvin at inilabas niya ang kaniyang mga laruan.

“Nung buhay pa si papa palagi lang akong naglalaro ng mga ‘to, hindi ko man lang nakalaro si papa kasi mas gusto ko ito noon… kaso wala na siya. Ayaw ko nang makipaglaro sa mga toys mama, gusto ko sa’yo na lang kasi baka bukas mawala ka na lang din bigla. Hindi naman po ako makakabili ng mama sa tindahan. At saka para may laruan din po ‘yung mga bata sa palengke, wala na raw kasi silang magulang. Kaya ibinigay ko na po kasi ako may mama pa naman,” malungkot na sagot ni Galvin sa kaniya.

Napahinto si Pamela at kaagad na niyakap ang kaniyang anak. Ngayon niya napagtanto na hindi laruan ang nagpapasaya sa isang bata kung ‘di ang atensyon ng isang magulang at alam niya na nagkulang siya sa aspetong iyon ngayon. Buong akala niya ay ayos lang si Galvin dahil marami itong pinagkakaabalahan, maraming kaibigan, at maraming laruan ngunit hindi pala iyon ang nararamdaman ng kaniyang anak.

Kaya naman simula noon ay mas naglaan na siya ng oras at atensyon para sa bata. Binibili pa rin naman niya ito ng laruan paminsan-minsan ngunit palagi niyang sinisigurado na may oras siyang makipaglaro rito.

More Stories