Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng mga Dating Katrabaho ang Babae Dahil Tindera na Lang Ito ng Daing at Dilis; Laking Panlulumo Nila nang Malamang Mas Asensado pa Pala Ito Kaysa sa Kanila

Pinagtawanan ng mga Dating Katrabaho ang Babae Dahil Tindera na Lang Ito ng Daing at Dilis; Laking Panlulumo Nila nang Malamang Mas Asensado pa Pala Ito Kaysa sa Kanila

“Halina na mga suki, bili na kayo ng daing at dilis!” sigaw ni Beth sa mga taong namimili.

Pagtitinda ng daing na isda at dilis ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.

“Magandang miss! Bili na po kayo ng daing at dilis, murang-mura na, masarap pa, para mas lalo kayong gumanda!” hiyaw naman ng kanyang anak na si Lovely.

Masigla kung magtinda ang mag-ina kaya agad silang napapansin ng mga mamimili sa palengke.

“Nakakatuwa naman ang batang iyon,” wika ng isang ale.

“Oo nga, ang bibo! Tara, bili tayo ng daing at dilis!” yaya naman ng kasama nitong babae.

Bukod kina Beth ay may iba ring nagtitinda ng daing at dilis sa puwestong iyon…

“Bili na kayo ng daing at dilis!” sigaw naman ni Aling Thelma na isa rin sa mga tindera roon.

“Magkano ba ‘yang daing mo?” tanong ng isang matandang babaeng kustomer.

“Bakit, bibili ka ba?” tanong ni Aling Thelma sa babae. “Kung nagtatanong ka lang, eh makakaalis ka na!” masungit na sabi ng tindera.

Nagulat ang matanda sa sinabi ni Aling Thelma.

“Aba, ang suplada naman ng tinderang ito!” sambit ng kustomer saka nagmamadaling umalis sa puwesto ng tindera at lumipat sa puwesto nina Beth.

“Sa inyo, magkano ang isang kilo ng daig na isda?” tanong ng babae.

“Para sa inyo lola, eh murang-mura lang,” sagot ng anak ni Beth na si Lovely saka sinabi sa ale kung magkano ang isang kilo.

Ngunit nang bilangin ng ale ang pera sa pitaka ay nag-alala ito.

“Naku, maaari bang tumawad? Kasi’y kulang ng sampung piso ang pera kong pambili, eh,” sabi ng matanda.

“Sige po, kung magkano na lang po ang nasa inyo, ‘nay ay ‘yon na lang po ang ibayad niyo,” sabad ni Beth.

“Naku, maraming salamat, hija,” sagot ng kustomer.

“Walang anuman po. Sino pa po ba ang magtutulungan kung ‘di tayo rin,” tugon ni Beth sa matanda.

Kaya dinudumog ng mga mamimili ang puwesto nina Beth ay dahil sa maganda nilang pakikitungo sa kanilang mga kustomer.

Isang araw ay napadaan sa palengke ang mga dating katrabaho ni Beth sa dating pinapasukang kumpanya.

“Uy, Beth, ikaw ba ‘yan? Hindi ka namin nakilala!” sambit ni Celia.

“Nagtitinda ka na pala ng daing at dilis dito sa palengke?” gulat na tanong naman ni Melly.

“O, kayo pala! Tagal din nating hindi nagkita-kita, ah!” sagot ni Beth.

“Mula nang nag-resign ka sa opisina, eh, hindi ka na nagparamdam,” sabad ng dati niyang katrabaho na si Carmi.

“Hindi nga namin maintindihan kung bakit ka umalis sa kumpanya, ang laki pa naman ng suweldo mo roon,” sabi pa ni Celia.

“Gusto kong maiba naman ang trabaho ko kaya ako nag-resign,” tugon naman ni Beth. “Ang totoo’y ayokong madamay sa tiwaling gawain ninyo sa opisina,” saad pa niya sa isip.

Laganap kasi ang katiwalian sa pinapasukan niyang kumpanya noon. Malaki nga ang sahod ngunit gumagawa naman ng hindi maganda. Hindi kaya ng kanyang kunsensiya ang ganoong uri ng trabaho kaya siya umalis doon.

Maya-maya ay nagpaalam na ang mga dati niyang katrabaho.

“Sige, Beth, alis na kami. Kapag may oras ka ay magkita naman tayo at magkuwentuhan,” paalam ni Melly.

“Sige, ingat kayo!” aniya.

Nang makaalis ang mga babae ay biglang nagtanong ang asawa ni Beth.

“Sino ang mga ‘yon, honey?” tanong ni Abel.

“Sila ‘yung mga dati kong katrabaho sa opisina,” tugon niya.

Nang sumunod na araw ay ibinalita ng tatlong babae sa iba pa nilang kasama ang kalagayan ni Beth.

“Mantakin niyo, tindera na lang siya ng daing at dilis sa palengke,” natatawang sabi ni Celia.

“Oo nga, eh, pinagpalit ang malaking sahod dito sa opisina sa pagiging tindera lang,” sabad pa ni Melly.

“Kung nakita niyo ang hitsura niya, mukhang losyang at bilasang isda,” natatawang sabi naman ni Carmi.

“E, ‘di amoy daing at dilis na ang pobreng babaeng ‘yon?” hirit pa ng isa nilang ka-opisina.

Hagalpakan sa pagtawa ang mga hitad habang pinagkukuwentuhan ang pagtitinda ni Beth sa palengke samantalang sila ay malalaki ang sinasahod sa kumpanyang iyon.

Nang sumapit ang alas dose ng tanghali ay nagyaya na si Celia na kumain.

“Tara, doon tayo sa kinakainan namin ni Carmi! Masarap na ang luto, mura pa!”

“Saan banda ‘yan?” tanong ni Melly.

“Diyan lang sa likod ng opisina natin,” sagot ni Celia.

Agad nilang pinuntahan ang restawran na ibinibida ng babae.

“Wow! Pang executive ang dating, ah! Ang ganda ng ambience,” manghang sabi ni Melly.

“Ang daming tao at mukhang masasarap nga ang pagkain nila rito,” wika ng isa nilang kasama.

“Sabi na nga ba’t magugustuhan niyo rin dito, eh,” sabi naman ni Carmi.

‘Di nagtagal ay dumating na ang mga inorder nila.

“Ito na po ang order ninyo! Dinalhan ko na rin kayo ng mainit-init at masarap naming soup,” sambit ng waitress.

“Miss, puwedeng magtanong? Siguro ay executive ang may-ari nitong restaurant na ito ‘no?” tanong ni Celia.

“Hindi po. Simpleng tao lang po ang may-ari. Ang totoo’y pangatlong branch na ito ng restaurant na binuksan,” sagot ng waitress.

“Ganoon ba? Gusto sana naming makilala ang may-ari para batiin ng personal dahil bukod sa murang-mura ang mga pagkain dito, eh, mukhang masarap pa. At ang lugar, presentableng-presentable na para bang nasa mamahaling hotel kami kumakain,” sambit ni Carmi.

“Hayaan niyo, ipapakilala ko kayo sa kanya. Napakabait ng may-ari, tiyak na pauunlakan niya kayo. ‘Di ko pa siya kasi nakikita buhat kanina, malamang ay naglilibot pa sa iba pang branch,” tugon ng waitress.

“Sige, miss, salamat.”

Pagkatapos na kumain nina Celia ay tuwang-tuwa sila.

“Hayy, busog na busog ako. Ang sarap ng mga pagkain nila dito at kayang-kaya pa ng bulsa natin ‘di ba?”

“Talaga palang ayos dito. Dito na tayo kakain tuwing lunch time ha?” sagot ni Melly.

Palabas na sila ng restaurant nang makita nila si Beth kasama ang asawa nito’t anak na kumakain din sa pinakadulong mesa.

“Aba, Beth, narito ka rin pala at kasama mo pa ang pamilya mo!” gulat na sambit ni Carmi.

“Mabuti’t pinapasok ang amoy daing at dilis na gaya nila rito?” natatawang bulong ni Celia sa isip.

“Kayo pala! Dito rin kayo kumain?” gulat na sambit ni Beth nang makita ang mga dating kaopisina.

Ngunit maya-maya ay may isang babaeng parating na may kasamang security guard. Parang mayaman kung manamit at maganda ang babae.

“Tingnan niyo ‘yung babaeng parating, ‘yan siguro ang may-ari?” tanong ni Celia sa mga kasama.

“Palagay ko nga, mukhang mapera at magandang babae,” sabad naman ni Melly.

Nang bigla silang nilapitan ng waitress na nagsilbi sa kanila kanina.

“Excuse po, ‘di ba sabi ninyo na gusto ninyong makilala ang may-ari nitong restaurant? Ayan po siya, o!” wika ng babae sabay turo sa mesang malapit sa kanila.

“Ha? S-si B-Beth ang m-may-ari?!” nauutal na wika ni Celia.

“M-mas asensado pa pala siya kaysa sa atin!” hinang-hinang sabi ni Carmi.

Gulat na gulat ang magkakatrabaho sa kanilang natuklasan. ‘Di sila makapaniwala na kaharap na nila ang may-ari ng restaurant na gusto nilang makilala.

Nang biglang lumapit ang magandang babae at security guard sa mesa nina Beth.

“O, kumain na muna kayo rito. Saka niyo na dalhin ang kita natin sa bangko. Maaga pa naman, eh. Pagkatapos ay magpahinga muna kayo bago kayo umalis,” sabi ni Beth sa babaeng assistant pala niya at ang lalaki ay isa sa mga security guard ng restaurant na iyon.

“Thank you, ma’am!” sabay na sambit ng dalawang kausap.

Natulala at hindi na nakakilos pa ang mga dati niyang katrabaho sa sobrang pagkapahiya. Nalaman din nila na bukod sa restawran ay may malaking lupain din at palaisdaan ang mag-asawang Beth at Abel sa probinsya. Ang pagtitinda ng daing at dilis sa palengke ay libangan na lang ng mag-anak. Kilala rin ang mag-anak ni Beth sa pagiging matulungin sa kapwa dahil sa dami ng natulungan ng mga ito na magkaroon ng trabaho. Napagtanto nila na umasenso si Beth dahil sa kasipagan nito, mabuting pakikipagkapwa at pagpapahalaga sa marangal na gawain ‘di tulad nila na may malaking suweldo pero galing naman sa katiwalian na ginagawa nila sa pinagtatrabahuhang kumpanya.

Advertisement