Inday TrendingInday Trending
Masipag na Labandera ang Nanay na Ito; Matuwa Kaya Siya Kapag Sinabi ng Kaniyang Anak na Susundan Nito ang Yapak Niya?

Masipag na Labandera ang Nanay na Ito; Matuwa Kaya Siya Kapag Sinabi ng Kaniyang Anak na Susundan Nito ang Yapak Niya?

“Anak… bakit narito ka pa? Hindi ba’t 11:00 ng umaga ang klase ninyo?”

Sinita ni Aling Lourdes ang kaniyang anak na babaeng si Nitang, 7 taong gulang, na noon ay nagsasampay sa mga nilabhan niyang kobrekama. Si Aling Lourdes ang pinakamahusay na labandera sa kanilang barangay.

“Hindi pa po ako tapos ‘Nay sa pagsasampay,” tugon ng anak. Ito kasi ang kaniyang alalay sa pagsasampay, pagkukusot, paglalagay ng tubig sa batya, maging sa pag-aakas at pagdadala ng mga nalabhang damit sa mga may-ari nito.

“Hayaan mo na ‘yan. Ako nang bahala. Maligo’t pumasok ka na sa paaralan. Nagluto ako ng itlog, nasa mesa na’t nakatakip. Baka maunahan ka pa ni Muning.”

“Eh… ‘Nay… puwede bang lumiban na lang ako? Tutulungan na lang po kita sa paglalaba,” maya-maya’y sabi ni Nitang.

Napatigil sa paglalagay ng fabric conditioner si Aling Lourdes sa mga banlawin.

“May sakit ka ba?”

“Wala po…”

“Eh bakit ayaw mong pumasok?”

“Wala lang po…”

“Hoy Nitang, umayos ka nang sagot. Tinatamad ka ba?”

Napakamot sa ulo si Nitang. Hindi nakaligtas sa paningin ni Aling Lourdes ang mga tila butil-butil na nakakapit sa hibla ng mga buhok nito. Mga lisa. Mahilig kasing magbilad sa arawan ang anak. Hindi dahil sa paglalaro. Tinutulungan nga kasi siya sa kaniyang trabaho.

Wala naman kasing ibang tutulong sa kaniya. Nasaan ba ang asawa niya? Hayun, sumakabilang-bahay na at hindi niya alam kung saang bahay ba. Iniwan na sila. Wala nang pakialam sa kanila.

Kaya ipinangako ni Aling Lourdes sa sarili, hindi niya kailangan ang sinomang lalaki. Gagawin niya ang lahat upang mabuhay si Nitang. At alam niyang ang tanging makapagsasalba sa kaniya—ang paglalabada, na namana niya rin sa kaniyang ina, na namana nito sa kaniyang lola, na namana nito sa kanilang kanunu-nunuan.

At mukhang sa malas ay magiging kapalaran din ni Nitang.

Na ayaw niyang mangyari. Tama na.

“Huwag mo kong kakamut-kamutan mo riyan, Nitang, baka lagyan ko ng gaas iyang buhok mo para mawala ang mga lisa at kuto mo. Pumasok ka na.”

“Nay, maglalabandera na lang po ako.”

Bumagsak na palangganang stainless ang tumugon kay Nitang. Nabagsak ni Muning.

“Tigilan mo nga ako Nenita,” saad ni Aling Lourdes. Kapag nababanggit na niya ang buong pangalan ni Nitang, ibig sabihin ay galit na siya o seryoso na siya. “Huwag ka nang tumulad sa akin, ang kulit mo ha.”

“Bakit hindi po eh sabi ninyo marangal ang trabaho nang pagiging labandera? Sabi po ninyo mas mainam po kaysa magnakaw,” inosenteng tanong ni Nitang. “Saka gusto ko po kayong gayahin— si Lola, yung nanay ni Lola, yung nanay ng nanay ni Lola, yung…”

“Anak, tama ka naman. Marangal ang pagiging labandera. Pero may iba pa akong gustong maging ikaw balang araw.”

“Bakit po?”

Sasagot pa sana si Aling Lourdes ngunit naunahan siya ng isang ginang na rumerepeke ang boses. Si Mrs. Choi. Magaspang ang ugali nito. Hinagis nito sa mukha ni Aling Lourdes ang isa sa mga nilabhang damit nito.

“Hoy Lourdes, hindi mo man lang tiningnan, may dumi ng pusa itong damit! Kaya pala masangsang ang amoy! Ayusin mo nga ‘yan!” galit na galit na sabi nito. May mantsa nga. Palagay ni Aling Lourdes, dahil kay Muning.

“P-Pasensya na po, Mrs. Choi. Aayusin ko po,” naiiyak na sabi ni Aling Lourdes. Hindi niya maaaring patulan ang ginang. Isa ito sa mga masugid niyang customer. Isa pa, malaki ang utang niya rito. Siya ang nagbabayad sa inutang ng kaniyang walang silbi at walang kuwentang mister na iniwan na nga sila.

Nang makaalis si Mrs. Choi, nilapitan ni Nitang ang kaniyang nanay.

“Masama talaga ang ugali ni Mrs. Choi, Nanay! Bakit po kayo pumapayag na ginaganoon ka niya?” umiiyak si Nitang.

“Anak… ayos lang ako. Ngayon, alam mo na ngayon kung bakit ayaw kitang maging labandera gaya ko? Gusto ko makatapos ka ng pag-aaral at mangarap ka pa nang mataas. Walang masama sa pagiging labandera, pero mas marami ka pang puwedeng gawin at makamtan.”

Simula noon, hindi na nagpasaway si Nitang hinggil sa pagpasok sa paaralan. Tumimo sa isip at puso niya ang mga sinabi ng kaniyang nanay.

May bago siyang pangarap. Gagalingan niya sa paaralan.

Nagsumikap si Nitang. Hindi man siya pinalad na magkaroon ng gantimpala sa elementarya, bumawi naman siya sa hayskul. Class valedictorian. Kaya naman nagkaroon siya ng scholarship sa kolehiyo.

Kumuha siya ng Business Administration sa isang state university. Tinutulungan pa rin niya ang kaniyang nanay sa paglalabada. Matuling lumipas ang apat na taon. Nakatapos siya, nakapasa sa board exam, at nakahanap ng magandang trabahong may malaking suweldo, sapat upang makapag-ipon siya.

Makalipas ang dalawang taon…

“Sige ‘Nay, imulat mo na ang mga mata mo.”

Pagmulat nang malabo nang mga mata ni Aling Lourdes, nagulantang siya sa tumambad sa kaniyang mga mata. Isang laundry shop.

“Sa atin po ito, ‘Nay. Ito na po ang negosyo natin. Bukod sa sarili nating bahay, ito ang isa sa mga sopresa ko. Tutuparin ko pa rin ang pagiging labandera natin, mas sosyal at high-tech nga lang,” saad ni Nitang, na noon ay mayaman na.

“Maraming-maraming salamat anak ko, ipinagmamalaki kita!” naiiyak na pasasalamat ni Aling Lourdes sa kaniyang anak.

Naging masaya at maalwan ang pamumuhay ng mag-ina dahil sa trabaho ni Nitang at sa kanilang bagong negosyo, na dating tila imposible na gaya ng mga bulang nabubuo sa mga sabon, na bigla na lamang nawawala. Hindi naglaon, nagkaroon na rin ng sariling pamilya si Nitang.

Nawala mang parang bula ng sabon ang tradisyon ng kanilang pagiging labandera, babaunin naman ni Nitang ang mga bagay na itinuro nito sa kaniya kagaya ng pagiging matiyaga at masipag sa buhay upang maabot ang mga pangarap.

Advertisement