Inday TrendingInday Trending
May Kakaibang Ingay na Narinig ang Matandang Mag-asawa sa Labas ng Kanilang Tarangkahan; Ano Kaya ang Laman ng Plastik na Iyon?

May Kakaibang Ingay na Narinig ang Matandang Mag-asawa sa Labas ng Kanilang Tarangkahan; Ano Kaya ang Laman ng Plastik na Iyon?

Natitiyak ni Lolo Anselmo na iyak nang sanggol ang kaniyang naririnig.

“Nida, may kapitbahay ba tayong bagong panganak? Kanina ko pa naririnig na parang may umiiyak na sanggol,” saad ni Lolo Anselmo sa kaniyang kabiyak na si Lola Nida. Kasalukuyan silang kumakain ng hapunan sa komedor.

“Pagkakaalam ko’y wala naman. Alam mo namang may pagkabingi ako. May naririnig ka ba?” tanong ni Lola Nida sa asawa.

“Oo. Halika nga, tingnan natin sa labas.”

Hindi makapaniwala ang matandang mag-asawa. Paglabas nila sa tarangkahan, isang malaking plastik bag ang nakasabit dito. Kumakawag-kawag. Akala nila’y pusang o tuta. Pagtingin nila, isang malusog na sanggol na nababalutan ng puting lampin!

Napaantanda na lamang si Lola Nida.

“Susmaryosep, Selmo! Sinong walang pusong magulang ang mag-iiwan ng kaniyang anak sa ganitong kalagayan? Aba’y malamang na wala ring kaluluwa!”

Ipinasok ng mag-asawang matanda ang sanggol sa loob ng kanilang bahay. Naalala nila ang isa sa kanilang mga apo. Lahat ng mga anak nila, may sari-sarili nang mga pamilya. May mga apo na nga sila.

“Tama pala ang dinig ko. Sino nga kaya ang nag-iwan nitong sanggol? Hindi man lamang inilagay sa mas maayos na lalagyanan. Paano kung nasira ang plastik at nahulog ang sanggol na ito, tiyak na baldog ang ulo sa semento!” ani Lolo Anselmo.

Napagkayarian ng mag-asawa na pansamantalang alagaan muna ang sanggol, na pagkaamo-amo ng mukha, at nang kargahin ni Lola Nida ay tila ngumiti pa sa kaniya. Dahil tuyot na ang kaniyang dibdib, minabuti nilang gumawa ng am, sabaw mula sa sinaing ng kanin.

“Anong gagawin natin sa sanggol na ito?” tanong ni Lola Nida sa mister.

“Mabuti pa’y dalhin natin sa barangay, sila na ang bahalang magdala sa ampunan o DSWD,” pakli ni Lolo Anselmo.

“Parang hindi ko kaya… kawawa naman ang sanggol na ito. Alagaan na lamang natin? Tutal mukhang pinabayaan naman talaga ng kaniyang mga magulang. Palagay ko’y nadisgrasya ng kaniyang nobyo ang ina ng sanggol na ito, walang maipambuhay, kaya inabandona na lamang,” saad naman ni Lola Nida.

“Ikaw ang mag-aalaga sa sanggol, hane? Kaya mo pa ba?” tanong ni Lolo Anselmo.

Natawa naman si Lola Nida.

“Aba, walo ang naging anak natin, at lahat sila may mga apo na tayo. Isang dalubhasa itong kausap mo!”

Pinalipas muna ng mag-asawa ang isang linggo, nakiramdam sila kung may mga taong naghahanap ng sanggol, subalit nang wala naman, ipinasya na nilang alagaan ang naturang sanggol. Gabriel ang ipinangalan nila, kuha mula sa pangalan ng anghel. Gulat na gulat man ang kanilang mga anak, napapayag na rin nila ang mga ito na arugain si Gabriel, dahil wala na nga naman silang pinagkakaabalahan sa buhay. Isa pa, mainam na rin iyon upang may mapaglaanan ang kanilang natatanggap na buwanang pensyon.

Makalipas ang dalawang linggo, isang babaeng tantiya ni Lola Nida ay nasa 18 taong gulang, ang namasukan bilang kasambahay sa kanila. Mukha itong patpatin at sakitin.

“Naku ineng, hindi naman namin kailangan ng kasambahay. Malalakas pa kami,” saad ni Lolo Anselmo sa babae.

“Sige na ho… kailangang-kailangan ko lang ho,” pagmamakaawa ng babae sa kanila.

“Sige ineng… kaya mo bang mag-alaga ng sanggol?” tanong ni Lola Nida sa babae. Napamulagat naman si Lolo Anselmo dahil kontra ito sa kaniyang sinabi.

“O-Oo naman po,” bantulot na tugon ng babae.

Nakapasok bilang kasambahay ang babae na nagngangalang Cheche. Ang trabahong ibinigay sa kaniya ni Lola Nida ay maging yaya ni Gabriel.

“Akala ko ba kaya mong alagaan si Gabriel? Bakit kailangan mo pang kumuha ng yaya?” untag ni Lolo Anselmo sa asawa.

“Basta. Okay na rin iyan para hindi rin tayo masyadong mapagod. Alam ko namang sumasakit na ang mga tuhod mo sa rayuma, hindi mo na rin matagalang maghele ng bata,” pabirong sabi ni Lola Nida sa kaniyang mister.

At nagsimula na nga ang pag-aalaga ni Cheche kay Gabriel. Araw-araw, inoobserbahan ni Lola Nida ang paraan ng paghehele ni Cheche kay Gabriel.

Ang paghaplos nito sa maamong mukha ng sanggol…

Ang pagkanta-kanta niya ng oyayi kapag umiingit na ito…

Ang pagpapas*so niya rito kapag nagugutom na ito.

Isang araw, habang binabantayan ni Cheche ang sanggol sa kuna, hindi niya inasahan ang sasabihin ni Lola Nida.

“Cheche, bakit mo ginawa ang ginawa mo? Bakit mo inabandona si Gabriel?”

Nagulantang si Cheche sa tanong ni Lola Nida. Tatlong araw pa lamang siya sa paninilbihan dito.

“A-Ano pong ibig ninyong sabihin, Ma’am…”

“Ina rin ako, Cheche. Batay sa mga pagmamasid ko sa iyo, magkamukha kayo ni Gabriel. Batay sa paghawak at pag-aalaga mo sa kaniya, ikaw ang ina niya,” paliwanag ni Lola Nida.

“Matagal ko nang alam. Nang una kitang makita, sabi ng aking kutob, ikaw ang ina ng sanggol na inabandona. Kaya ka biglang namasukan dito dahil alam kong nais mo siyang makita. Kaya pumayag ako at tinanggap ka, kahit hindi naman kailangan.”

At napaiyak na nga si Cheche. Umamin na ito. Maagang nagmahal, nabuntis, at naiwan ng nobyo. Hindi siya pinanagutan. Hindi alam ni Cheche kung paano bubuhayin ang anak. Tuliro siya. Kaya naisip niyang ipaampon ito sa kanila. Walang espesyal na dahilan kung bakit sa tarangkahan ng kanilang bahay iniwan ang sanggol.

“Ito lang po ang tanging paraan na naisip ko para mabuhay ang anak ko, dahil kung hindi ko ginawa iyon, baka sa sobrang gulo ng utak ko ng mga panahong iyon, baka itinapon ko siya sa ilog. Dito, buhay siya at alam kong hindi pababayaan,” humahagulhol na paliwanag ni Cheche.

HInawakan ni Lola Nida ang balikat ni Cheche. Pinisil.

Pisil ng pagmamalasakit.

Pisil na umuunawa.

“Hindi mo dapat ginawa iyon. Walang kasalanan ang sanggol. Walang kasalanan si Gabriel. Pero nagawa mo na nga… at alam kong may layunin ang Panginoon kung bakit sa amin mo iniwan ang anak mo, at kung bakit nagtagpo tayo. Mabait pa rin ang Panginoon.”

Nagyakap sina Lola Nida at Cheche.

Kaya naman, minabuti na lamang nina Lolo Anselmo at Lola Nida na tuluyan nang kupkupin ang mag-ina sa kanilang poder bilang kasambahay, upang matulungan na rin si Cheche. Sila na rin ang sumagot sa pagpapabinyag ng bata, dahil napamahal na rin sa kanila ito, na para bang apo na rin nila.

Tuluyan na nga nilang sinustentuhan ang pag-aalaga, pag-aaral, at paglaki ni Gabriel kasama ang ina nitong si Cheche, na itinuring na rin nilang pamilya. Napagtanto ng mag-asawa na hindi mo kailangang maging kadugo ang isang tao para matawag siyang kapamilya.

Advertisement