Inday TrendingInday Trending
Nalaman ng Babaeng Ito na Buntis ang Kaniyang Matalik na Kaibigan; Mawindang Kaya Siya Kapag Nalaman Niya Kung Sino ang Ama?

Nalaman ng Babaeng Ito na Buntis ang Kaniyang Matalik na Kaibigan; Mawindang Kaya Siya Kapag Nalaman Niya Kung Sino ang Ama?

“Masuwerte ka kay Fidel, Aileen. Naiinggit ako sa iyo.”

Napangiti na lamang si Aileen sa kaniyang matalik na kaibigang si Yasmin. Matapos ang isang buwang pagkakapanganak ni Aileen sa anak nila ni Fidel na kaniyang live-in partner, dumalaw si Yasmin sa kanila.

“Oo naman. Mabait na kapareha si Fidel. Masuwerte rin naman siya sa akin dahil masipag naman ako sa mga gawaing-bahay, at sinusuportahan ko siya sa mga gusto niyang gawin,” tugon ni Aileen.

Tumatango naman si Yasmin. Napangiti rin. “Ingatan mo siyang maigi ha, baka mamaya, may umagaw sa kaniya.”

“Hay naku, subukan lang niyang magpaagaw sa iba, at baka mata lang niya ang walang latay!” pabirong banat naman ni Aileen.

Tamang-tama, parang inadya ng pagkakataon, dumating si Fidel mula sa trabaho. Nagitla ito nang makitang may bisita pala sila.

“Uy Love, si Yasmin, nandito pala, dinadalaw ako.”

Kung sumulyap lamang si Aileen sa mukha ni Fidel, makikita niya ang tila pamumutla nito nang makita si Yasmin. Mabuti na lamang at napaungot nang bahagya ang sanggol na kaniyang karga, habang pinadedede. Hindi rin nahagip ng kaniyang paningin ang mga mata ng matalik na kaibigan, na tila nagningning na bituin.

“H-Hello Fidel, long time no see ah, kumusta?” nangingiming tanong ni Yasmin kay Fidel. Dumiretso naman si Fidel sa tabi ng refrigerator. Binuksan ito. Kinuha ang pitsel ng malamig na tubig, gayundin ang basong nakalagay sa basuhan sa taas nito. Nagsalin ng malamig na tubig sa baso. Lumagok nang bahagya, bago tumugon.

“M-Mabuti naman. I-Ikaw kumusta ka na? Balita sa iyo?”

“Mabuti rin naman. Ito, buntis ako, dalawang buwan.”

Nagulantang si Aileen nang mabitiwan ni Fidel ang tangan-tangang baso. Kumalat sa sahig ang malamig na tubig.

“A-Ano’ng nangyari sa iyo, Fidel? Ayos ka lang ba? Buti na lang plastik ‘yang baso kundi dumami ‘yan? Gutom ka na ba?” urirat ni Aileen kay Fidel.

“W-Wala, nagulat lang ako sa ibinalita ni Yasmin. Congrats pala sa inyong dalawa ng nobyo mo, kung sino man siya,” nasabi na lamang ni Fidel. Hindi siya makatingin nang maayos kay Yasmin.

“Hay naku, hayop nga ‘yang boyfriend ni Yasmin, kung sino man siya! Tinakbuhan itong kaibigan ko, parang aso na humanap lang nang makakasta! At iyang nagbunga, heto, hindi na raw mahagilap. Mga iresponsableng lalaki!” gigil na kuwento ni Aileen kay Fidel.

“G-ganoon nga yata siguro… pero alam mo Aileen, mahal na mahal ko iyon, ‘yung ama ng ipinagbubuntis ko ngayon,” pahayag naman ni Yasmin.

“Naku, kalimutan mo na ‘yan kasi hindi niya deserve ang pagmamahal mo. Teka, maghahain na ako. Fidel, ikaw na muna ang magkarga kay baby, maghahain lang ako,” tawag ni Aileen kay Fidel, na noon ay nililinis na ang sahig na natapunan ng tubig.

Maingat na iniabot sa matitipunong bisig ni Fidel ang sanggol. Nagtungo si Aileen sa kusina. Naupo naman si Fidel habang kalong ang anak. Tinitigan ang maamong mukha nito. Himbing na himbing sa pagtulog.

“F-Fidel… anong gagawin ko…”

“Hindi ka na dapat nagpunta pa rito, Yasmin. Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na tapos na ang lahat sa atin? Walang tayo. Wala,” halos pabulong na saad ni Fidel kay Yasmin. Kabang-kaba siya. Palingon-lingon sa kaniyang likuran, dahil baka naroon lamang si Aileen at marinig sila.

“Oo, alam ko, malinaw sa akin na naghanap ka lang ng kalaro sa kama noong buntis si Aileen, at ako namang si t*nga, pumayag. Pero habang ginagawa natin ang mga bagay na iyon, unti-unti, nahulog na ang damdamin ko para sa iyo, Fidel.”

“Nahihibang ka na ba, Yasmin? At talagang nagpunta ka pa talaga rito para sabihin ang mga bagay na ‘yan? Paano kapag nalaman ito ni Aileen?”

“Nagpunta ako rito dahil ayaw kong makipagkita sa akin. Ayaw mong sagutin ang mga text, chat, at tawag ko sa iyo. Magkaka-baby na tayo. Pababayaan mo ba ako at ang anak natin?”

“Tumahimik ka… tumahimik ka… baka marinig ka ni Aileen. At anong gusto mong mangyari, iwanan ko ang mag-ina ko?” pabulong subalit madiin ang pagkakasabi ni Fidel.

Saglit na tumahimik si Yasmin.

“B-bakit hindi? Hindi naman kayo kasal. Mag-ina mo rin kami.”

“Ano? Ano’ng sinasabi mo, Yasmin?”

Napatda sina Fidel at Yasmin. Si Aileen. Nasa tabi na pala nila, hindi man lamang nila napansin. Masyadong marubdob ang kanilang pag-uusap. Napatayo si Fidel.

“H-Hayaan mo akong magpaliwanag, Aileen. Nagawa ko lang iyon dahil sa mga pangangailangan ko bilang lalaki. Nasabi ko nang pabiro kay Yasmin nang minsang magkita kami, na hindi ako makaiskor sa iyo dahil sa pagbubuntis mo. Pumayag naman siya. Pumayag siya dahil laro lamang ang lahat. Patawarin mo ako. Patawarin mo kami…”

Pakiramdam ni Aileen, binuhusan siya ng malamig na tubig. Pakiramdam niya, bumagsak ang langit sa kaniyang harapan.

“A-Aileen… patawarin mo kami…” bumalong na ang luha sa mga mata ni Yasmin.

“Ibigay mo sa akin ang bata, Fidel…” marahan ngunit madiing sabi ni Aileen.

“A-Aileen…”

“Ibigay mo sa akin ang bata!” sigaw ni Aileen.

Tarantang ibinigay ni Fidel ang anak sa mga bisig ng ina nito.

“Ngayon, lumayas na kayong dalawa sa bahay na ito. Layas! Mga taksil! Mga hayop!” nanggagalaiting taboy ni Aileen sa kaniyang taksil na nobyo at matalik na kaibigan.

“Walang hiya kayo… lalo ka na Yasmin. Para na kitang kapatid, pero ito pa ang gagawin mo sa akin? Anong klase kang kaibigan?” sumbat ni Aileen sa kaniyang matalik na kaibigan.

Walang nagawa sina Fidel at Yasmin. Naunang umalis si Yasmin. Si Fidel naman, hinakot ang kaniyang mga gamit. Nang makuha ang mga ito, gusto man niyang magpaliwanag ay wala na siyang mukhang ihaharap kay Aileen.

Pagkalabas na pagkalabas ni Fidel mula sa loob ng bahay, hindi na napigilan pa ni Aileen ang pagbuhos ng kaniyang emosyon.

Ipinasya niyang manatili muna sa kaniyang mga magulang. Kailangan din kasing may magbabantay sa kaniyang anak upang makapagtrabaho siya.

Makalipas ang isang linggo, laking-gulat ni Aileen nang makita niya sina Yasmin at Fidel na nag-aabang sa labas ng kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan.

“Ang kapal naman talaga ng pagmumukha ninyong dalawa para magpakita pa sa akin, at magkasama pa kayo?”

“Aileen… hayaan mo muna kaming magpaliwanag,” pagpapakumbabang sabi ni Yasmin. “Ako na ang magpapaliwanag. Patawarin mo ako, Aileen. Hindi totoong buntis ako. Nagsinungaling ako para makuha si Fidel. MInahal ko siya kaya pumayag ako sa gusto niyang mangyari. Hindi ko maaatim na masira ang relasyon ninyo…”

Hindi ibinigay ni Aileen ang kaniyang kapatawaran kay Yasmin. Tuluyang nasira ang kanilang pagkakaibigan. Simula ng kanilang pagkikita na iyon, hindi na sila nagkita pa, at hindi na ito nagpakita pa sa kaniya.

Samantala, pinagbigyan naman ni Aileen ang kaniyang live-in partner na si Fidel. Binigyan niya ito ng pangalawang pagkakataon, para sa kanilang anak. Alang-alang sa kanilang anak.

“Hayaan mo akong bumawi sa iyo at sa ating anak,” seryosong pangako ni Fidel.

Kaya nang nag-ayang magpakasal si Fidel, hindi na ito tinanggihan pa ni Aileen. At simula noon, hinding-hindi na nga nagloko pa si Fidel. Minahal niya nang lubusan si Aileen, at hindi lamang basta pagmamahal, kundi pinagtibay pa niya ang pagiging tapat sa kaniyang misis. Ipinangako niya sa kaniyang sariling hinding-hindi na niya ito sasaktan pa, kailanman.

Advertisement