Inday TrendingInday Trending
Halos Mawalan na ng Pag-asa ang Binata nang Siya’y Masisante; Senyales Mula sa Yumaong Ama ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-asa

Halos Mawalan na ng Pag-asa ang Binata nang Siya’y Masisante; Senyales Mula sa Yumaong Ama ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-asa

Nagkakasiyahan na naman ang mga lasenggo sa tapat ng tindahan ni Aling Kakay. Palibhasa, karamihan sa mga kalalakihan sa lugar na iyon ay pawang mga tambay at walang trabaho.

Hindi na alam ni Nelson kung kailan niya huling nakitang matino ang mga kapitbahay nilang ito at walang espirito ng alak sa katawan. Napapakamot na lang siya sa ulo habang pinagmamasdan niya sila mula sa bubungan ng kanilang bahay.

“Ayokong matulad sa kanila, Itay,” sambit niya habang nakatitig sa mga bituwin. Sa tuwing malulungkot kasi si Nelson ay palagi siyang pumupuwesto sa bubungan ng kanilang bahay upang malaya niyang mapagmasdan ang mga bituwin sa kalangitan, katulad ng palagi nilang ginagawa ng ama noong ito ay nabubuhay pa.

“Pero ano’ng gagawin ko, ’tay? Kanina lang po ay natanggal ako sa trabaho,” pagpapatuloy ni Nelson. Nalungkot ang kaniyang ekspresyon habang kinakausap ang yumaong ama sa pamamagitan ng mga bituwin bilang kanilang personal na mensahero. “Kinailangan kasing magbawas ng mga tao sa pabrika. Matumal na kasi ang bentahan ng mga laruan ngayong pandemya.”

Batid ni Nelson na malabo na niyang maipagpatuloy ang pag-aaral. Lalo pa ngayon na wala na siyang trabaho. Sa totoo lang ay hindi na niya alam kung saan pa siya kukuha ng ipambibili nila ng kaniyang ina ng pagkain at gamot na pang-maintenance nito sa high blood pressure. Namomroblema si Nelson.

Mabuti na nga lamang at may kaunti pa siyang makukuha sa pabrikang dati niyang pinagtrabahuhan. Ngunit hindi niya alam kung hanggang kailan lang tatagal iyon. Mahirap kasing makahanap ng trabaho, lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Itay, alam ko pong ginagabayan n’yo pa rin ako kahit wala na kayo rito sa tabi namin. Sana, tulungan n’yo po akong alamin kung ano ang dapat kong gawin,” muli ay pakiusap niya sa ama bago siya nagpasyang pumasok nang muli sa kanila upang matulog. Maaga pa kasi siyang aalis kinabukasan.

Nagtungo sa pabrikang dating pinagtatrabahuhan si Nelson upang kunin ang kaniyang back pay. Pagkagaling doon, agad siyang nagpa-print ng kaniyang resumé upang maghanap ng trabaho.

Tanghali na nang magpasya si Nelson na magpahinga muna saglit. Sa isang maliit na karinderya niya napiling kumain upang makatipid.

Matatapos na si Nelson sa pagkain nang may isang kotse ang bigla na lamang huminto sa kaniyang harapan. Hindi nagtagal ay lumabas mula roon ang isang lalaking nakasuot ng magara at mukhang mamahaling damit at mukhang namomroblema ito dahil nasiraan pala ito ng sasakyan.

“Boss, kailangan mo ba ng tulong?” tanong ni Nelson sa may-ari ng sasakyan. “Mekaniko ang tatay ko noon at may-ari kami ng talyer kaya marunong ako n’yan,” pag-iimporma pa niya sa lalaking may-ari ng naturang kotse.

“Ganoon ba? O sige, pare, pakiayos kung kaya. Male-late na kasi ako sa meeting ko, e.” Malugod namang tinulungan ni Nelson ang lalaki.

Mabilis lang na naayos ni Nelson ang sira ng sasakyan. Sanay na sanay pa rin siya kahit ilang taon nang sarado ang talyer nila ng ama.

“Salamat, pare. Ako nga pala si Micheal Garcia. Ito ang calling card ko. I am an entrepreneur. Tawagan mo lang ako kung sakaling ikaw naman ang mangailangan sa akin,” pasasalamat pa ng lalaki sa kaniya bago ito nagmamadaling umalis.

Dahil sa pangyayaring iyon ay isang ideya ang pumasok sa utak ni Nelson. Naisip niya, bakit nga ba hindi niya muling buksan ang talyer nila noon ng ama?

Maghapong laman ng utak ni Nelson ang tungkol sa bagay na iyon. Nag-isip siya ng iba’t ibang paraan upang makalikom siya ng perang maaari niyang ipangkapital sa negosyong balak niyang buksan.

Sa pag-iisip ni Nelson ay natabig niya ang bag niyang nakasabit sa dingding kaya naman nagkanda tapon ang laman n’yon. Dahil doon ay muli niyang nakita ang calling card na ibinigay sa kaniya ng lalaking tinulungan niya sa kotse nito!

Agad na tinawagan ni Nelson ang nagpakilalang Micheal Garcia. Sinabi niya rito ang plano niyang pagtatayo ng talyer at inalok itong maging business partner niya!

Walang kagatul-gatol na pumayag naman ang huli sa kaniyang alok, at dahil mayaman ito ay agad na nilang naumpisahan ang pagbubukas ng talyer.

Hindi akalain ni Nelson na magiging ganoon kabilis ang paglago ng kanilang negosyo. Naging maganda kasi ang pagtutulungan nila ni Micheal, dahil magaling ito sa stratehiya pagdating sa negosyo, habang siya naman ang sa manpower. Tila dininig ng kaniyang ama ang mga panalangin ni Nelson nang gabing iyon.

Ngayon ay hindi na niya kailangan pang mamroblemang baka matulad siya sa mga tambay na lasenggo sa tapat ng tindahan ni Aling Kikay. Iyon ay dahil sa kaniyang sipag at pagsusumikap.

Advertisement