Inday TrendingInday Trending
Tamad nang Magtrabaho ay Sugarol pa ang Lalaking Ito; Ano’ng Kahihinatnan ng Paghahanap Niya ng Pag-asa sa Sugal?

Tamad nang Magtrabaho ay Sugarol pa ang Lalaking Ito; Ano’ng Kahihinatnan ng Paghahanap Niya ng Pag-asa sa Sugal?

Mainit ang ulo ng amang si Mang Dencio, dahil talo na naman ang manok niya sa sabong. Talo na rin ang perang kinita niya nang isang linggong pagtatrabaho sa construction site.

Kinapa niya ang kaniyang bulsa. Wala na namang natirang pera doon kundi ang sampung pisong pamasahe niya pauwi. Siguradong lagot na naman siya sa kaniyang misis mamaya.

“Perwisyo ka talaga, Dencio! Lahat ng kinita mo’y ipinatalo mo na naman sa sugal!” Isang lumilipad na kawali ang sumalubong kay Mang Dencio sa kaniyang pag-uwi, kalakip ng maingay na panenermon ng kaniyang asawa. “Hindi mo man lang naisip na walang kakainin ang mga anak mo! Wala ka talagang utak!” dagdag pa nito ngunit hindi na gaanong maintindihan iyon ng lalaki dahil halos mahilo-hilo siya nang tamaan ng kawali sa noo.

“Aray ko, Carlota, ang sakit!” hiyaw naman ni Mang Dencio habang sapo ang kaniyang noo. “Sumusobra ka nang babae ka!”

“Aba’t ako pa ngyayon ang sumusobra, ha, Dencio?! Ang kapal talaga ng mukha mong bwisit ka! Naturingan kang lalaki pero talo pa kita kung maghanap buhay! Wala kang kwenta!” galit na galit pang sumbat ni Aling Carlota sa asawa.

Hindi na kumibo pa si Mang Dencio at pinabayaan na lamang na magbunganga ang asawa.

Kilalang manunugal si Mang Dencio. Ang totoo ay hindi lamang sabong ang kaniyang bisyo, kundi pati baraha, huweteng at kung anu-ano pa. Basta mabilisang pera ay gusto niyang patusin dahil tamad siyang magtrabaho. Dahil doon ay tunay na mas malaki pang kumita ng pera si Aling Carlota kaysa sa kaniya. Labandera, manikurista, tindera ng isda, kakanin, gulay at lutong ulam. Halos lahat na yata ng marangal na trabaho ay alam ng kaniyang asawa. Talong-talo siya nito pagdating sa diskarte.

Iyon nga lang, hindi papayag si Mang Dencio na basta na lang umaming isa siyang talunan. Wala na nga siyang trabaho, talunan pa siya sa asawa niya?

Nang hindi pa rin tumahimik sa pagbubunganga si Aling Carlota ay nagpasya si Mang Dencio na mag-alsa balutan. Gusto niyang takutin ang kaniyang asawa na iiwan niya ito kapag patuloy pa rin siya nitong minaliit.

Sinadya ni Mang Dencio na ipakita kay Aling Carlota na may dala siyang bag. Ganoon din sa mga anak niyang sina Denver at Carlo na pawang mga binatilyo na.

“Ano’ng arte ’yan, Dencio? Bakit nag-alsa balutan ka? Aalis ka? At saan ka naman pupunta, aber?” sunod-sunod ang tanong ni Aling Carlota sa kaniya.

“Wala kang pakialam!” hiyaw naman ni Mang Dencio. “Aalis ako ngayon, pero sisiguraduhin kong pupunuin ko ng pera ang bulsa mo sa pagbalik ko, Carlota! Nang hindi mo na ako minamaliit!” dagdag pa niya, ngunit tinawanan lang siya ng asawa.

“At saan ka kukuha ng pera? Sa sugal?” muling tumawa si Aling Carlota. “Huwag na lang, Dencio, kung ganoon lang din naman. Kahit yumaman ka sa sugal mong ’yan, wala naman kaming pakialam. Marumi pa rin ang perang ’yan at hindi ko pakakainin sa gan’on ang mga anak ko. Ayoko silang lumaking katulad mo, Dencio. Tamad at walang silbi! Walang nananalo sa sugal, Dencio. Kahit manalo ka riyan, sa huli ay matatalo ka pa rin. Gan’on ang kalakaran ng sugal,” mariin pa ring sabi ni Aling Carlota na hindi pasisindak sa asawa kahit pa nga napakabrusko nito.

Ngunit umalis pa rin si Mang Dencio. Iniwan niya ang pamilya niya upang hanapin ang kapalaran sa pagsusugal. Ibinuhos niya ang kaniyang atensyon sa ganoong buhay, at hindi nagtagal ay nagtagumpay naman siya!

Nakakuha ng malaking swerte si Mang Dencio nang sumubok siyang magsugal sa casino, at ngayon ay nagmamay-ari na siya ng limpak-limpak na pera!

Dahil doon ay minabuti niyang balikan na ang kaniyang mag-iina, ngunit ganoon na lang ang pagtataka niya nang wala ni isa man sa mga ito ang naabutan niya sa dati nilang bahay.

Wala na ang asawa’t mga anak niya. Iniwan na siya ng mga ito, ’tulad ng ginawa niya sa kanila. Ngayon ay limpak-limpak ang pera ni Mang Dencio, ngunit aanhin niya ’yon, gayong wala naman na siyang pamilya? Mag-isa na siya. Malungkot, kaawa-awa, kasama ang kaniyang mga perang sa huli ay mauubos din naman.

“Walang nananalo sa sugal, Dencio. Kahit manalo ka riyan, sa huli ay matatalo ka pa rin. Gan’on ang kalakaran ng sugal.”

Tila ngayon lamang napagtanto ni Mang Dencio ang mga katagang binitiwan noon ng asawa. Ngayon pa, kung kailan huli na ang lahat.

Advertisement