Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Dalagang Ito ang Kaniyang Ama; Kaibigan pa Pala Nila ang Magpapamulat sa Kaniya sa Tunay Nitong Halaga

Ikinahihiya ng Dalagang Ito ang Kaniyang Ama; Kaibigan pa Pala Nila ang Magpapamulat sa Kaniya sa Tunay Nitong Halaga

“Kyla, gusto mong sumamasa amin? Pupunta kami sa school garden,” aya ng isa sa mga kaibigan ni Kyla sa kaniya nang sumapit ang kanilang lunch break.

Nagulat naman si Kyla, ngunit hindi niya iyon ipinahalata. “G-garden?” tanong niya. Bigla niyang naalala ang ginagawang building, malapit sa garden ng kanilang school. “N-naku, next time na. May kailangan kasi akong gawin ngayon, e,” katuwiran na lang ni Kyla kunwari.

Ngunit wala nang nagawa pa si Kyla nang hilahin siya nina Franzene. “Ito naman, kakain lang naman tayo. Mamaya ka na mag-aral diyan,” sabi pa sa kaniya ng kaibigan.

Sa totoo lang ay ayaw talaga ni Kyla na dumaan sila roon, dahil isa ang kaniyang ama sa mga construction worker na kinuha ng kanilang school bilang tagabuo ng panibagong school building nila. Hindi gusto ni Kyla na malaman ng mga ito na ganoon lamang sila kahirap, bukod pa sa ayaw niya ring makita nila ang hitsura ng kaniyang ama.

Grabe ang kabog ng dibdib ni Kyla nang mga sandaling iyon—lalo na nang walang anu-anoʼy may tumawag sa kaniyang pangalan…

“Kyla, anak!” nakangiti pang tawag ni Mang Joey sa anak na si Kyla nang makita niya itong naglalakad kasama ang mga kaibigan nito.

Matalim naman ang tinging ipinukol ni Kyla sa ama dahil sa ginawa nito. Agad niyang tinakbo ang kinaroroonan ni Mang Joey.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na tigilan n’yo ang pagtawag sa akin ng anak kapag narito tayo sa school? Ilang beses n’yo pa ba ako gustong ipahiya bago kayo madala?!” nanggagalaiti pang anas niya sa ama na nagulat naman sa kaniyang inakto.

Samantala, nabigla rin ang mga kaibigan ni Kyla nang makita kung paano niya tratuhin ang kaniyang ama. Agad silang nakaramdam ng inis sa kaibigan, lalo pa at minsan na nilang nakausap si Mang Joey. Sa katunayan ay gustong-gusto nila ang pagiging kwela ng ama ni Kyla, kaya naman palagi nilang gustong tumambay dito sa garden.

Ang totoo ay naiinggit nga sila sa anak ni Mang Joey dahil sina Franzene at ang iba pa nilang kaibigan ay pawang mga bunga ng broken family, dahil ang kanilang ama ay walang paninindigan at walang pagmamahal sa anak, hindi katulad ni Mang Joey.

Ipinagtaka ni Kyla, nang mapansin niyang hindi siya iniimikan ng kaniyang mga kaibigan, kinabukasan nang pumasok sila. Inisip niya na baka nandiri na sila sa kaniyang ama, kaya ayaw na rin nilang makipagkaibigan sa kaniya.

Ikinahihiya kasi ni Kyla si Mang Joey. Katuwiran niya ay dahil palagi na lang daw itong marumi. Minsan na kasing na-bully si Kyla ng mga kaeskuwela nang makilala nila ang kaniyang ama, kaya naman simula n’on ay kay Mang Joey niya ibinuhos ang kaniyang hinanakit dahil sa kaniyang sinapit.

“Ayaw n’yo na ba sa akin, dahil nakakadiri ang hitsura ng tatay ko?” pangongompronta ni Kyla sa mga kaibigan nang muling sumapit ang kanilang lunch breal.

“Oo, nandidiri kami…” sagot naman ng nakahalukipkip na si Franzene.

“Sinasabi ko na nga ba—”

“Pero hindi sa tatay mo, kundi sa ugali mo, Kyla!” Nabigla si Kyla sa narinig mula kay Franzene. “Paano mo naaatim na saktan nang ganoon ang isang napakabuting ama katulad ni Mang Joey? Alam mo ba kung ilang batang katulad namin ang naghahangad ng isang tatay na kagaya niya?” lumuluha pang dagdag ni Franzene dahil sa matinding emosyong nadarama niya ngayon.

“Mababait kaming bata, Kyla. Kahit galing kami sa mayamang pamilya, marunong kaming magpahalaga kung ano ang mayroon kami. Pero alam mo ba, hindi naging sapat ’yon para hindi kami ipagpalit ng mga tatay namin sa ibang pamilya! Dahil mga iresponsable sila, hindi katulad ng tatay mo na kahit ikinahihiya siya ng anak niya ay nananatili pa ring buo ang pagmamahal niya rito!”

Tila sibat na tumatagos sa puso ni Kyla ang bawat salitang binitiwan ni Franzene sa kaniya. Hindi niya naisip na may ganitong klase pala itong pinagdaraanan habang siya ay nagrereklamo dahil ikinahihiya niya ang kaniyang papa. Ngayon niya nakikita ang tunay na kalahalagahan nito, lalo pa at ang mga katulad nito ang hinahangad ng ibang batang kaedad niya.

Kumaripas ng takbo si Kyla patungo sa Garden. Doon ay namataan niya ang ama habang ito ay nagtatanghalian. Hindi niya napigilan ang sarili kaya bigla niyang dinamba ng yakap si Mang Joey na nagulat naman sa kaniyang inakto.

Alam ni Mang Joey na pinagsisisihan ng anak niya ang nagawa nito sa kaniya, kaya napangiti na lang ang butihing ama. Hindi man magsalita si Kyla, pinatatawad na niya ito. Salamat sa mababait na kaibigan ng kaniyang anak, dahil namulat nila ito sa totoong kahalagahan ng pamilya. Napakasuwerte ng anak niyang si Kyla sa mga ito.

Advertisement