
Ayaw ng mga Magulang na Naglalaro ang Anak sa Labas ng Bahay Kaya Naisip ng Bata na Gusto rin Siyang Itago Gaya ng Ginagawa sa Kapatid Niya; Bakit Kaya?
Sa labas ng bahay ay masayang naglalaro si Alfred at ang mga kaibigan niya. Sa edad na walong taong gulang ay puro laro pa rin ang nasa isip ng bata at hindi alintana ang mga problema. Sa loob ay pinagmamasdan naman siya ng nakatatanda niyang kapatid na si Arkin na nakadungaw sa bintana.
“Ang sasaya naman nila,” bulong ni Arkin sa isip habang nakatingin sa kapatid kasama ang mga kalaro nito.
Maya maya ay nakarinig nang malakas na sigaw si Alfred.
“Alfred, Alfred! Pumasok ka na rito at darating na ang papa mo!” hiyaw ng nanay niyang si Fely.
“Ano ba naman ‘yan, gusto ko pang maglaro, eh!” inis na sambit ni Alfred sa sarili.
“Naku, bitin na naman tayo!” wika ng kalaro niyang si Eli.
“Ang daya naman! Kung kelan ikaw na ang taya, eh, saka ka pa tatawagin,” sabad pa ng kalarong si Nonoy.
“’Di bale, ako na lang ulit ang taya bukas, ha?” sagot niya.
“E, ‘di uwian na talaga! Sige, bukas na lang ulit,” sambit pa ni Eli.
Nang makaalis ang mga kalaro ay padabog na naglakad pauwi si Alfred.
“Si mama naman, wala namang pasok ngayon, eh! Kaasar!” bulong niya sa isip.
Pagpasok niya sa loob ng bahay nila ay sumalubong agad sa kanya ang galit niyang ina.
“Ano? Kung hindi ka pa tatawagin ay hindi ka pa uuwi!” singhal ni Fely sa anak.
“P-pero, mama…”
“O, ano sasagot ka na naman? Pagdadabugan mo na naman ako? Lumalaki kang sutil na bata ka!” hirit pa ng ina.
Sa inis ay hindi na napigilan ni Alfred ang sarili na sagutin si Fely.
“Eh, anong gusto niyo, buruhin na lang ako rito sa loob ng bahay?” tugon niya.
“Aba, bata ka pa’y tinutubuan ka na ng sungay ha!”
“Palagi na lang kasi kayong ganyan, mama! You’re so cruel, mama!” sabi pa ni Alfred sa ina.
Ikinagulat ni Fely ang sinabing iyon ng bunsong anak.
“Alfred!”
“Gusto niyo rin akong matulad kay Kuya Arkin?” inis na tanong ni Alfred.
Nagpanting na ang tainga ni Fely kaya…
“Shut up, Alfred!”
Ngunit hindi napigilan ni Fely ang nasa loob ng anak.
“Inagaw niyo sa kanya ang pagiging bata!” sigaw ni Alfred.
Hindi alam ni Alfred na pinagmamasdan sila ni Arkin sa isang sulok.
“Mabuti ka pa, Alfred, nakakapagsalita ka nang ganyan kay mama,” sambit nito sa isip.
“Hindi ba, pilit niyong itinatago rito sa loob ng bahay si kuya? Ikinahihiya niyo siya!” hirit pa ni Alfred sa ina.
“I said shut up, Alfred! Tumigil ka na!” inis na sigaw ni Fely.
Nang biglang dumating ang kanyang ama na si Rudy. Nakitang nagtatalo silang mag-ina.
“Anong ibig sabihin nito? Bakit mo sinasagot nang ganyan ang mama mo?” tanong ng lalaki.
“Totoo naman po ‘di ba? Ayaw niyo po akong nakikipaglaro sa labas dahil gusto niyo akong buruhin dito sa bahay gaya ni Kuya Arkin. Gusto niyo rin akong itago rito gaya ni kuya pero hindi niyo dapat gawin iyon sa akin dahil iba naman ako kaysa kay kuya. Iba ako dahil normal ako, normal!” sigaw ni Alfred sa mga magulang.
Sa tindi ng galit ay hindi na napigil ni Fely ang sarili at napagbuhatan ng kamay ang anak. Nasampal niya ito.
“Um! Magtigil ka na sabi, eh!”
Napaiyak na si Alfred sa ginawa sa kanya ng ina.
“Sinabi nang huwag kang babanggit ng tungkol kay Arkin, eh!” wika ni Fely.
“Tumigil ka na, Alfred! Sundin mo na lang ang mama mo at huwag ka nang lalabas ng bahay!’ sabad naman ng papa niya.
Sa sulok ay biglang lumakas ang loob ni Arkin. Para sa kanya ay normal na bata ang kapatid niyang si Alfred. Hindi ito dapat hadlangan sa gusto nito kaya…
“Mama, papa, tama na po ‘yan!” hiyaw ni Arkin.
“K-kuya Arkin?” sambit ni Alfred na napatingin sa kapatid na kanina pa pala nakikinig sa kanila.
“’Bayaan niyo naman po siyang magsawa sa kalalaro, mama, papa. Kasiyahan na po niya iyon. Minsan lang po siyang magiging bata, huwag niyo pong ipagkait sa kanya,” hayag ni Arkin sa mga magulang.
Napaluha si Alfred sa sinabi ng kapatid.
“Kuya Arkin…” tanging tugon ni Alfred saka niyakap nang mahigpit ang nakatatandang kapatid.
Hindi na rin napigilan ng mag-asawang Fely at Rudy ang maluha sa tagpong iyon ng magkapatid.
Hindi magagawa ni Arkin na makapaglaro at makihalubilo sa ibang bata dahil mayroon siyang sakit na tinatawag na ‘progeria’. Ito ay isang kundisyon na nagpapabilis sa pagtanda ng katawan ng isang tao. Sa edad na labing-isang taon ay mukha nang sisenta anyos si Arkin. Bukod sa naturang kundisyon ay isinilang na walang mga paa ang kapatid ni Alfred kaya nakaupo lamang ito sa wheelchair at hindi lumalabas ng bahay. Natatakot ang mga magulang nila na pagtawanan ng ibang tao ang kundisyong iyon ni Arkin kaya minabuti ng mga ito na itago na lang sa bahay ang anak para iiwas sa panunukso at pangungutya.
“Lahat po ng tao ay binigyan ng kalayaan na maging bata pero hindi lahat ay binigyan ng pagkakataon na ma-enjoy ang pagiging bata nila gaya ko kaya hayaan niyo na pong maranasan ni Alfred ang hindi ko nararanasan,” dagdag pa ni Arkin.
Mas lalong humanga si Alfred sa kapatid niyang si Arkin. Sa kabila ng kalagayan nito ay matapang nitong pinangaralan ang kanilang mga magulang. Mula noon ay mas naunawaan na niya ang kapatid. Imbes na palaging nakikipaglaro sa labas ay sinasamahan na ni Alfred ang kapatid na maglaro at mag-enjoy din kahit pa nasa loob sila ng bahay. Hindi hinayaan ni Alfred na siya lang ang magsaya, ipinaramdam din niya kay Arkin ang kaligayahan ng pagiging bata gaya ng paglalaro nila ng board games at indoor sports. Mula noon ay hindi na pinipigilan ng mag-asawang Fely at Rudy ang bunsong anak na si Alfred kapag gusto nitong maglaro sa labas ng bahay kasama ang mga kaibigan.