Puputulin Daw ng Dalaga ang Pagsamba ng Kaniyang mga Magulang sa Isang Manggagamot, Siya Pala ang Magdadala ng Liwanag sa Lugar Nila

Puputulin Daw ng Dalaga ang Pagsamba ng Kaniyang mga Magulang sa Isang Manggagamot, Siya Pala ang Magdadala ng Liwanag sa Lugar Nila

FamilyMiracleStories

“Marissa, maniwala ka sa akin! Hayaan mong tulungan ka ni Mamay Kadong para na rin iyon sa iyong kapakanan. Ipadala mo ang litrato ng lalaking iyon dito sa amin ngayon na!” gigil na gigil na sabi ni Aling Olimpia ang nanay ng dalaga habang kausap ito sa telepono.

“Anak, bata ka pa lang ay si Mamay Kadong na ang bumasa ng kapalaran mo. Nasa sinapupunan pa lang kita ay hindi siya nagkamali. Nakapagtapos ka sa magandang paaralan at isa sa pinakamatalino sa unibersidad! Anak, siya rin ang nagsabi na makakapag trabaho ka sa Maynila at magiging matagumpay sa buhay. Kaya ano ba ‘yung ipabasa mo ang buhay pag-ibig mo sa kaniya?” paliwanag pang muli ng kaniyang ina.

“Ma, hindi si Mamay Kadong ang may dahilan ng lahat ng iyon. Ako, ikaw, kayo ni papa ang nagsumikap para mapag-aral ako at marating kung nasan man ako ngayon! ‘Ma, tigilan niyo na ang kakasamba riyan sa kapitbahay natin, budol naman ‘yan!” inis na wikang muli ni Marissa rito at napahawak na lamang ito sa kaniyang noo habang kausap pa rin ang kaniyang ina.

Bata pa lang ang dalaga ay nakagisnan na niyang sinasamba sa kanilang lugar ang matandang manggagamot na si Mamay Kadong na may espesyal daw na kapangyarihan. Isa sa mga lulong sa dasal at ritwal ng matanda ay ang kaniyang mga magulang na walang ginawa kung ‘di kunsultahin ang manggagamot sa lahat ng gagawin nila. Nakakakita raw kasi ito ng hinaharap at kaya niyang masabi kung kailan mawawala ang isang tao, mas lalo pa niya itong kinaiinisan dahil kasama na sa pinag-iipunan ng kaniyang mga magulang ang ibabayad sa matanda o alay raw nila para magtuloy-tuloy ang swerte sa kanilang buhay.

“Alam mo, babe, bakit hindi mo na lang ipadala ang litrato ko. Para wala nang gulo, hindi naman ako maselan sa ganyan,” wika ni Paulo, nobyo ng dalaga.

“Hay naku, Paulo, hindi mo kilala ang mga magulang ko. Mawiwindang ka lang kapag nalaman mo kung gaano nila sinasamba ang Mamay Kadong na ‘yon!” iritableng paliwanag ng babae.

“O, bakit? Malakas naman ang loob ko na hindi ako malas sa buhay mo at mas lalong hindi kita iiwan kaya ayos lang sa akin na ipakita mo ako sa kanila. Para mapakilala mo na rin ako,” natatawa pang sabi ni Paulo sa nobya.

Simula nang magtrabaho ang babae sa Maynila ay naging magkasintahan na ang dalawa ngunit manliligaw lamang ang pakilala niya rito sa kaniyang pamilya dahil alam na niya ang susunod na gagawin ng kaniyang mga magulang. Hindi naman pinansin ni Marissa ang nobyo at mas nanindigan ito na hindi ipaalam ang kanilang relasyon ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nabuntis ang babae kaya naman wala siyang nagawa kung ‘di sabihin ang bitbit niyang balita.

“O, ayan ang sinasabi ko sa’yo! Nabuntis ka nang hindi pa kinakasal, wala na! Sira na ang mga pangarap namin para sa’yo, kung umpisa pa lang sana ay nagpakonsulta ka na sa kapalaran mo kay Mamay Adong e ‘di sana hindi ganito! Hindi ka uuwi rito sa atin na may laman ang tiyan mo! Dapat singsing muna, Marissa! Ang taas ng pinag-aralan mo, bakit ganito lang!?” galit na galit na wika ni Aling Olimpia sa kaniyang anak at napaupo na lamang ito saka napatingin sa labas ng bintana habang iniisip ang mga susunod na mangyayari sa kaniyang anak.

“Ma, blessing naman ‘tong baby, bakit galit na galit kayo? Tanggap ko kung ano man ang mayroon ako ngayon,” naiiyak na sagot ni Marissa sa kaniyang ina.

“Paano’y wala ka na kasing gabay kay Mamay Kadong! Lintik talaga!” baling muli ng ale at mabilis na kinuha ang telepono ni Marissa upang hanapin ang litrato ni Paulo at  nang makita ito ay dali-dali siyang tumakbo sa matanda. Hindi na sumunod pa si Marissa dahil ayaw na niyang madagdagan pa ang lungkot na nararamdaman nito.

“Sabi ko na, hindi nagkakamali si Mamay Kadong! Tatakbuhan ka lang daw ng Paulo na ito! Puri lang ang habol sa’yo ng lalaking ito at hindi ka nito seseryosohin!” balik kaagad ni Aling Olimpia nang makauwi ito galing sa matanda.

“Pwede ba ‘ma, hindi ganyan si Paulo! Mahal ako nun!” iyak na sigaw ni Marissa sa kaniyang ina. Hindi isinama ng babae si Paulo dahil sa malaki nilang tampuhan at pakiramdam niya ay tutol ang lalaki sa pagdadalantao niya kaya naman siya lang muna ang umuwi sa kanila. Hindi na pinabalik pa ng kaniyang mga magulang si Marissa at hintayin daw munang magkapanganak ang babae. Katulad ng basa sa kaniya ni Mamay Kadong ay nawala na parang bula si Paulo, hindi niya ito matawagan at dahil nasa probinsya ang pamilya nito ay mas lalo pa siyang nawalan ng pag-asa. Tama nga ang matanda tungkol sa kaniya.

“O, ano, Marissa, kabuwanan mo na! Umaasa ka pa rin bang magpaparamdam sa’yo ‘yang tatay ng dinadala mo? Hindi na mangyayari ‘yun dahil malinaw na sinabi ni Mamay Kadong na hindi ka pananagutan ng lalaking iyon! Kung ako sa’yo ay simulan mo na ang pagaalay kay Mamay Kadong nang hindi malasin ‘yang anak mo!” galit na sita ng kaniya ina habang nakatulala lamang sa labas si Marissa.

Ngunit bigla siyang napatayo nang makita niya ang isang lalaki na papalapit sa kanilang bahay. Iba man ang itsura nito ay kaagad niyang nakilala ang lalaki.  “Paulo,” bigkas niya at mabilis na pumatak ang kaniyang luha.

“Anong nangyari sa’yo? Bakit ganyan ang itsura mo?” takbo ni Marissa rito.

“Patawarin mo ako kung ngayon lang ako, hinding-hindi ko kayo iiwan ng anak natin. Kahit na anong mangyari, mahal na mahal ko kayo,” lumuluhang saad ni Paulo sa kaniya at lumuhod ito saka hinalikan ang tiyan ng babae.

Dumating si Paulo na bulag ang kanyang isang mata at kalbo na ito. Doon na isiniwalat ng lalaki na naaksidente siya at na-comatose ito ng pitong buwan. Hindi naman makapaniwala ang pamilya ng babae dahil hindi nagkatotoo ang pangitain ni Mamay Kadong.

Simula noon ay si Marissa na ang bumali sa paniniwalang iyon sa kanilang pamilya at sa kanilang lugar, dahil para sa kaniya walang ibang dapat sambahin kung ‘di ang Diyos lamang. Hindi nagtagal ay biglang nawala ang matanda sa kanilang lugar nang wala na itong matanggap na pera. Doon na rin nagising nang tuluyan ang mga magulang ni Marissa na hindi nakasalalay sa matanda ang takbo ng kanilang buhay.

More Stories