Inday TrendingInday Trending
Pumasok na Kasambahay ang Dalaga Para Makasama ang Tunay na Ina; Isa Pala Itong Malaking Pagkakamali

Pumasok na Kasambahay ang Dalaga Para Makasama ang Tunay na Ina; Isa Pala Itong Malaking Pagkakamali

“Krisha, anak, sigurado ka na ba sa gagawin mo? Malaking pagbabago sa buhay mo ang kailangan mong harapin. Sigurado ka na ba diyan?” pag-aalala ni Rhoda sa kaniyang nag-iisang anak.

“Opo, ‘nay, siguradong sigurado na po ako. Ilang beses ko rin po itong pinag-isipan at nakapagdesisyon na po ako,” tugon naman ng dalaga.

“Nag-aalala lang kasi ako, anak, baka hindi mo kayanin ang trabaho? Saka tatalikuran mo ba talaga ang lahat ng mga narating mo para lang sa plano mong ito? Baka mamaya ay masaktan ka lalo sa gagawin mo,” muling sambit ng ina.

“Pansamantala lang naman po itong gagawin ko. Gusto ko lang talaga siyang makasama. Makita kung ano ba talaga ang pagkatao niya. Gusto kong makilala ang tunay kong ina, ‘nay, kahit sa ganitong paraan. Huwag n’yo na po akong alalahanin dahil hindi na niya ako masasaktan pa. Dahil wala nang mas sasakit pa nang iwan niya ako sa inyo at hindi na ako binalikan pa,” wika pa ni Krisha.

“Kung gayon ay bakit gusto mo pa ring makasama ang tunay mong ina? Matagal ka na niyang binaon sa limot, anak. Paano ka nakakasigurado na sa pagkakataong ito ay tatanggapin ka niya?” sambit muli ni Rhoda.

“Ang gusto ko lang naman, ‘nay, ay makasama ang tunay kong ina. Makilala ko siya kahit saglit lang. Nais kong mabuo ang pagkatao ko,” pahayag naman ng dalaga.

Hindi maiwasan ni Rhoda na mangamba para sa kaniyang anak at sa mga pinaplano nito. Sigurado kasi siyang hindi pa rin matatanggap ng dating kaibigan ang kaawa-awang dalaga kahit pa ano ang katayuan nito sa buhay.

Pagkapanganak pa lamang kay Krisha ng kaniyang tunay na inang si Lisa ay agad na siyang ibinigay nito kay Rhoda. Ang sabi ay maghahanap lamang daw ito ng trabaho at babalikan din ang anak. Ngunit lumipas ang ilang araw at ang araw ay naging mga taon, hindi pa rin binabalikan ni Lisa ang iniwang anak sa kaniyang matalik na kaibigan. Walang nagawa si Rhoda kung hindi kupkupin ang sanggol dahil sa awa.

Makalipas pa ang ilang taon ay muling nagkrus ang landas ng dating magkaibigan. Nang banggitin ni Rhoda ang tungkol sa batang iniwan sa kaniya ay labis ang pag-iwas ni Lisa.

“May bagong buhay na ako, Rhoda. Huwag mo namang sirain ‘yun. Kung hindi mo kukupkupin ang batang iyan ay mapipilitan akong iwan siya sa bahay-ampunan o kaya ay basta na lang siyang ipamigay. Bunga ng pagkakamali ko ang batang iyan at ayaw ko nang maalala ang nakaraan. Kung ano man ang gusto mong gawin sa bata ay bahala ka na. Pero wala na akong pakialam sa kaniya!” mariing sambit ni Lisa kay Rhoda.

Sa habag ay tuluyan na lamang inangkin ni Rhoda ang bata. Siya na ang tumayong ama at ina para kay Krisha.

Lumipas ang mga taon at lumaking mabuting bata at matalino itong si Krisha. Masaya man sa piling ng isa’t isa ay talagang walang lihim na hindi nabubunyag. Hanggang isang araw ay kinakailangan na ring aminin ni Rhoda ang lahat sa kaniyang anak-anakan.

Matagal na hinanap ni Krisha ang kaniyang ina. Nais kasi niyang malaman ang katotohanan sa pagpapaampon sa kaniya nito. Isang katotohanan na hindi masabi ni Rhoda sa kaniya.

Kaya nang matagpuan ni Krisha ang tunay na ina ay agad siyang gumawa ng plano. Nag-apply siya bilang kasambahay sa bahay ni Lisa. Naniniwala kasi siya na sa pagkakataong ito ay tuluyan na rin siyang matatanggap ng tunay na ina.

Pagdating ni Krisha sa bahay na kaniyang pinagtatrabahuhan ay agad na bumungad sa kaniya si Lisa. Napatunganga siya sapagkat ngayon lamang niya matititigan nang malapitan ang tunay na ina.

“Anong tinitingin-tingin mo pa riyan? Buhatin mo na ang gamit mo at magpalit ka na ng damit. Maraming gawain dito sa bahay! Aba’y akala ata nito ay bakasyonista siya!” bulyaw ni Lisa.

“O-opo, pasensya na po kayo!” nakayukong sambit naman ni Krisha. Kahit na nasigawan siya ni Lisa ay masaya pa rin ang dalaga sapagkat sa wakas ay nasa harap na niya ang ina.

Samantala, habang tumatagal na nagtatrabaho si Krisha sa pamamahay na iyon ay lalo niyang napapansin na tila umiinit ang ulo ni Lisa sa kaniya. Madalas kasi siya nitong sigawan at kagalitan.

“Hoy! Alam mo ba ang ginagawa mo? Hindi ko alam sa agency bakit binigyan ako ng isang tulad mong lalampa-lampa at mahina ang utak. Parang wala kang alam sa mga gawaing bahay! Binibigyan na lang kita ng ultimatum. Kapag sa susunod na linggo ay hindi pa rin pulido ang paglilinis mo ay sisisantihin talaga kita!” pagtataray muli ni Lisa.

Dahil ayaw ni Krisha na mapaalis siya agad sa bahay na iyon ay pinaghusayan niya ang trabaho. Ngunit kahit anong pagsisipag niya ay talagang kumukulo ang dugo sa kaniya ni Lisa.

Sa pagtagal ni Krisha sa paninirahan sa bahay na iyon ay lalo niyang nakikilala ang kaniyang ina.

“Maganda pala talaga siya, ‘nay! Hindi nakakapagtaka na ganito ang kutis ko. Sa kaniya pala ako nagmana. Saka kung kumilos siya ay napakapino. Kaso nga lang napakataray niya. Kaunting pagkakamali ko lang ay labis niya akong sigawan,” kwento ni Krisha kay Rhoda.

“Anak, umuwi ka na lang kaya dito? Tama na ang ginagawa mong iyan. Baka lalong hindi ka mapalapit sa nanay mo. Baka akalain niya’y pinagsisinungalingan mo siya. Magpakilala ka na lang nang maayos. Nang sa gayon kung hindi ka niya matanggap ay hindi ka pa napagod sa pagpapaalila sa kaniya,” nag-aalalang sambit ni Rhoda.

“Kaunting panahon pa po, ‘nay. Nais ko pa po kasing makasama ang tunay kong ina. Sana po ay nauunawaan n’yo ako. Kahit sandali ay makasama ko man lang siya,” muling saad ng dalaga.

Pagbaba ng telepono ay pinagpatuloy ni Krisha ang paglilinis ng silid ng amo. Isang damit ni Lisa ang kaniyang pinulot at saka niya ito niyakap at inamoy.

“Kahit isang yakap lang ay sapat na sa akin!” bulong ni Kisha habang hinahagkan ang damit ng ina.

Napasarap ang pagpikit ni Krisha hanggang sa mahuli siya ni Lisa na niyayakap ang kaniyang damit.

“Siguro ay nanakawin mo iyan, ano? Ang kapal ng mukha mo! Kaya ka siguro pumasok na kasambahay ko dahil plano mo talaga akong gawan ng masama!”

Todo tanggi at paliwanag naman itong si Krisha ngunit ayaw siyang pakinggan ng ina.

Hanggang sa tuluyang hinablot ni Lisa ang kaniyang buhok at saka kinaladkad palabas ng bahay.

“Tama na po! Tama na po! Wala naman po akong nais na gawing masama! Tama na po!” pagmamakaawa ni Krisha.

Ngunit hindi nakinig si Lisa. Patuloy niyang kinaladkad si Krisha palabas ng kanilang bahay. Pinagbababato ni Lisa ang mga gamit ng dalaga sa labas. Labis itong umiiyak habang pinupulot ang mga damit.

Ilang sandali pa ay laking gulat ni Lisa nang makita ang dating kaibigang si Rhoda sa kaniyang harapan.

“Sabi ko na nga ba’t wala kang gagawing maganda sa anak ko! Tara na, Krisha, tumayo ka na riyan at uuwi na tayo. Sinabi ko na sa iyo na hindi magandang ideya itong gagawin mo!” awang-awa si Rhoda sa kaniyang ampon.

“A-anong ginagawa mo rito, Rhoda? Talaga nga namang ibang maglaro ang tadhana. Hindi ba sinabi ko na sa iyo na hindi na dapat pa magkrus ang landas natin? At talagang pinayagan mo pa itong anak mo na maging kasambahay ko! Gano’n ka na ba naghihirap?” pangmamata ni Lisa sa dating kaibigan.

“Narito ako para iuwi ang anak ko! Narito ako para ipagtanggol siya at hindi na siya masaktan pang muli ng isang bruhang kagaya mo! Akala mo ata ay basta-basta lang na babae itong si Krisha. Tinalikuran niya ang pagiging interior designer niya para makapiling ka kahit sandali. Tapos ay ganito pa rin pala ang mapapala niya sa iyo? Hindi pa ba sapat na ipinamigay mo lang siya na parang kuting noon, Lisa?” bulyaw naman ni Rhoda.

Nanlaki ang mga mata ni Lisa nang malamang ang dalagang kaniyang pinagmamalupitan pala ay walang iba kung hindi ang kaniyang anak.

Ngunit imbis na humingi ng tawad at kilalanin ang anak ay pinanindigan ni Lisa ang kaniyang posisyon.

“Wala akong ugnayan sa iyo at sa dalagang iyan. Ito ang pamilya ko at sila lang ang mga anak ko. Wala akong batang iniwan sa iyo, Rhoda. Kung meron man ay wala na siyang puwang ngayon sa pamilyang meron ako!” nagmamatigas na sambit ni Lisa.

Labis ang pagluha ni Krisha nang marinig niya ang mga ito sa bibig mismo ng kaniyang ina. Kung akala niya’y wala nang mas sasakit pa noong basta na lang siyang iniwan ng kaniyang ina ay mas masakit pa pala na harap-harapan siyang tinakwil nito.

“Tama po kayo, Nanay Rhoda, mali po ang desisyon kong pumasok ng kasambahay para lang makasama ang isang taong matagal na akong nangungulila. Bakit hindi ko kasi naisip noon pa na ang matagal ko nang hinahanap na pagmamahal ay binigay na sa akin? Walang iba kung hindi ang pagmamahal mo, ‘nay. Habang buhay akong magpapasalamat sa iyo dahil hindi mo ako pinabayaan at tinuring na iba. Ngayon ay napagtanto ko nang walang kulang sa buhay ko dahil nang dumating kayo sa akin ay pinunan niyo na ang lahat ng pagkukulang sa buhay ko,” umiiyak na wika ni Krisha habang yakap ang inang si Rhoda.

Pilit man na itinatanggi ni Lisa ang kaniyang nakaraan ay may parte pa rin sa kaniyang puso ang nasasaktan dahil sa mga sinabi ng kaniyang tunay na anak. Alam niya na kahit kailan ay hindi na siya nito mapapatawad pa. Ngunit buo din ang kaniyang desisyon na tuluyan nang kalimutan ang anak.

Samantala, lalong minahal ni Krisha ang kaniyang Nanay Rhoda. Sa kabila kasi ng lahat ay hindi ito nag-atubiling tulungan at bigyan ng magandang kinabukasan ang kaawa-awang dalaga.

“Hindi ka man kasi nanggaling sa akin, Krisha, dito ka naman nanggaling sa puso ko. Ikaw ang bigay ng Panginoon sa akin para magkaroon ng saysay itong buhay ko,” saad ni Rhoda sa kaniyang anak.

Advertisement