
Tutol ang Ginang sa Mapapangasawa ng Kaisa-Isang Anak; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya Iyon
“Hindi, Rico! Hindi ako makakapayag na iuuwi mo ang babaeng ‘yun dito. Ano na lang ang sasabihin ng mga amiga ko? Pagtatawanan nila ako dahil isang tindera lang sa bangketa ang napili mong pakasalan! Hindi! Hindi ako makakapayag!” mariing sambit ni Brenda sa kaniyang binatang anak.
“Ma, mabait si Gemma. Saka anong pakialam ko sa sasabihin ng mga tao? Ako naman ang makikisama sa babaeng mahal ko at hindi sila. Kung bibigyan mo lang ng pagkakataon si Gemma ay makikita mo rin ang mga ugaling minahal ko sa kaniya. Maayos siyang babae at marangal ang pamilya nila,” pagtatanggol pa ni Rico.
“Anong marangal sa pagtitinda ng basahan, anak? Ang dami-daming babaeng nagkakandarapa sa iyo! Ginayuma ka ba ng babaeng iyan at siya pa talaga ang napili mong pakasalan? Hindi ako makakapayag sa pag-iisang dibdib n’yo, Rico. Habang nabubuhay ako ay sisiguraduhin kong hindi kayo maikakasal!” muling sambit ng ina.
“Ma, hindi mo na po ako mapipigilan pa. Nabuntis ko na po si Gemma at kailangan ko po siyang panagutan. Sa ayaw at sa gusto n’yo ay pakakasalan ko siya. Kung ayaw niyong dito kami tumira ay bubukod kami!” wika naman ng anak.
Dahil wala nang magawa si Brenda ay napilitan na lamang siyang tanggapin ang kasintahan ng kaniyang anak. Ngunit hindi pa rin siya pumapayag na maikasal ang mga ito.
“Ako na mismo ang gagawa ng paraan para ‘yang babaeng na ‘yan na ang mismong umalis sa pamamahay na ito at iwan na ang anak ko!” saad ni Brenda sa kaniyang sarili.
Tulad ng ipinangako ni Brenda ay hindi niya ginawang madali ang buhay ni Gemma sa kanilang pamamahay.
“Gemma, baka akala mo dahil sa nabuntis ka ng anak ko ay magbubuhay reyna ka na rito! Tumulong ka sa mga kasambahay sa mga gawaing bahay. Dapat ay pagsilbihan mo ang anak ko!” utos ni Brenda sa dalaga.
Kahit hirap sa pagbubuntis ay hindi sumuway sa lahat ng inutos ni Brenda itong si Gemma. Kahit kailan ay hindi rin siya nagreklamo o nagsumbong sa pagtrato sa kaniya ng ina ng kasintahan.
Ngunit sa totoo lamang ay nahihirapan na ring makisama si Gemma lalo pa at palala nang palala at pasama nang pasama ang trato sa kaniya ni Brenda.
“Akala mo ba ay bibigay ko ang basbas ko sa inyo ni Rico para maikasal? Hinding hindi ako makakapayag na isang katulad mo lang ang magiging manugang ko! Hindi ikaw ang nababagay na babae para kay Rico! Kaya kung ako sa iyo ay umalis ka na kung hindi ay gagawin kong miserable talaga ang buhay mo rito!” babala ni Brenda kay Gemma.
“Pero ayaw ko pong lumaki ang anak ko na walang kinikilalang ama. Saka mahal na mahal ko po si Rico at alam ko pong mahal niya rin ako. Kaya pasensya na po kayo, iba na lang po ang iutos niyo sa akin,” naiiyak nang sambit ng kawawang dalaga.
“Iyan ba ang marangal na babae? Bigla ka na lang nagpabuntis sa anak ko? Sabagay, sa pagpatol mo sa anak ko ay agad na giginhawa ang buhay mo! Pero iyon ang akala mo, Gemma! Habang narito ako ay hindi ko hahayaan ni madampi lang ang mga kamay mo sa yaman ng pamilya namin!” saad pa ni Brenda.
Hindi ipinapakita ni Brenda ang pagmamalupit niya kay Gemma sa harap ng anak na si Rico. Ngunit batid ng binata na may nangyayaring hindi maganda sa pagitan ng ina at ng kaniyang kinakasama.
“Ma, magsabi nga po kayo sa akin ng totoo, may ginagawa ba kayong hindi maganda kay Gemma?” tanong ni Rico sa ina.
“Bakit, Rico, nagsusumbong ba sa iyo ang babaeng iyan? Ginagawa lang niya ‘yan para pagsirain tayong mag-ina. Gagawin ng babaeng iyan ang lahat para lang mailayo ka sa akin!” bwelta naman ni Brenda.
“Walang sinasabi sa akin na kahit anong masama tungkol sa inyo si Gemma. Pero sa tono ng pananalita ninyo’y lalong umigting ang pagdududa ko na hindi niyo nga siya pinakikitunguhan nang maganda. Kapag may nangyaring masama sa kaniya at sa magiging anak ko, tandaan n’yo aalis ako sa pamamahay na ito!” sambit pa ni Rico sa kaniyang ina.
Lalong umigting ang inis ni Brenda kay Gemma. Nagseselos siya sapagkat alam niyang mas pipiliin ni Rico ang dalaga kaysa sa kaniya.
Isang araw ay nagplano si Brenda na gawan ng masama itong si Gemma. Binasa niya ang hagdan nang sa gayon ay madulas itong si Gemma at tuluyan nang mawala ang dinadala nito.
Ngunit buong araw na masama ang pakiramdam ni Gemma at hindi ito lumabas sa kaniyang silid. Umiiwas rin kasi ito na awayin siya ng kaniyang magiging biyenan.
Dahil sa tagal ng paghihintay ay nakalimutan ni Brenda na madulas pala ang hagdan. Unang tapak pa lamang niya ay agad na siyang nadulas. Isang matinding sigaw ang umalingawngaw sa buong kabahayan.
Nagsitakbuhan naman ang mga kasambahay at doon ay natagpuan nila si Brenda na walang malay. Agad na inihatid ang ginang sa ospital. Samantala, nang malaman ni Gemma ang nangyari ay agad niyang tinawagan ang asawa.
Sa kasamaang palad ay malala ang naging tama sa ulo ni Brenda ng insidenteng iyon. Ilang araw siyang walang malay at nanganganib pa ang buhay.
Kahit nagdadalantao ay hindi ito ininda ni Gemma. Siya pa rin ang laging naroon sa ospital upang bantayan at alagaan ang ina ng kaniyang kasintahan. Hindi niya ito iniwan hanggang sa tuluyan itong magising.
Nang magising si Brenda ay hindi pa rin ito nakakapagsalita. Ngunit masaya na ang lahat dahil mas malaki na ang pag-asa na mabuhay ang ginang.
Nagpatuloy pa rin si Gemma sa pag-aalaga kay Brenda. Ilang linggo ang nakalipas ay inilabas na ng ospital si Brenda.
Nang makauwi sa bahay ay lalong inalagaan ni Gemma ang ginang. Kitang-kita ng lahat ang dedikasyon ng dalaga sa pag-aalaga sa ina ng kasintahan.
Hanggang sa tuluyan nang bumuti ang lagay ni Brenda at nakapagsalita na ito. Habang abala si Gemma sa pag-aasikaso ng kakainin ni Brenda ay tinawag siya ng ginang.
“May nais akong sabihin sa iyo, Gemma, tawagin mo rin si Rico nang sa gayon ay marinig niya ang lahat,” pakiusap ni Brenda.
Sa harap ng dalawa ay humingi ng kapatawaran si Brenda sa lahat ng masasakit at masasamang ginawa niya kay Gemma.
“Hindi ko akalain na sa kabila ng panghahamak ko sa iyo ay ganito pa rin ang igaganti mo sa akin. Tunay nga ang sinasabi ng anak ko, mabuti ka ngang tao. Patawarin mo ako, Gemma. Nawa’y makapagsimula tayong muli bilang isang pamilya. Ibinibigay ko na sa inyo ang basbas ko para kayo ay mapag-isang dibdib. Karapat-dapat lang na bigyan kayo ng isang magarbong kasal. Rico, ingatan mo at pakamahalin itong si Gemma dahil isa siyang mabuting babae,” umiiyak na sambit ni Brenda.
Tuluyan nang natanggap ni Brenda si Gemma bilang mapapangasawa ng kaniyang anak.
Nang tuluyan nang gumaling si Brenda ay natuloy na rin ang pag-iisang dibdib nina Gemma at Rico. Wala nang mas sasaya pa sa dalawa dahil sa wakas ay legal na ang kanilang pagsasama.
Masaya rin si Brenda dahil nakatitiyak siya na ang babaeng pinaglaanan ng puso ng kaniyang anak ay karapat-dapat.