Inday TrendingInday Trending
Isang Dekadang Nanilbihan ang Drayber sa Malupit at Matigas na Pusong Don; Sa Pagkawala ng Amo ay Malalaman Niya ang Tunay na Ugali Nito

Isang Dekadang Nanilbihan ang Drayber sa Malupit at Matigas na Pusong Don; Sa Pagkawala ng Amo ay Malalaman Niya ang Tunay na Ugali Nito

“Cardo, ano pa ang ginagawa mo rito sa garahe? Kanina ka pa hinihintay ni boss. Imaneho mo na ang sasakyan sa tapat ng mansyon kung ayaw mong mapagalitan na naman!” natatarantang saad ng kasambahay na si Aling Lourdes sa kanilang drayber.

Tumingin agad sa kaniyang relos si Mang Cardo.

“Naku, hindi ko na namalayan ang oras. Lumilipad kasi ang isip ko sa kakaisip ng mga problema. Sige, sabihin mo kay boss na papunta na ako. Lagot talaga ako nito!” sambit naman ng ginoo.

Kabuuang isang dekada nang nagtatrabaho si Mang Cardo sa kaniyang among si Don Pedro. May-ari ang mayamang ginoo ng mga gusali sa syudad. Ngunit tumanda na itong binata dahil sa pagkaabala sa negosyo. Ngunit kahit na matagal nang drayber si Mang Cardo ni Don Pedro ay malimit pa rin silang magkakwentuhan ng mayamang ginoo.

Nagmamadaling pinagbuksan ni Mang Cardo ng pinto ng sasakyan ang kaniyang amo.

“Pasensya na kayo, boss, at hindi ko kaagad nadala dito ang sasakyan. Medyo marami lang pong iniisip. Alam ko naman pong hindi ko dapat dinadala ang problema ko sa bahay dito sa trabaho ko pero hindi lang po talaga maiwasan. Kaya pasensya na kayo. Iniisip ko kasi ang bunso ko kasi…” tuloy-tuloy na sambit ni Mang Cardo. Ngunit hindi na siya pinatapos pa ni Don Pedro at pinutol agad ang kaniyang sinasabi.

“Ayaw kong marinig ang paliwanag mo, Cardo. Magmaneho ka na at mahuhuli na ako sa mga meeting ko. Itikom mo ang bibig mo dahil ayaw ko ng ingay. May kailangan akong basahing mga papeles,” utos ng don.

“Pasensya na po kayo ulit, Don Pedro,” muling paghingi ng paumanhin ni Mang Cardo.

Nang makarating sa kanilang destinasyon ay matiyagang hinintay ni Mang Cardo ang kaniyang amo hanggang matapos ito sa kaniyang meeting. Apat na oras ang nakalipas at natanaw na ni Mang Cardo si Don Pedro. Agad niya itong tinulungan sa dala nito at pinagbuksan muli ng pinto ng sasakyan.

“Kumusta po ang meeting n’yo, sir? Mukhang maganda po ang kinalabasan. Sabagay, sa galing n’yong iyan ay alam kong magtatagumpay kayo,” bungad ni Mag Cardo.

“Walang kinalaman ang pagiging drayber mo sa kung ano ang kinahinatnan ng meeting ko, Cardo. Wala ka sa lugar para magtanong. Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na ang tanging gagawin mo lang ay itikom mo ang bibig mo at magmaneho,” inis nang sambit ni Don Pedro.

Napahiyang muli si Mang Cardo.

Pagbalik nila ng bahay ay agad na bumaba si Don Pedro at dere-deretsong pumasok sa mansyon nito. Ni hindi man lang niya nilingon si Mang Cardo.

“Tingnan mo ‘yang amo natin. Ni hindi man lang magawang magpasalamat sa serbisyong ginagawa natin sa kaniya,” saad ni Aling Lourdes.

“Ayos lang ‘yun, manang, sinasahuran naman tayo ni Don Pedro. Saka ito naman talaga ang trabaho natin kaya tayo narito,” tugon naman ni Mang Cardo.

“Alam mo kaya hindi na nakapangasawa ang amo nating iyan dahil sa sama ng ugali. Buti ay hindi mo iniiwan ang trabaho mo kahit lagi ka niyang pinagtataasan ng boses at lagi kang kinagagalitan?” wika pa ng kasambahay.

“Tama naman kasi si boss. Ako lang naman kasi itong wala sa hulog madalas. Minsan kasi sa tagal na namin magkasama nakakalimutan kong amo ko nga pala siya. Minsan gusto kong magkwento sa kaniya. Saka sa tuwing nakikita ko ang amo natin gusto ko ring magkwento din siya dahil nga alam kong wala siyang napapagsabihan. ‘Yung mga pamangkin naman niya narito lang para humingi ng pera. Minsan naaawa rin ako sa amo natin kahit ubod siya ng yaman,” payahag pa ng ginoo.

“Wala talagang tatagal sa ugali niyang si boss. Ako nga madalas ko maisip na iwan na rin ang trabaho ko. Kung hindi ko lang naiisip na may pinapagawa akong bahay sa probinsya ay matagal ko na ring nilisan ang bugnuting amo nating ‘yan! Patatapusin ko lang talaga ang bahay namin tapos ay aalis na ako dito! Siya nga pala, nasabi mo na ba sa amo natin ‘yung gusto mong sabihin? Hindi ba’t plano mong bumale sa kaniya ng sahod para sa matrikula ng anak mo?” saad pa ni Aling Lourdes.

“Sana na siguro, manang. Gagawa na lang muna ako ng paraan. Hahanap ako ng tiyempo para masabi sa kaniya. Talagang nagipit lang dahil nga ginagamot ang komplikasyon sa bato ni misis,” paliwanag pa ni Mang Cardo.

Buong gabi inisip ni Mang Cardo kung saan siya kukuha ng pera para sa matrikula ng anak at sa iba pa nilang pangangailangan. Nais na sana niyang lakasan ang kaniyang loob ngunit natitigilan siya. Ayaw niya kasing dumagdag pa sa iniisip ng kaniyang amo.

Isang umaga habang nasa garahe si Mang Cardo at inaayos ang sasakyan ay biglang nakarinig siya ng komosyon.

“Talagang aalis na ako sa mansyon na ito. Hindi ko na kaya ang sama ng ugali mo! Kaya walang nagtatagal na tauhan sa iyo dahil alipin ang trato mo sa amin. Hindi ka makatao!” sigaw ng isang kasambahay na pilit nang umaalis sa mansyon.

‘E, ‘di lumayas ka! Ni hindi ko mararamdaman ang pag-alis mo dahil kaya ko namang humanap ng kapalit mo. Siguraduhin mo lang na wala kang ninakaw sa bahay na ito dahil ipapakulong kita!” saad ni Don Pedro.

Nais sanang umawat ni Mang Cardo ngunit pinigilan siya ni Aling Lourdes.

“Huwag mo nang tangkain kung ayaw mong malagay sa alanganin ang trabaho mo, Cardo. Parang hindi mo kilala ang amo natin. Talagang walang puso ‘yan. Hayaan mo na si Lisa na umalis. Hindi naman din talaga niya kaya ang trabaho dito,” saad ng ginang.

Nahahabag si Mang Cardo sa sinapit ng katrabaho. Ngunit mas naaawa siya sa kalagayan ng kaniyang amo dahil kahit na matapang at matigas ito sa kaniyang panlabas ay alam niyang may lungkot din itong nadarama.

“Kung sino pa ang gustong lumayas ay lumayas na kayo! Hindi ko kailangan ang mga tulad ninyo dito sa mansyon ko! Mga problema kayo! Palibhasa’y pera ko lang ang kailangan n’yo!” bulyaw ng mayamang amo.

May ilang mga kasambahay at hardinero na umalis ng trabaho. Maging si Aling Lourdes ay lumisan na rin makalipas ang ilang araw dahil hindi na makayanan ang masakit na pananalita ni Don Pedro. Tanging si Mang Cardo lamang ang nanatili sa kaniyang trabaho.

Lumipas ang ilang araw ay napalitan na lahat ng mga trabahador sa mansiyon maliban kay Mang Cardo.

Sa araw-araw na pinagmamaneho niya ang amo ay wala pa rin itong pinag-iba. Lagi pa rin itong masungit at ayaw magsalita. Naiinis kapag tinatanong kung kumusta ang araw niya.

Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang ginulantang ng masamang balita ang buong mansyon. Inatake sa puso si Don Pedro. Mabilis ang mga pangyayari. At ang nakakalungkot pa dito ay hindi na ito umabot pa sa ospital.

Labis ang pagdadalamhati rin ni Mang Cardo nang mawala ang amo. Samantalang ang iba ay tanging ang trabaho lang nila ang kanilang iniisip. Ang iba naman ay natuwa nang malaman ang balitang nasawi na ang masungit na don.

Pauwi na sana si Mang Cardo sa probinsya nang kausapin siya ng abogado ni Don Pedro.

“Cardo, malaki ang iniwan sa iyong pamana ni Don Pedro. Mas malaki pa ang iniwan niya sa iyo kaysa sa kaniyang mga kamag-anak,” saad ng abogado.

Laking pagtataka ni Mang Cardo sa sinabi ng ginoo.

“Paano ito mangyayari gayong hindi naman ako kamag-anak ni Don Pedro? Ni hindi nga niya ako kasundo. Madalas siyang mairita sa akin. Kahit kailan ay hindi ko naramdaman na itinuring niya akong higit pa sa isang drayber niya,” pagtataka ni Mang Cardo.

“Ibinilin niya sa akin na siguraduhin na ibigay ko sa’yo ang parte mo sa kayamanan. Humanga kasi sa iyo si Don Pedro dahil kahit na masama ang pinakita niya sa iyo ay nanatili ka sa kaniyang tabi at naging tapat sa kaniya at sa iyong serbisyo. Ilaan mo raw ang pera sa pagpapaganda ng inyong buhay ng asawa mo at apat mong mga anak. Siguraduhin mo raw na makatapos sila ng pag-aaral. Pati ang asawa mo, siguraduhin mo rin na maipapagamot siya at maoperahan. Ido-donate din ni Don Pedro ang kaniyang bato para sa operasyon ng iyong asawa,” dagdag pa ng ginoo.

Hindi pa rin makapaniwala si Mang Cardo sa lahat ng sinasabi sa kaniya ng naturang abogado. Lalong hindi siya makapaniwala na alam ng kaniyang amo ang lahat ng kaniyang problema.

“Buong akala ko ay wala siyang pakialam sa lahat ng kinukwento ko sa kaniya. Akala ko ay balewala lang sa kaniya ang lahat ng problema ko. Ngunit heto ka ngayon at sinasabi sa akin na nagawan niya ng solusyon ang lahat ng iyon. Tama ang nasa loob ko, mukha mang istrikto at walang puso ang amo namin, mabait pa rin ang kaniyang kalooban,” umiiyak na sambit ni Mang Cardo.

Iniwan ni Don Pedro kay Mang Cardo ang mahigit sa kalahati ng kaniyang buong kayamanan. Inis man ang ilang kamag-anak sa naging desisyong ito ng mayamang don ay wala silang magawa dahil ito ang nakasulat sa iniwan nitong testamento.

Tinupad ni Mang Cardo ang pangako na bigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya. Maging ang kaniyang asawa ay nadugtungan na ang buhay, salamat sa mga bato na na-donate ni Don Pedro. Ngayon ay tiyak na ang magandang kinabukasan ng pamilya ni Mang Cardo. Labis ang kaniyang pasasalamat sa yumaong amo dahil sa kabaitan nito.

Advertisement