
Sa Hindi Pagsunod sa Utos ng Asawa ay Nakipaghiwalay Ito Agad sa Kaniya; Makalipas ang Isang Taon ay Sumambulat ang Katotohanan
“Ayoko na, Andrew! Mas maiging maghiwalay na lang muna tayong dalawa!” matigas at mariin na wika ni Verly sa asawa.
“Ano?! Hiwalay agad, Verly?” gulat na wika ni Andrew.
“Ito nga lang simpleng inuutos ko sa’yo, hindi mo pa magawa nang tama. Ano na lang kaysa sa mga susunod na taon nating pagsasama,” ani Verly.
Inutusan niya si Andrew na pakainin ang mga alagang hayop dahil medyo mahuhuli siyang umuwi sa bahay kaysa rito. Ngunit nakauwi na lang siya ng bahay ay hindi pa rin pala nito napapakain ang mga alaga. Ang dahilan nito ay alas otso na rin itong nakauwi dahil may mga kailangan tapusin sa opisina, at pagdating sa bahay ay agad na nagsaing at naghanda ng makakain sa hapunan, kaya nawala sa isip niya ang pagpapakain sa mga alaga nila.
“Kahit na! Dapat mas inuna mo silang pakainin, para ko na rin silang mga anak. Kung gano’n pala kapag may anak na tayo’y makakalimutan mo rin silang pakainin?!” matigas pa ring wika ni Verly.
“Okay. Sorry na, sorry na. Kasi nakalimutan ko silang pakainin,” ani Andrew. “Pero ang babaw naman ng dahilan mo, Verly, para makipaghiwalay ka sa’kin nang dahil lang d’yan,” dugtong niya.
“Kahit na! Basta ayoko na, makikipaghiwalay na ako sa’yo. Pagod na ako sa’yo, Andrew!”
“Pagod ka na? Halos dalawang buwan pa nga lang tayong ikinakasal, Verly,” ani Andrew sa hindi makapaniwalang tono.
“Bakit, nasa haba o tagal ba iyon ng panahon kung kailan ka pwedeng mapagod, Andrew?” tugon ni Verly.
Walang nagawa si Andrew kung ‘di hayaan ang asawa sa desisyon nitong makipaghiwalay sa kaniya. Ngunit hinding-hindi niya ipapawalang bisa ang kasal nila.
Isang taon ang lumipas nang makarating kay Andrew ang balitang may iba na raw na kinakasama ang asawang si Verly. Matapos nitong makipaghiwalay sa kaniya ay umalis ito patungong Manila, at doon mas piniling mamuhay— malayo sa kaniya.
Hindi na sinubukan pa ni Andrew na pigilan ang asawa. Hinayaan na lamang niya ito, dahil kahit anong pakiusap at hingi niya ng tawad rito’y pursigedo na talaga itong makpaghiwalay sa kaniya, sa kung ano man ang dahilan nito noon ay hindi niya alam. Ngunit ngayon ay alam na niya.
Dahil may iba na itong gusto. Ang sabi nang kaibigan niyang kararating lang nang Manila ay ang lalaking kinakasama nito ngayon ay sumundo kay Verly sa Pier, at mas piniling magsama roon upang hindi niya malaman. Ngunit sa kamalas-malasan ni Verly ay nalaman iyon nang kaibigan ni Andrew dahil nobya nito ang kasama sa trabaho nang kinakasama ngayon ni Verly.
“Anong desisyon mo ngayon, p’re?” untag ni Erik sa kaniya. “Pasensya ka na p’re, kung ngayon ko lang nasabi sa’yo. Hinahanap kita sa social media pero hindi kita mahanap.”
“Wala akong kahit anong social media, p’re. Kaya malamang hindi mo talaga ako mahahanap,” ani Andrew.
“Anong desisyon mo ngayon, p’re? Ipapawalang bisa mo na lang ba iyong kasal ninyo at tuluyang palalayain ang asawa mong hindi naman talaga naging asawa sa’yo. O kakasuhan silang dalawa?”
Ang totoo ay hindi rin alam ni Andrew kung ano nga ba ang dapat niyang gawin? Tama si Erik, kahit kailan ay hindi naman nila nagampanan ni Verly ang salitang asawa, dahil dalawang buwan lang silang ikinasal at nagsama, saka nakipaghiwalay na ito sa napakababaw na dahilan.
Upang maliwanagan si Andrew ay nagdesisyon siyang puntahan ang asawa sa Manila at personal na kausapin. Gusto niyang malaman kung ano ba talaga ang gusto nito at kung ano ba ang gusto niyang mangyari, kapag nakita na niya ulit ang asawa.
“A-andrew?” gulat na sambit ni Verly nang makita siya. “Ano’ng ginagawa mo rito?”
“Nandito ako para makita ka,” aniya.
“Andre, please huwag kang mag-iskandalo dito. Nakakahiya sa mga kapitbahay,” nakikiusap na wika ni Verly.
“Nahihiya ka sa mga kapitbahay, Verly, pero hindi ka nahiya sa’kin?” nasasaktang wika ni Andrew.
“Andrew,” mahina nitong wika.
“Alam mo sana hindi mo na lang ako pinakasalan kung hindi naman pala talaga ako ang mahal mo, Verly. Ang sakit isipin na parang ginamit mo lang ako. Ano bang naging kasalanan ko sa’yo?” puno nang hinanakit na wika ni Andrew.
“Patawarin mo ako, Andrew,” mangiyak-ngiyak na wika ni Verly. “Ikaw kasi ang gusto nila mama at papa para sa’kin, kaya napilitan akong pakasalan ka. Akala ko matututunan kitang mahalin, ngunit nagkamali ako, Andrew. Kaya hangga’t maaga pa ay nakipaghiwalay na ako sa’yo. Inisip ko na hindi ka masasaktan nang sobra dahil saglit lang naman tayong nagsama,” humihikbing dugtong ni Verly.
Mariing naikuyom ni Andrew ang kaniyang kamao dahil sa sinabi ni Verly. Gusto niyang magmura at magwala. Bakit ang sakit malaman ng katotohanan?
Sapat na ang sinabi ni Verly upang magdesisyon siyang tuluyan na itong palayain. Ayaw niyang itali ang babaeng kailanman ay hindi magiging masayang makasama siya. Masakit… pero tama si Verly, na hindi masyado, dahil wala naman silang mabigat na alaalang nagawa noong nagsasama pa sila.
Para kay Andrew ay bigla siyang nadalang magmahal at magpakasal ulit. Pero alam niyang darating ang araw na matatagpuan niya ang babaeng mahal siya, hindi dahil iyon ang gusto ng mga magulang nito o ng sinuman. Kung ‘di mahal siya, bilang siya mismo.