Inday TrendingInday Trending
Tila Tahimik sa Presinto nang Gabing Iyon; Hanggang sa Isang Kakaibang Kaso ng Pagnanakaw ang Natanggap Nilang Tawag

Tila Tahimik sa Presinto nang Gabing Iyon; Hanggang sa Isang Kakaibang Kaso ng Pagnanakaw ang Natanggap Nilang Tawag

Kampante si Teniente Bautista dahil nang gabing iyon, tahimik sa presinto kung saan siya naka-duty.

Hindi iyon kagaya ng madalas na mangyari na maya’t maya sila kung makatanggap ng tawag mula sa mga residente, mula sa magkapitbahay na nag-aaway, mga nakawan at kung ano-ano pa.

Mukhang napansin din iyon ni Tonyo, isa sa mga baguhang pulis. Inabutan siya nito ng kape bago nagbiro.

“Mukhang tulog na ang mga loko-loko sa kanto ngayon, Sir. Himala yatang wala tayong natatanggap na tawag?” komento nito.

Baka pa siya makasagot ay tila tuksong tumunog ang telepono sa istasyon. Nakasimangot na sinagot ng kasama niya ang tawag.

“Sir, may nagtangka raw magnakaw sa botika sa kabilang kanto. Nahuli naman daw nila pero kailangan nating puntahan,” nagkakamot ng ulong pagbabalita nito.

Agad-agad siyang tumayo at lumabas ng presinto. Sakay ng police patrol ay magkasama silang nagtungo sa lugar para rumesponde. Doon ay naabutan niya ang may-ari ng malaking botika na galit na galit habang nagtatatalak.

“Ano hong nangyari dito?” tanong niya.

“Naku, mabuti naman at nandito na kayo, mamang pulis! Ayan ang magnanakaw! Hulihin niyo ‘yan para ‘di na makaulit!” inis na bulalas nito bago itinuro ang isang panig ng botika.

Noon niya lamang napansin ang isang batang lalaki. Marungis ito at payat na payat ang pangangatawan. Tahimik itong umiiyak habang nakayuko. Sa tantiya niya ay nasa anim hanggang pitong taong gulang pa lamang ang edad nito.

“Tara na, bata,” sabi ni Tonyo. Akmang kukunin na nito ang bata para dalhin sa presinto pero pinigilan niya ang kasama.

Sa halip ay nilapitan niya ang bata para usisain.

“Totoo ba ang sinasabi niya? Nagnakaw ka ba talaga sa lugar na ito?” marahan niyang tanong sa bata.

Tumango naman ang bata habang wala pa ring tigil sa pag-iyak.

“Kita niyo na! Totoo ang sinasabi ko! Grabe na talaga ang mga tao ngayon. Matanda man o bata, masasama!” narinig reklamo ng may-ari ng botika.

Nilingon niya ito. “Pwede ho bang makita kung ano ang mga tinangka niyang kunin?”

Itinuro naman nito ang ilang piraso ng gamot na nakapatong sa estante.

“Bakit mo ito kinuha? May sakit ka ba? Kailangan mo ba ng gamot?” sunod-sunod niyang tanong sa pag-asa na malaman niya ang rason sa likod ng ginawa nito. Sigurado kasi siya na may dahilan ang bata. Sino ba naman kasing magulang ang magtuturo sa isang paslit na magnakaw ng gamot?

Umiling lamang ito. Nang salatin niya rin ang noo ng bata ay nalaman niyang normal naman ang temperatura nito.

Ngunit bakit ito nagnakaw ng gamot? Para kanino?

“Anong pangalan mo? Pwede mo bang sabihin?” muli ay tanong niya sa bata.

Tila may nais itong sabihin ngunit gaya kanina ay bigo siyang makakuha ng sagot kaya wala silang ibang nagawa kundi ang dalhin ito sa presinto. Hindi kasi nila alam kung saan ito ihahatid at delikado para sa bata ang manatili sa kalsada nang mag-isa.

Tahimik lamang itong umupo sa isang sulok ng presinto, hindi umiimik. Inabala niya ang sarili sa pag-aayos ng mga dokumento subalit ginulat siya ng malakas na boses ni Tonyo.

“Sir, nawala ho ‘yung bata! Naku! Saan kaya nagpunta ‘yun?” takang tanong nito.

Hinanap nila ito sa buong presinto ngunit hindi nila ito nakita.

Nakita nila ito sa labas ng presinto. Nakaupo ito habang pinapakain sa isang asong kalye ang biskwit na binigay niya rito kanina. Tahimik nila itong inobserbahan.

Noon siya tunay na nakasigurado na hindi ito masamang bata kagaya ng iniisip ng may-ari ng botika. Natigilan siya nang mapagtantong kinakausap nito ang aso, hindi sa pamamagitan ng pagsasalita kundi sa pagsenyas.

Wala pala itong kakayahan na makapagsalita!

Nilapitan niya ang bata. Nagsimula siyang sumenyas sa bata upang iparating ang kaniyang mga nais niyang sabihin, kagaya ng kung bakit nito nagawang magnakaw, at kung kailangan ba nito ng tulong.

Tumango ang bata. Itinuro nito ang daan papunta sa maliit na bahay na gawa sa tagpi-tagping yero at kung ano-ano pang materyales.

“Tao po!” malakas na sigaw niya.

Sa siwang ng pinto ay sumilip ang isang payat na babae. Tila nakahinga ito nang maluwag nang makita ang batang kasama nila.

“Jeboy, anak! Kanina pa kita hinahanap. Saan ka ba nagpunta?” Niyakap nito ang bata.

“Naku, maraming salamat po sa paghatid sa kaniya rito. Saan niyo po siya nahanap? Gusto ko sanang lumabas ngunit may sakit ako at hirap pang lumakad. Pasensya na ho talaga sa anak ko,” nahihiyang wika ng babae.

Nagkatinginan ang dalawang pulis. Noon nasagot ang kanilang tanong. Ang gamot na tinangkang kunin ng batang si Jeboy ay hindi para sa sarili nito kundi para sa ina nitong may dinaramdam.

Panay ang pag-iyak ng ina ng bata nang ikwento nila rito ang nangyari sa botika.

“Patawad ho, hindi ho masamang bata ang anak ko…” umiiyak na hingi nito ng paumanhin.

Nagdesisyon silang tulungan ang ginang magpunta sa ospital para matingnan ng doktor kahit papaano.

Si Teniente Bautista na rin ang nagbayad sa ospital. Bumili siya ng pagkain at gamot na alam niyang kakailanganin ng mag-ina.

Ganoon na lamang ang pasasalamat ng babae sa kanila, Si Jeboy naman ay walang patid ang pagsenyas ng pasasalamat.

Bago sila umalis ay pinaalalahanan niya pa si Jeboy gamit ang pagsenyas.

“”Wag mo nang uulitin ang ginawa mo kanina. Masama ang magnakaw. Kung may kailangan ka, hanapin mo ako sa presinto,” bilin niya sa bata.

Sa pagkagulat niya ay niyakap siya ni Jeboy nang mahigpit. Tila iyon lamang ang alam nitong paraan upang makapagpasalamat.

Pabalik na sila ng presinto nang lingunin siya ni Tonyo at tanungin kung paano siya natuto ng sign language.

Ngumiti siya sa kasama. “Hindi rin nakakapagsalita ang nanay ko. Gusto ko siyang maintindihan kaya kahit mahal ang bayad, pinag-ipunan ko ang bawat klase para sa matuto ako ng salita niya.”

Hindi malilimutan ni Tenienta Bautista ang gabing iyon. Minsan lang kasi siya makatagpo ng isang batang kagaya ni Jeboy, na sa murang edad ay walang takot na sumugal para sa pinakamamahal nitong ina.

Mabuti na lamang at imbes na husgahan at inunawa nila ang sitwasyon ng bata. Pakiramdam niya ay nagawa niya ang sinumpaan niyang tungkulin – ang protektahan ang mga tunay na naaapi!

Advertisement