Inday TrendingInday Trending
Nang Nakilala Niya ang Lalaki ay Halos Sumuko na Ito sa Buhay; Makalipas ang Panahon ay Nagulat Siya sa Pagbabago Nito

Nang Nakilala Niya ang Lalaki ay Halos Sumuko na Ito sa Buhay; Makalipas ang Panahon ay Nagulat Siya sa Pagbabago Nito

“Dito na nagtatapos ang aking pagbabahagi ngayong araw. Maraming salamat sa pagpunta! Magkita ulit tayo sa susunod.”

Nagpalakpakan ang lahat nang matapos sa pagsasalita si Propesor Jaime Vasquez. Unti-unti na ring nagsialisan ang mga pasyenteng tagapakinig ng programa niya sa rehabilitation center na iyon.

Paglabas ni Jaime ay naabutan niya sa labas ang isa sa mga pasyente. Matamlay ito habang nakaupo at tila naghihintay sa kaniya. Si Christian Ramos, sa tantiya niya ay nasa bente aniyos ang edad.

“Sir! Nakikilala niyo po ba ako?” tanong ng binata.

Tumango siya. “Oo naman.”

Paanong hindi? Parang kahapon lang noong unang beses siyang tumapak sa pasilidad para simulan ang isang programa na naglalayong matulungan ang mga ito nang nag-amok ang lalaki sa gitna ng programa. Tandang-tanda niya pa ang mga sinabi nito noon.

“Hindi totoo ‘yang sinasabi niya! Niloloko niya lang kayo! Sa tingin niyo ba talaga ay ganoon kadali ang lahat? Akala niyo, paglabas niyo rito ay mabubura ang lahat ng kasalanang nagawa niyo noong lulong pa kayo sa ipinagbabawal na gam*t? Hindi na! Kaya’t ‘wag na ‘wag kayong papaloko!”

Kaya naman isa si Christian sa mga taong hindi niya malilimutan.

“Bakit mo nga pala ako hinihintay? May kailangan ka ba sa akin? Nagbago na ba ang isip mo?” sunod-sunod niyang tanong.

Ngumiti ang lalaki at may ipinakita sa kaniya. Agad niyang nakilala ang magazine na hawak nito.

“Kasama ito sa mga ipinadala sa akin nila Mama at Papa. Mga babasahin para ‘di ako masyadong mabagot dito. Nabasa ko po ang interview niyo rito at nabanggit niyong minsan na rin kayong pumasok sa rehabilitation center. Nagbabakasakali lang po ako kung pwede niyong ikwento nang personal.”

Mataman niyang tinitigan ang binata bago unti-unting sumilay ang ngiti sa kaniyang labi.

“Oo ba. Halika, magkape tayo,” paanyaya niya.

Habang tanaw ng dalawa ang malawak na bakuran sa likod ng pasilidad ay sinimulan niyang ikuwento ang madilim ngunit hindi makakalimutang parte ng kaniyang buhay.

“Lumaki ako sa magulong pamilya. Lasinggero si Tatay kaya sa tuwing uuwi siya, sinasaktan niya si Nanay sa harapan ko mismo. Hindi na natiis ni Nanay kaya isang araw, naglayas siya at iniwan kami. Naiwan ako kay Tatay hanggang sa magkasakit siya at tuluyan nang sumakabilang buhay.”

Saglit siyang huminto. Inaalala niya ang mapait niyang nakaraan.

“Wala akong nagawa kundi sumama kala Tita pero ganoon pa rin, sinasaktan ni Tito si Tita sa harapan ko. Minsan pati ako. Wala ring araw na hindi niya pinapaaalala sa akin na palamunin ako ng pamilya nila. Dahil doon, na-barkada ako. Nagloko sa pag-aaral. Sigarilyo at alak ang naging karamay ko sa araw-araw hanggang sa pinakilala sa akin ng mga kaibigan ko ang pinagsisisihan ko sa lahat, ang paggamit ng dr*ga,” patuloy niyang pagsasalaysay.

Nakita niyang tumingin sa kaniya si Christian ngunit hindi ito nagkomento.

“Kapag sinubukan mo nang isang beses, hahanap-hanapin mo na hanggang sa hindi mo na makontrol. Ganoon ang nangyari sa akin. Nalulong ako at nasira ang buhay. Akala ko nga wala na akong pag-asa. Pero mali ako, dahil tingnan mo ako ngayon. Hindi mo nga aakalain na minsan na akong natulog sa gitna ng kalsada dahil wala ako sa sarili hindi ba?” biro niya pa, nagnanais na mapagaan ang atmospera.

Tumango ito at ngumiti.

“Kung ganoon, ano ang ginawa niyo para makabalik ulit at tuluyang makaahon sa adiksy*n?”

“Noong pasuko na ako at tatalon na sana sa tulay, may isang babaeng pumigil sa akin. Hindi ako makapaniwala noon, pero si Nanay ang nalingunan ko. Si Nanay na umalis noon. Humingi siya ng tawad sa akin, ang sabi niya ginusto niya akong balikan pero takot na takot siya kay Tatay. Tinulungan niya ako at ipinasok sa rehabilitation center. Syempre hindi naging madali ang lahat. Gusto ko nang sumuko pero kapag nakikita ko si Nanay, naiisip kong gusto ko na siyang makasama ulit at magsimula ulit. Isa pa, araw-araw niya akong pinagdadasal kaya sino ba naman ako sumuko, hindi ba?”

Ngumiti siya sa lalaki bago tinapik ang balikat nito.

“Kaya ikaw rin, Christian, ‘wag na ‘wag kang susuko. Hindi pa tapos ang laban. Hindi naman pwede na itigil natin ang buhay dahil lang sa isang pagkakamali. Lalo pa’t mukhang suportado ka ng pamilya mo. Maswerte ka. Sigurado ako na gaya ng nanay ko, paulit-uliit ka ring pinagdarasal ng pamilya mo,” payo niya rito bago siya nagpaalam sa binata.

Iniwan niya itong tulala at tila may malalim ang iniisip.

Isang taon ang matuling lumipas. Katatapos lang ng klase kaya naman pabalik na siya sa kaniyang opisina nang madatnan niya ang isang pamilyar na mukha sa naghihintay sa labas ng opisina niya.

Dahan-dahan niyang nilapitan ang binata.

“Christian?” naniniguradong bulalas niya.

“Sir Jaime! Opo, ako nga po ito!” nalulugod na tugon nito.

“Kumusta ka? Mukhang maayos na ang lagay mo!” natutuwang papuri niya sa binata.

Tumango ito at malawak na ngumiti.

Kagaya noong araw na huli silang magkita ay nagtungo sila sa labas para magkape at magpahangin ngunit sa pagkakataong iyon ay ito naman ang nagkwento.

Nagbukas raw ito ng maliit na negosyo para sa bagong simula ng buhay nito. Ibang-iba na ang lalaki kumpara sa taong nakilala niya noon. Kung noon ito ay para itong kandilang nauupos, ngayon ay kitang-kita niya ang kasiyahan na umaabot sa mga mata nito.

“Napakalaki ho ng pasasalamat ko at nakilala ko kayo ng mga panahon na iyon. Maaaring sa inyo ay simpleng salita at mga payo lang iyon ngunit para po sa akin, isa ‘yung inspirasyon at pag-asa na hindi pa huli ang lahat para sa akin. Binigyan niyo po ako ng lakas na magpatuloy kaya maraming salamat po,” sinsero nitong pahayag.

Buong puso niya itong sinuklian ng ngiti. Masaya rin siya na nakilala niya ito noong panahong kailangan nito ng karamay. Minsan kasi, sa pinakamadilim na laban ng ating buhay, ang kailangan lang natin ay munting liwanag na tatanglaw sa ating dinaraanan.

Advertisement