Inday TrendingInday Trending
Isang Malaking Sala ang Nagawa ng Drayber; Ano Nga Ba ang Tunay na Nangyari?

Isang Malaking Sala ang Nagawa ng Drayber; Ano Nga Ba ang Tunay na Nangyari?

“Ang galing! Mabuti naman at naipanalo mo ang kasong iyon. Hindi ko inakala dahil maski ako nahirapan dahil sa mga konkretong mga ebidensiya, pero ikaw, nakahanap ng saksi!”

Halos mapunit ang labi ng abogadong si Rommel sa laki ng ngiti dahil sa papuring natanggap niya mula sa kaniyang boss.

Ilang buwan pa lamang siya nagtatrabaho, baguhan siyang maituturing, kaya’t hindi rin niya akalain na ganoon ang magiging resulta ng kasong hinawakan niya.

Gayunpaman ay masaya siya para sa kliyenteng makakabalik na sa pamilya nito lalo na’t nasaksihan niya kung gaano kahirap ang pinagdaanan nito.

Iyon ang rason kung bakit pinangarap niyang maging isang abogado. Gusto niyang maipagtanggol ang mga naaapi.

Gusto niyang protektahan ang mga inosente kaya naman hindi siya makapaniwala nang isang araw ay iabot ng boss niya ang mga dokumento na naglalaman ng bagong kaso.

“Ano hong ibig sabihin nito? Ito ang bago kong kliyente?” gulantang niyang tanong.

Hindi siya makapaniwala. Pamilyar ang kaso na iyon dahil napanood niya iyon sa telebisyon noong isang araw. Tandang tanda niya pa ang galit na naramdaman niya sa may sala kaya’t ang isipin na siya ang magiging abugado ng naturang suspek ay hindi niya masikmura!

“Bakit ako?” tanong niya.

Kumunot ang noo nito. “Bakit hindi ikaw? ‘Wag mong sabihin na tatanggi ka? Namimili ka ba ng kliyente?”

Mataman niyang tiningnan ang kaniyang boss bago niya inilabas ang saloobin.

“Ginah*sa niya ang kaniyang biktima na ngayon ay nanganganib ang buhay dahil sa pinsalang tinamo. Sinubukan niya pang tumakas at iwan ang biktima na nag-aagaw buhay sa gitna ng kalsada! Anong klaseng tao ang gagawa nito? Hindi ko kayang maging tagapagtanggol ng isang krimin*l. Hindi ako nagpakahirap mag-aral ng abogasya para sa ganitong klase ng tao, Sir!” galit na litanya niya.

“Nakakasiguro ka ba? Alam mong inosente siya hangga’t walang hatol ang korte,” giit nito.

“Hindi pa ba sapat ang mga ebidensyang nakalap? May nakasaksi rin ng nangyari!” pagpupumilit niya.

Ngunit tila hindi ito susuko sa pagkumbinsi sa kaniya.

“Bilang abogado, kailangan mong tingnan ang isang bagay sa mas malalim na perspektibo. Paano kung mayroon pa palang ibang kwento sa likod ng narinig natin sa balita? Gamitin mo ang oportunidad na ito para malaman ang katotohanan,” matigas nitong payo.

Wala siyang nagawa kundi ang sundin ang utos ng boss niya. Kinabukasan ay natagpuan niya ang sarili sa harap ng tulalang susp*k na si Ed Solomon.

Base sa itsura nito ay mukhang wala ito sa sarili at hindi ito makapaniwala na nakakulong ito ngayon.

Nagpakilala siya rito. Nang malaman nitong abogado siya ay nanginginig nitong hinawakan ang kaniyang kamay. Umiiyak itong nagmakaawa at humingi ng tulong.

“Hindi ko ginawa iyon, Attorney. Wala akong kasalanan, maniwala kayo sa akin. Inosente ako! Paano ko magagawa ang karumal-dumal na krim*ng iyon gayong mayroon akong dalawang anak na babae? May asawa ako at may nanay? Tulungan n’yo po ako!” humahagulgol na pagmamakaawa nito.

Tumango siya at bumuntong hininga. Kahit paano ay nakumbinsi siya na baka nga kailangan niyang marinig ang istorya nito.

“Kung ganoon, ikwento niyo ho sa akin ang lahat ng natatandaan niyo. Gagawin ko ang lahat para matulungan kayo.”

Desperado itong tumango at sinimulan ang kwento.

“Isang normal na araw lamang iyon ng pamamasada ko. May pasaherong nagpapasundo malapit sa lugar na pinangyarihan ng krim*n kaya ako pumunta pero pagdating ko roon ay wala namang tao. Mula sa kabilang banda ng kalsada ay may sasakyang humarurot palayo. Aalis na sana ako nang may nakita akong gumagalaw sa kalsada. Akala ko ay sugatang hayop ngunit nagulat ako na isang babae pala. Isinasakay ko siya sa sasakyan para dalhin sa ospital nang dumating ang mga pulis. Ang akala nila’y tumatakas ako,” umiiyak nitong salaysay.

Tumango siya sa narinig. Mukhang may katotohanan naman ang kwento nito base sa mga datos na nakalap niya mula sa pag-iimbestiga. Mukhang na-frame up ang pobreng drayber.

“May mga nakakita raw na kayo ho ang may gawa noon sa biktima kaya mahihirapan tayo pero tutulungan ko kayo sa abot ng aking makakaya,” pangako niya.

Buong maghapon ay pinag-aralan niya ang kaso. Lahat ng ebidensya ay hindi pabor sa kanilang panig kaya’t nagdesisyon siyang magtungo sa lugar mismo para maghanap ng CCTV o kung anumang makakatulong sa kaso subalit wala siyang makita.

Papaalis na sana siya nang makarinig siya ng tunog ng cellphone. Nang sundan niya kung saan nagmumula ang tunog ay doon niya nakita ang isang cellphone na nakatago sa mga mataas na talahib. Mukhang tumalsik ito roon.

Halos mapatalon siya nang makumpirma na ang cellphone na iyon ay pagmamay-ari ng biktima na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.

Kinalikot niya iyon at napangisi siya nang makita ang nilalaman ng cellphone. Sapat na kasi iyong ebidensya para patunayan na inosente ang kaniyang kliyente na si Ed.

Sa kwento na rin ng biktima na sa kabutihang palad ay ligtas na mula sa panganib, nalaman nila ang buong istorya, dahilan upang magkaroon si Rommel ng mas matibay na ebidensya.

“Masyadong seloso ang nobyo ko. Hindi ko alam kung anong nangyari kasi hindi naman siya ganoon noon. Alam namin pareho na malaki na ang lamat ng relasyon namin. Nagkita kami noong gabing iyon dahil gusto ko nang makipaghiwalay, pero tinangka niya akong hal*yin. Nakatakas ako pero marahil dahil sa sobrang galit niya ay pinukpok niya ako sa ulo. Iniwan niya ako sa kalsada nang nag-aagaw buhay,” kwento ng babae. Sa mukha nito ay bakas ang matinding takot habang inaalala ang mga pangyayari.

Dahil sa ebidensya ay naging malinaw kung sino ang tunay na may sala. Grabe ang saya na naramdaman ni Rommel nang makita niya na inaaresto ang tunay na may sala – ang nobyo ng babaeng biktima.

Nakamit din nila ang hustisyang inaasam. Lumabas din ang tunay na istorya, at nakulong ang tunay na dapat managot!

“Maraming salamat ho at naniwala kayo sa akin, Attorney. Akala ko ho ay hindi niyo ako papanigan dahil mahirap lang ako!” abot-abot ang pasasalamat ni Ed.

“Trabaho ko na alamin ang totoo dahil buhay ng inosente at may sala ang nakasalalay rito. Hindi pwedeng maparusahan ang inosente at manatiling malaya ang mga masasama,” nakangiting paliwanag niya sa lalaki.

Masayang-masaya si Rommel. Hinding-hindi siya titigil sa pagtatanggol sa mga inosente!

Advertisement