
Hindi Mapatawad ng Binatang Ito ang Ama Niyang Nagloko, Isang Pangyayari ang Nakapagpalambot sa Puso Niya
“Jerik, nabati mo na ba si papa ngayong araw ng mga tatay?” tanong ni Ben sa kaniyang bunsong kapatid, isang hapon nang makita niya itong naninigarilyo sa labas ng kanilang bahay habang lahat sila ay nagkakasiyahan sa loob.
“Bakit ko ‘yon babatiin? Naging tatay ba siya sa atin? Ngayon lang naman ‘yon nagpakaama kunyari sa atin kung kailan may sari-sarili na tayong trabaho. Pero dati, nang gumagapang pa tayo sa hirap ng buhay, nasaan siya? Nandoon, nagpapakasasa sa mga babae!” inis na pangangatwiran ni Jerik habang panay ang hithit sa hawak na sigarilyo.
“Jerik, patawarin mo na si papa. Nagbago na naman siya, eh. Nakikita mo naman sa pakikitungo niya kay mama at sa mga anak namin ng mga ate mo kung gaano niya pinagsisihan ang ginawa niyang kalokohan noon. Kung si mama nga nagpatawad, eh, tayo pa kaya?” pangongonsenya ng kapatid niyang ito na ikinailing niya na lang.
“Kahit malagutan ako ng hininga ngayon, hindi ko ‘yan kakausapin,” pagmamatigas niya.
“Paano kung siya ang mawala bigla? Hindi ka ba manghihinayang na hindi mo siya nabati sa una at huling pagkakataon?” tanong nito na ikinatawa niya pa.
“Hindi, sino ba siya?” tanong niya saka agad na tinapon ang upos na natira at umalis gamit ang kaniyang motorsiklo.
Hindi magawang mapatawad ng binatang si Jerik ang ama niyang nang-iwan sa kanila noong siya’y bata pa lamang. Kahit na palagi itong naglalambing sa kaniya, palagi niya itong binubulyawan at tinatanong, “Sino ka ba?” na ikinahahabag ng kanilang buong pamilya.
Wala pa siyang limang taon nang iwan sila nito dahil sa mga babaeng bayaran na kinakalantari nito. Simula noon, nagtanim na siya ng sama ng loob dito at ipinangako niya sa sarili na kahit anong mangyari hindi niya ito muling tatanggapin at hinding-hindi siya magiging katulad nito.
Kaya naman ngayong dalawapung tatlong gulang na siya at bumalik na ito muli sa kanilang pamilya, kahit anong gawin nito, hindi pa rin lumalambot ang puso niya.
Pagtimplahan man siya nito ng kape tuwing umaga, paghandaan ng pagkain tuwing tanghali, gawan ng paborito niyang meryenda, at labhan man nito ang kaniyang mga damit, hindi niya pa rin ito pinapansin at pinapakita niya pang hindi siya masaya sa mga ginagawa nitong paglalambing.
Nang araw na ‘yon, napilitan lang talaga siyang dumalo sa selebrasyon na iyon dahil sa kaniyang ina. Kaya pagkatapos nilang kumain, agad na rin siyang umalis at nagpunta sa bahay ng kaniyang kaibigan upang mag-inom at makalimot.
Doon niya ibinuhos ang lahat ng sama ng loob na nararamdaman niya sabay kampay ng alak kasama ang mga kaibigan niya.
Wala nang mas sasaya sa puso niya ng mga oras na iyon, wika niya pa, “O, ‘di ba? Kaya kong maging masaya kahit wala siya!”
Inabot na siya ng umaga roon dahilan para roon na rin siya matulog. Ngunit, maya maya, bandang mga tanghali, nagising na lang siya sa tawag ng kaniyang mga kapatid.
“Ano na naman bang gustong mangyari ng mga ito?” inis niyang tanong bago sagutin ang tawag ng kaniyang kuya, “O, bakit ba?” siga niyang tanong dito.
“Nasa ospital kaming lahat ngayon. May tinatago palang sakit si papa, inatake siya kaninang madaling araw. Ikaw na lang ang hinihintay niya para makapagdesisyon na siya,” hikbi nito na talagang nagpatayo sa balahibo niya at nagpagising sa diwa niya.
“Kuya, huwag kang magbiro nang ganyan, kakagising ko lang!” sigaw niya rito ngunit humagulgol na ito nang tuluyan dahilan para mapahangos na siya sa ospital na tinutukoy nito.
Pagdating niya sa ospital, tumambad sa kaniya ang nag-iiyakan niyang mga kapatid at nanay habang hihinga-hinga ang tatay niyang maraming aparatong nakakabit sa katawan. “Bu-bunso ko…” sambit nito dahilan para maiyak na siya.
“Huwag ka nang magsalita, papa, lumaban ka, ha. Gusto ko pang bumawi sa’yo,” iyak niya dahilan para mag-iyakan lalo ang kanilang buong pamilya.
At doon na biglang dumating ang mga doktor at agad nang pumayag ang ama niyang magpaopera habang nakatitig sa kaniya.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan nang naoperahan ang kaniyang ama at ilang araw pa ang dumating, milagroso itong bumalik sa malakas na pangangatawan.
“Iba talaga ang tatay ko!” bati niya rito, isang umaga pagkagising niya habang tinitimplahan siya nito ng kape. “Ikaw ang lakas ko, bunso, salamat at pinatawad mo ako,” nakangiting wika nito saka siya niyakap nang mahigpit.
Wala nang mas sasaya pa sa pamilya nila nang mga araw na iyon. Masaya siya sa mas matibay na pamilyang mayroon sila ngayon.