Inday TrendingInday Trending
Tinatamad Magbenta sa Kanilang Tindahan ang Dalagang Ito, Naiyak Siya nang Wala nang Bumili sa Kanila

Tinatamad Magbenta sa Kanilang Tindahan ang Dalagang Ito, Naiyak Siya nang Wala nang Bumili sa Kanila

“Andeng, pabili nga ako ng limang pisong harina at tatlong pisong pamintang durog. Pakilagay sa plastik, ha, marumi kasi ang kamay ko,” sambit ni Marie sa tindera ng sari-sari store sa tabi ng bahay nila, isang umaga habang panandalian niyang iniwan ang niluluto niyang pang-uulam ng kaniyang mga anak.

“Wala kaming tindang harina at pamintang durog,” tipid na sagot ni Andeng habang panay pa rin ang pindot sa kaniyang selpon.

“Wala? Kakabili ko lang kanina sa nanay mo at kitang-kita ko na isang garapon pa ‘yong harina niyo at ‘yong pamintang durog, nakasabit lang doon sa tabi ng mga ketchup!” sagot ng ginang na ito na kaniyang ikinainis.

“Wala nga, eh!” pabalang niyang tugon dito na lalong ikinataas ng boses nito.

“Alam mo, kung ayaw mong magtinda, ipasara mo na lang sa nanay mo ‘tong tindahan niyo. Napakatamad mong bata ka!” sambit pa nito sa kaniya dahilan para tumaas ang kilay niya.

“Alam mo, kung ako sa’yo, huwag ka ritong bumili. Roon ka na lang bumili sa ibang tindahan!” sigaw niya rito saka niya ito hinagisan ng nadampot niyang mga balat ng chichiryang kinain niya.

“Malugi sana ‘yang tindahan niyo dahil sa katamaran mo!” bulyaw din nito sa kaniya saka agad umalis sa harapan ng kanilang tindahan.

Tamad magbenta sa mga nabili sa kanilang sari-sari store ang dalagang si Andeng. Kahit iyon na lang ang pinagkukuhanan nila ng pera ng kaniyang ina, sa tuwing siya ang nagbabantay dito, kakaunti ang kinikita ng tindahang ito dahil kahit na mayroon naman sila ng mga hinahanap na produkto ng mga mamimili agad niyang sasabihing wala lalo na kung napapasarap ang paggamit niya ng selpon.

May mga oras pa nga kapag napunta sa simbahan ang kaniyang ina, isasara niya ang tindahang ito at siya’y matutulog. Ni hindi siya nanghihinayang sa mga bentang napapalampas niya na sana’y makatutulong sa nanay niyang mala-turumpo na kung magtrabaho.

Napipilitan lang kasi talaga siyang magbantay dito dahil sa utos ng kaniyang ina. Kung tutuusin nga, napakadali na ng gagawin niyang ito. Ngunit kinatatamaran niya pa dahil kumpiyansa naman siyang hindi malulugi ang tindahan nilang ito dahil sa sipag ng kaniyang ina.

Nang araw na ‘yon, pagkatapos nilang magsigawan ng ginang na iyon, nagpasiya na siyang magsara ng tindahan. Ayaw niya kasing mas lumala pa ang inis na nararamdaman niya kaya napagdesisyunan niyang magpunta na lang sa bahay ng kaniyang kaibigan at makisaya sa inuman doon.

Kumupit pa siya ng pera, alak, at ilang chichiryang pangpulutan sa tindahan nila saka agad na nagtungo sa bahay na iyon.

Kaya lang, pagkauwi niya, sumalubong sa kaniya ang nanay niyang tila problemadong-problemado habang binibilang ang kinita ng kanilang tindahan ngayong araw.

“Nanigaw ka na naman ng mamimili, ano? Tingnan mo, magkano lang benta natin. Mahirap pang iniiwan sa’yo ang tindahan, eh,” wika nito na hindi niya pinansin.

Dumalas ang mga araw na halos wala silang nabebenta. Swerte na kung maka-isang daang piso silang benta na labis na ikinabahala ng kaniyang ina.

At dahil nga sa pangyayaring iyon, unti-unti nang nalugi ang tindahan nila. Bukod nga kasi sa kakaunti na lang ang kanilang benta, sa tindahang ito na rin sila kumukuha ng pangkain nilang mag-ina dahil nga wala na silang mahugot na pera.

Doon niya labis na naramdaman ang hirap na noo’y hindi sumasagi sa kaniyang utak. Kitang-kita niya pa ngayon kung paano maghirap ang kaniyang ina na makiusap sa mga taong nadaan sa kanilang tindahan na bumili sa kanila.

“Lahat ng produkto wala kayo, sabi ng anak mo, kaya magsara na lang kayo!” sigaw ng kanilang mga kapitbahay dahilan para labis siyang maawa sa ina.

Labis niyang napagtanto nang mga oras na iyon ang kahalagahan ng sari-sari store na ito para sa kanilang mag-ina. Sising-sisi siya sa mga araw na hindi siya nagbebenta dahil lang sa katamaran niya.

“Ibalik niyo lang po ang dating sigla ng tindahan namin, pangako, magsisipag na akong magbenta,” iyak niya sa kaniyang silid habang tuloy pa rin sa paghahakot ng mamimili ang kaniyang ina.

Tila dininig naman kaagad ang kaniyang panalangin dahil kinabukasan, paggising niya, nagulat siya sa dami ng taong nakapila sa kanilang tindahan. Paglapit niya, roon niya nakitang nagtinda ng pang-almusal ang kaniyang ina gamit ang natitira nilang pera. Kasabay noon, naging mabenta na muli ang kanilang munting tindahan.

Simula noon, hindi na siya muling tinamad na magbenta sa tindahan nila dahil ayaw niya nang muling mahirapan ang kaniyang ina dahil lamang sa masamang pag-uugali niya.

Advertisement