Inday TrendingInday Trending
Pinili ng Binatang Ito ang Pamilya ng Nobya kaysa sa mga Magulang Niya, Sa Huli’y Nagsisi Siya sa Desisyong Ito

Pinili ng Binatang Ito ang Pamilya ng Nobya kaysa sa mga Magulang Niya, Sa Huli’y Nagsisi Siya sa Desisyong Ito

“O, anak, saan ang punta mo ngayon? Hindi ka ba rito manananghalian? Ang dami ko pa namang niluto para sa magiging selebrasyon natin ngayong Father’s Day,” sambit ni Herma sa kaniyang anak nang mapansin niya itong nag-aayos ng sarili sa sariling silid.

“Niyaya kasi ako ng pamilya ng nobya ko, mama, eh. Alam mo naman ‘yon sila, gusto e palaging kasama ako. Ako lang kasi ang nagpapatawa roon sa kanila, eh,” paliwanag ni Jonnie habang panay ang paglalagay ng gel sa kaniyang buhok.

“Paano naman kami ng papa mo, anak? Ikaw lang din naman ang nagpapasaya sa amin. Hindi mo ba naiisip na magiging malungkot ang tatay mo ngayon? Espesyal na araw para sa kaniya tapos wala ka,” wika ng kaniyang ina na labis niyang ikinasimangot.

“Nagbigay naman na ako ng regalo sa kaniya mama, binati ko na siya, at nagbigay na rin ako ng pera sa inyo panghanda, hindi ba? Kulang pa ba ‘yon? Palagi na lang kayong gan’yan kapag magpupunta ako sa bahay ng nobya ko,” tuloy-tuloy niyang sambit habang nagmamadaling magsuot ng sapatos dahilan para mapabuntong hininga na lang ang ina niya. Agad na rin siyang umalis nang hindi nagpapaalam pagkatapos noon.

Sa tuwing may mga importanteng selebrasyon, palaging wala sa bahay ang binatang si Jonnie upang makisaya sa kaniyang mga magulang. Palagi kasi siyang iniimbitahan ng pamilya ng kaniyang nobya na hindi niya rin naman matanggihan dahil bukod sa ayaw niyang sumama ang loob ng kaniyang nobya, gusto rin talaga niyang makasama ito sa mga mahahalagang selebrasyon sa isang buong taon.

Kaya lang, palagi naman niyang nakakaligtaan ang masasayang tagpong ito kasama ang mga magulang niyang siya lang din ang tinuturing kasiyahan dahil siya lamang ang nag-iisang anak ng mga ito.

Palagi niyang kinakatwiran sa ina tuwing siya’y pipigilang umalis ang pagbibigay niya ng pera sa mga ito upang may ipanghanda at mga regalong kaniyang ibinibigay sa pag-aakala niyang ito ang gusto ng kaniyang mga magulang.

At ngayong Father’s Day, katulad ng ibang mga selebrasyong hindi niya naipagdiwang kasama ang mga magulang, muli na naman niyang piniling makasama ang pamilya ng kaniyang nobya kaysa sa mga ito.

Nang araw na ‘yon, agad na siyang nagtungo sa bahay ng kaniyang nobya pagkatapos ng sagutan nila ng kaniyang ina.

Pagdating niya roon, agad niyang inialis ang inis sa isip niya at pinaltan ng mga ngiti saka agad nang tumulong sa pag-aayos doon para sa kanilang pananghalian.

Kaya lang maya maya, nang magsisimula na silang kumain, sandamakmak na tawag at mensahe mula sa kaniyang ina ang natatanggap niya dahilan upang muli na naman siyang mainis.

“Sagutin mo muna ‘yan, hijo, baka may emergency sa inyo,” payo ng ama ng kaniyang nobya dahilan para agad siyang lumabas ng bahay at sagutin ang tawag ng ina.

“Ano ba, mama? Hindi mo ba talaga ako hahayaang magsaya ngayon kasama ang pamilya ng nobya ko?” sigaw niya rito.

“Hoy, Jonnie! Kakauna mo riyan sa pamilya ng nobya mo, nasa ospital ngayon ang mga magulang mo! Inatake ang tatay mo ngayon at pilit siyang dinala ng nanay mo sa ospital. Ngayon, pati nanay mo, hindi makahinga sa sobrang pagkahapo!” laking gulat niya nang tiyahin niya ang sumagot dahilan para agad siyang magpaalam sa pamilyang kasama niya at dali-daling magpunta sa ospital.

Doon niya nakitang parehas na nakahiga sa kama ng ospital ang kaniyang mga magulang. Habang panay ang sermon ng tiyahin niya, katakot-takot na paghingi ng tawad ang ginawa niya habang hawak-hawak ang kamay ng mga ito.

“Pasensya na po, hindi ko naisip na kailangan niyo rin ako,” iyak niya habang pisil-pisil ang kamay ng mga ito.

Sa kabutihang palad, wala pang isang oras siyang naroon, muli nang gumising ang kaniyang ina na sinundan naman ng kaniyang ama pagsapit ng gabi na labis niyang ikinatuwa. Ayon sa mga doktor ay maayos na ang kalagayan ng dalawa.

Simula noon, natuto na siyang tumanggi nang maayos sa pamilya ng kaniyang nobya at mas binigyang prayoridad ang mga magulang niyang siya lamang ang inaasahan.

“Hindi ko makakayanan kapag nawala kayo sa akin, mama, papa, pasensya na po kayo, ha? Pasaway ang anak niyo pero pangako, simula ngayon, palagi na akong nasa tabi niyo may selebrasyon man o wala,” sambit niya sa mga ito, isang araw nang muli nilang ipagdiwang ang araw ng mga tatay sa kanilang maliit na tahanan.

Advertisement