“Iyan ba ang pinagmamalaki mong manliligaw, Janice? Mukhang isang suntok ko lang d’yan, tataob na agad ‘yan, eh! May ipapakain na ba sa’yo yan, ha?” sigang sambit ni Cesar sa kaniyang nakababatang kapatid, isang gabi nang makita niya sa kanilang bahay ang manliligaw nito.
“Kuya, naman! Huwag ka ngang siga riyan! Disenteng nagpunta rito ‘yong tao para hingin ‘yong kamay ko sa inyo nila mama tapos sisigaw-sigawan mo!” pagtatanggol ng kaniyang kapatid na ikinainis niya.
“Disente na para sa’yo ‘yang itsurang ‘yan? Mukhang unggoy na nakawala sa hayupan!” pangmamaliit niya pa rito dahilan para siya’y awatin na ng kaniyang ina.
“Tumigil ka na nga, kuya, pumasok ka na sa trabaho!” payo ng kaniyang kapatid saka siya tinutulak palabas.
“Ikaw ang tumigil, Janice! Kabata-bata mo pa, nagpapaligaw ka na agad! Sa isang unggoy pa! Kapag ikaw nadisgrasya ng pangit na ‘yan, huwag kang lalapit-lapit sa akin, ha?” babala niya pa rito.
“Wala pa sa isip namin ‘yon, kuya!” tugon nito saka naupo sa tabi ng naturang lalaki na kanina pa nakatungo.
“Sa ngayon, wala pa! Pero ‘pag nagtagal, naku! Ayoko na lang magsalita! Kung ako sa’yo, mag-aral ka na lang muna! Makakapaghintay ‘yan kung mahal ka talaga ng unggoy na ‘yan!” sigaw niya pa dahilan para tuluyan siyang paalisin ng nanay nilang pilit pang tumayo mula sa pagkakahiga.
Sa tuwing may nanliligaw sa kapatid na dalaga ni Cesar, nag-iinit siya maigi sa galit. Ayaw na ayaw niyang may makikitang binata sa kanilang bahay dahil pakiwari niya, agad nang mapapariwara ang buhay ng kapatid niya ito.
Lalo na sa panahon ngayong mapupusok na ang mga kabataan, nais niyang iiwas ang kapatid niyang ito sa madilim na buhay kung saan ito maghihirap katulad ng kanilang inang maaga ring nabuntis.
Ilang taon siyang pinakinggan ng kapatid niyang ito dahil bukod sa siya na ang nagpapakain sa kanilang buong pamilya, siya pa ang nagbibigay ng baon dito sa paaralan.
Kaya lang, ngayong mababa ang sahod niya sa bagong trabaho at hindi na niya nabibigyan ng pangbaon ang kapatid, muli na naman itong nagpaligaw sa mga binata na talaga nga namang labis niyang ikinagalit.
Sa katunayan, kaya niya naman talagang magbigay pa ng baon sa kapatid niyang ito ngunit dahil siya’y may pansarili ring bisyo at nais ding makatikim ng iba’t ibang babae sa bar, ang sobrang pera niyang dapat pangbaon ng kapatid niya, nagagastos niya para rito.
Katwiran niya naman, “Hindi porque hindi na ako nagbibigay ng pangbaon, magpapaligaw na siya agad!” dahilan para sa tuwing dadalaw sa kanila ang binatang palaging bukang bibig ng kapatid niya, ganoon niya na lang ito mamaliit at sisigaw-sigawan.
Kinabukasan, pagkauwi niya galing trabaho, agad na nag-init ang ulo niya nang makitang hawak ng binatang iyon ang kamay ng kaniyang kapatid habang naglalakad ang mga ito patungo sa unibersidad na pinapasukan. Agad siyang tumakbo patungo sa kaniyang kapatid at ito’y kaniyang hinila palayo sa binatang iyon.
“Ano bang tumatakbo sa isip mo, Janice, ha? Ilang beses ko bang sasabihin sa’yong wala kang kinabukasan sa lalaking ito!” sigaw niya sa kapatid.
“Paano ka ba nakakasiguro na wala akong kinabukasan sa kaniya, kuya, ha? Diyos ka ba para malaman mo ang lahat?” sagot nito dahilan para masampal niya ito, aawatin pa lang sana siya ng kasama nitong binata, inambaan niya kaagad ito ng suntok.
“Sige, anong pinagmamalaki mo sa lalaking ‘yan?” paghahamon niya rito, nagsimula na silang tignan ng mga taong dumadaan.
“Siya lang naman ang nagpapaaral sa akin ngayon. Siya ang nagbibigay ng baon ko, nagbabayad sa mga bayarin ko sa paaralan, at higit sa lahat, siya ang bumibili ng gamot ni nanay na hindi nabibigay ng kuya ko dahil sa bisyo at pangbababae niya!” sigaw nito na talaga nga namang ikinatuliro niya, “Ang binatang sinisigawan mo ay ang binatang nagbibigay ng pag-asa sa akin!” dagdag pa nito saka siya nilayasan kasama ang binatang iyon.
Sa kahihiyan niya, napatakbo na lang siya pauwi sa kanila. Sinumbong niya ang nangyari sa kaniyang ina at siya’y pinangaralan nito.
“Hindi mo maaaring kontrolin ang kapatid mo, Cesar. Pwede mo siyang gabayan pero hindi mo siya dapat turuan kung paano niya didiskartehan ang buhay niya. Saka ikaw, anak, ingatan mo ang perang pinaghihirapan mo para hindi ka habang-buhay na ganito,” wika nito na talagang paulit-ulit na tumakbo sa isip niya.
Simula noon, unti-unti niyang kinilala ang binatang iyon at labis siyang natuwa dahil mabuti nga itong tao katulad ng sabi ng kaniyang kapatid.
Tinigilan niya na rin ang pagbibisyo at pangbababae na talaga nga namang nagbigay ng kaginhawaan hindi lang sa kaniya, kung hindi sa kanilang buong pamilya.