Inday TrendingInday Trending
Minamaliit ng Dalagang Ito ang Nakababatang Kapatid na “Aanga-anga”; Dekalibre pala ang Talinong Mayroon Ito

Minamaliit ng Dalagang Ito ang Nakababatang Kapatid na “Aanga-anga”; Dekalibre pala ang Talinong Mayroon Ito

“Glenis, ilang beses ko bang ipapaalala sa’yo na kailangan mong ihiwalay ang mga damit na de kolor sa mga puting damit bago mo isalang sa washing machine, ha?” inis na sigaw ni Claire sa kaniyang nakababatang kapatid, isang umaga nang makita niyang mali na naman ang paglalaba nito.

“Pa-pasensya na, ate, mga bimpo lang naman kasi ‘yan kaya akala ko pupwede nang ipagsama,” paliwanag nito na ikinainis niya.

“Pupwedeng ipagsama? Tingnan mo ‘tong puting panyo ko, naging kulay tsokolate na! Simpleng gawaing bahay hindi mo magawa nang maayos! Ibenta na kaya natin ‘yang utak mo? Hindi naman nagagamit, eh!” bulyaw niya pa rito saka ito bahagyang tinuktukan sa ulo.

“Ate, naman,” daing nito habang hinihinamas-himas ang ulo.

“Ano, kasalanan ko pa? Kung inaayos mo sana ang gawain mo, hindi ka masesermunan! Pati nga paghuhugas ng pinggan, hindi mo magawa nang maayos! Hawakan mo ‘yang mga platong hinugasan mo, puro sebo pa!” sermon niya pa rito habang sinisipat ang mga platong hinugasan nito kagabi.

“Huhugasan ko na lang po ulit, ate,” sambit nito saka agad na inilagay sa lababo ang mga platong iyon.

“Mabuti naman at naisip mo ‘yan!” sigaw niya, patuloy niya pa itong sinermunan habang kumikilos ito sa kanilang bahay.

Ang dalagang si Claire na lang ang tanging tumataguyod sa kaniyang nag-iisang kapatid simula pa lang nang mawala ang kanilang mga magulang, isang dekada na ang nakalilipas.

Sa katunayan, dahil sa responsibilidad na kailangan niyang tugunan sa kapatid, nagpasiya siyang tumigil sa pag-aaral at magsimulang maghanap ng trabaho.

Sa ganoong paraan, mahirap man ang kanilang buhay magkapatid, masaya na siyang nairaraos niya ang isang araw na may maibibigay na pagkain dito at ito pa ay kaniyang napapag-aaral.

Ngunit ngayong sila’y tuluyan nang umasenso sa buhay dahil sa kaniyang pagsisipag sa trabaho, biglang nagbago ang pakikitungo niya sa kaniyang kapatid.

Madalas na niya kasing napapansin ang kamalian nito dahilan para halos araw-araw niyang itong kainisan at sermunan.

Nagagawa niya pang ipagsabi ang mga kahinaan nito sa kanilang mga kaanak dahilan para lalo bumaba ang tingin ng iba rito.

“Mahina naman talaga ang kokote mo. Alam mo bang sa edad mo, nagtatrabaho na ako para mag mapakain sa’yo!” sumbat niya pa rito sa tuwing nagrereklamo ito sa ginagawa niya.

Nang araw na ‘yon, matapos maghugas ng plato ang kaniyang kapatid, agad na siyang nagsimulang kumain at mag-ayos sa pagpasok sa trabaho.

Ngunit bago pa man siya tuluyang makaalis, nakatanggap siya ng mensahe mula sa propesor ng kaniyang kapatid dahilan para muli na naman niya itong sermunan.

“Anong ginawa mong kalokohan sa unibersidad na pinapasukan mo, ha? Bakit ako pinapapunta ng propesor mo roon? Wala ka na ba talagang gagawing tama? Nakakasawa ka na kasama sa buhay!” sigaw niya rito.

“Wala akong ginawang kalokohan, ate, may kailangan ka lang pirmahan doon,” kalmado nitong wika habang nagmamadaling mag-ayos ng sarili upang samahan siya sa naturang unibersidad.

“Bwisit! Papasok na ako, eh! Bakit pa kasi ikaw ang kapatid ko?” inis niyang sambit saka agad nang lumabas ng kanilang bahay.

Pagkarating nila sa naturang unibersidad, abot taingang mga ngiti mula sa mga propesor na naroon ang sumalubong sa kanila na labis niyang ikinapagtaka.

“Magandang umaga po! Sigurado po kaming sa’yo nagmana si Glenis!” sambit ng isang guro dahilan para tumaas ang kilay niya.

“Ano’ng ibig niyong sabihin?” tanong niya rito.

“Halata po sa pustura niyo na may natatago kayong talino katulad ng kapatid niyo. Nasabi na po ba niya sa inyo na may mga Amerikanong gusto siyang kuhanin at pag-aralin sa ibang bansa? Tiyak na ang matagumpay na buhay niya, ma’am!” masayang sagot nito na ikinagulat niya dahilan para mapatingin siya sa kapatid niyang tahimik lamang na nakatungo sa isang sulok.

“Totoo po ba ‘yan? Sigurado kayong kapatid ko ang gusto nilang pag-aralin?” pang-uusisa niya pa.

“Opo, ma’am. Kapansin-pansin po kasi talaga ang talino at galing niya sa klase. Kung payag po kayo sa pag-alis niya, pirma niyo na lang po ang kailangan at bukas na bukas, maaari na siyang umalis,” tugon pa nito na ikinataba ng puso niya.

Muli siyang tumingin sa kaniyang kapatid, nakangiti na ito sa kaniya at sinabing, “Sana napasaya kita, ate,” dahilan para siya’y maluha habang pumipirma ng mga kontrata.

Labis na pagkahiya at pangongonsenya ang naramdaman niya nang mga oras na iyon. Mahigpit niyang niyakap ang kapatid habang patuloy sa paghingi ng tawad. Tumango-tango lang ito at sinabing, “Ako naman, ate, ang kukulay sa mga pangarap mo!”

Simula noon, hindi na niya muling nagawang maliitin ang kapatid bagkus, ito na ay kaniyang pinagmamalaki kahit kanino man. Sinuportahan niya ito sa pagkamit ng mga pangarap nito.

Ilang taon pa ang lumipas, siya naman ang pinag-aral ng kapatid niyang ito habang ito ay nagtatrabaho sa ibang bansa.

“Kukuhanin din kita, ate, maghintay ka lang! Sabay tayong magtatagumpay sa buhay!” sambit pa nito na labis niyang ikinaiyak.

Tunay ngang lahat ay kakayanin nilang dalawa basta’t sila’y magkasama at sinusuportahan ang isa’t isa.

Advertisement